5 Healthy Activities para sa Mga Bata

January 29, 2018

Parte ng pagiging bata ang paglalaro at pagkakaroon ng iba pang gawain sa labas ng paaralan. Pero sa dami ng gawain sa paaralan, siguradong hindi maiiwasan na piliin na lamang nilang matulog at magpahinga. Minsan naman, mapapansin na nakahiga nga sila pero panay naman ang scroll down sa mga cell phone, iPad o tablet na mayroon sila.

Bilang mga magulang, mahalagang hinihikayat ang mga batang maging aktibo para mapanatiling maganda ang kanilang pangangatawan at disposisyon. Mainam din na magkaroon sila ng outlet sa stress na nararamdaman sa pag-aaral

Hindi naman kailangang gumastos ng malaki o pumunta sa malalayong lugar para makapag-enjoy ang mga bata, kaya narito ang limang gawaing simple pero tiyak na maeenjoy nila. 

1. Paglalaro ng paboritong sports. Madaming benepisyo ang kaakibat ng pagkakaroon ng sariling sports. Ayon sa mga pag-aaral, ang batang naglalaro ng kanyang gustong sports ay madalas na aktibo sa paaralan at sa komunidad, malakas ang resistensiya, mataas ang self esteem, developed ang problem-solving skills at talagang masigla. Basketball, soccer at volleyball ang tatlo sa pinakasikat na team sports sa Pilipinas at talagang laganap ang mga teams na sumasali sa iba’t ibang palaro. Kung wala pang sariling sports ang anak, mainam na hikayatin silang sumali kahit sa isang sports group lamang.

2. Pagbibisikleta sa labas. Kung ayaw naman ng intense activity, magandang subukan ang pagbisikleta. Isa ito sa pinakamainam na ehersisyo na nakakatulong ito s pagkakaroon at pagmemaintain ng healthy heart. Siguruhin lamang na mayroong suot na helmet at mayroong reflector ang bisekleta lalo na kung aabutin ng dilim. I-check din ang brakes at ang gulong para siguradong para iwas peligro.

undefined

Image from Pixabay​

3. Pagpipicnic at paglalakad sa parke. Kung hindi busy ang pamilya, bakit hindi subukang pumunta sa parke, magpicnic at maglakad-lakad? Isa sa mga paraan para mahikayat ang mga bata sa pagiging aktibo ay kung makikita ito sa kanilang mga magulang mismo. Hindi naman kinakailangang intense ang paglalakad na gawin. Ang simpleng pag-iikot ikot lamang sa parke at pag-eenjoy ng scenery ay malaking tulong na para mahikayat na maging aktibo ang bata. Mainam din na ang mga pagkaing babaunin sa picnic ay masusustansiya gaya ng mga prutas, juice, tuna sandwich at hindi puro junk food at matatamis.

4. Paglalaro ng mga larong Pinoy. Madami sa mga larong Pilipino ang talaga namang nakakasigla ng pangangatawan. Ilan sa mga kilalang larong Pilipino na marahil ay kilala pa ng henerasyon ngayon ay Luksong Baka, Luksong Tinik, Taguan, Langit Lupa, Patintero at Agawan Base. Pwede laruan ang mga ito sa parke o kahit sa labas lamang ng bahay. Kung hindi pamilyar ang mga bata sa mga larong ito, ngayon na ang tamang panahon para ipakilala ang mga ito sa kanila.

 

undefined

Image from Pixabay​

5. Pagtatanim o paghahardin. Kung ayaw naman ng mga nakakapagod na laro at ehersisyo, pwedeng subukan ang pagtatanim o paghahardin. Ang activity na ito ay hindi lamang pangmatanda. Pwedeng pwede din itong gawin ng mga bata, kailangan lamang ng patnubay ng magulang lalo na kung talagang napakabata pa ng batang sasali. Healthy activity ito dahil ang simpleng pagbubungkal at paglilipat ng mga halaman o pag-aayos ng mga tanim ay nakakapagpapawis na. Bonus pa kapag nasikatan ng araw dahil kailangan ng katawan ang natural na vitamin D na nagmumula sa mga sinag ng araw. Isa pang magandang dulot ng paghahardin ay makikita ng bata ang resulta ng kanyang paghihirap kaya mas lalo siyang mahihikayat na muling subukan ito.

Ilan lamang ito sa mga pwedeng gawin ng mga kabataan kung sila ay stressed out sa pag-aaral o ‘di kaya ay inactive ang lifestyle. Mga magulang, huwag hayaang tatamad-tamad ang mga anak sa pagkilos. Importante na aktibo at napapawisan ang katawan ng bata para iwas sa pagiging overweight o obese na madalas ay nagiging dahilan ng pagkakaroon ng diabetes at sakit sa puso.

Sources

https://handsonaswegrow.com/physical-activities-keep-kids-healthy/

https://gethealthyu.com/45-fun-and-healthy-activities-to-do-with-your-kids-this-summer/

http://www.topten.ph/2016/07/15/lets-play-top-10-sports-filipinos-love/

http://www.akoaypilipino.eu/libangan/libangan/life-style/sampung-pinakasikat-na-larong-tradisyunal-ng-mga-pinoy.html

http://www.heart.org/HEARTORG/HealthyLiving/HealthyKids/ActivitiesforKids/Tips-to-Keep-in-Mind-for-Physical-Activity_UCM_312476_Article.jsp#.Wl27OUqWbIU