Kung ikaw ay nakaranas na ng sakit sa bato, siguradong masasabi mong napakasakit magkaroon nito. Nagiging mahirap at mabagal ang mga pang-araw-araw na gawain dahil sa pagkirot na nararamdaman.
Gayunpaman, maraming paraan upang makontrol ang sakit sa bato. Kailangan lamang ng sapat na kaalaman tungkol sa karamdamang ito upang maintindihan ang mga solusyon at mga bagay na dapat iwasan. Ating talakayin ang mga ito.
Mga Inumin
Wasto: Uminom ng Maraming Tubig
Ugaliin ang pag-inom ng 8 hanggang 10 na basong tubig araw-araw. Ito ang pinakamadali at pinakamatipid na paraan upang maiwasan ang paglala ng sakit sa bato. Dadalas ang pag-ihi kapag marami ang iniinom na tubig at ito ay makatutulong sa pag-alis ng toxins sa katawan. Dahil din dito, mababawasan ang trabaho ng mga bato at maaaring maiwasan ang kidney infection.
Ang pag-inom din ng lemon juice ay epektibo dahil mataas ito sa citrates na nakatutulong sa pagbaba ng acidity ng urine at pag-iwas sa pamumuo ng kidney stones. Makatutulong din ang cranberry juice kung ang kidney stones ay hindi mataas ang calcium content.
Hindi Wasto: Pag-Inom ng Soft Drinks
Masarap man at nakatatanggal ng uhaw ang carbonated drinks at soft drinks, dapat iwasan ang mga ito. Maaaring magpalala ng pamamaga ng mga bato at magdulot ng kidney stones ang mga nasabing inumin. Iwasan din ang labis na pag-inom ng kape at alak.
Ang cranberry juice ay nakatutulong sa pag-iwas sa urinary tract infections (UTI) ngunit ipagpaliban ang pagkonsumo nito kapag ang iyong kidney stones ay mataas ang calcium content. Masagana sa oxalates ang cranberry.
Ang oxalates ay mga molecule na karaniwang nakikita sa iba’t-ibang uri ng prutas at gulay. Ito ang nagtatanggal ng labis na calcium sa katawan. Tuwing kumakapit ito sa calcium, maaaring may mabuong insoluble salt. Ang labis na dami ng insoluble salt na ito ay pinagdudulutan ng kidney stones.
Mga Pagkain
Photo from Pixabay
Wasto: Kumain ng Prutas at Gulay na Masagana sa Vitamin C
Kumain ng maraming sariwang prutas at gulay dahil ang mga ito ay nagbibigay ng sapat na water-soluble fiber at vitamin C. Ang saging ay mainam din sapagkat ito ay mataas sa vitamin B6. Ilan pa sa mga prutas na makabubuti sa kidneys ay mansanas, bayabas, peras, papaya at pinya. Sa gulay naman, makatutulong ang bell pepper, sibuyas at repolyo. Ang pagkakaroon ng balanced diet ay mainam na panglaban sa sakit sa bato at iba pang malubhang karamdaman.
Hindi Wasto: Labis na Konsumo ng Sodium, Oxalates, at Maalat na Pagkain
Limitahan ang pagkonsumo sa mga pagkaing maalat dahil natatanggal nito ang calcium sa katawan. Ang kakulangan sa calcium ay nagdudulot ng sakit sa bato at nagpapahina sa mga buto. Tumataas din ang presyon ng dugo dahil dito.
Iwasan din ang sodium dahil ang labis na dami nito sa katawan ay sanhi ng pamumumuo ng kidney stones. Ilan sa mga pagkaing mataas ang sodium content ay fast food, processed meat, canned goods at betsin o monosodium glutamate (MSG).
Hindi lahat ng gulay ay nakabubuti sa taong mayroong sakit sa bato. Ang mga gulay tulad ng cauliflower, kamatis at dark leafy vegetables ay naglalaman ng maraming oxalates. Gayun din ang dairy products tulad ng keso at gatas. Iwasan ang malimit na pagkain ng mga ito upang hindi lumala ang kondisyon.
Hindi rin nakabubuti ang sobrang konsumo ng protina mula sa mga pagkain tulad ng baboy, baka, manok at lamang-dagat. Dapat katamtaman lamang ang proporsyon ng mga ito sa bawat meal.
Lifestyle
Photo from Pixabay
Wasto: Pag-eehersisyo Araw-Araw
Ugaliin ang pag-eehersisyo araw-araw. Nakatutulong ang aktibong pagkilos at pagpapapawis dahil nailalabas ng katawan ang mga dumi at nababawasan ang labis na taba. Hindi naman kinakailangang lumahok sa mga sobrang nakapapagod na sports gaya ng basketball at marathon. Ang simpleng paglalakad ay uri na rin ng pag-eehersisyo. Puwede ring ilabas ang talento sa pagsayaw sa pagsali sa Zumba.
Maglaan ng 30 minuto bawat araw sa pagbabanat ng mga buto. Ito ay lubos na makatutulong hindi lamang sa pagkontrol ng iyong sakit sa bato kung hindi pati na rin sa pag-iwas sa iba’t-ibang karamdaman.
Hindi Wasto: Labis na Pag-Aalala at Pagiging Stressed
Bukod sa pagkakaroon ng malusog na pangangatawan, mahalaga rin ang kalusugan ng pag-iisip. Ang stress at anxiety ay nagpapataas ng blood pressure na maaaring magpalala sa iyong kondisyon. Kung ikaw ay natatakot na magkaroon muli ng sakit sa bato o nababalisa sa posibilidad ng kidney failure, huwag kang mabahala. Maraming paraan upang makontrol ang iyong karamdaman.
Ang wastong eating and lifestyle habits ay ang pinakamahalagang bahagi sa pagkontrol sa sakit sa bato. Kailangan lamang ng disiplina sa sarili at magandang pananaw sa buhay. Mahirap lamang ang lahat sa simula ngunit kapag ikaw ay nasanay, matutuwa ka sa mga resulta ng iyong bagong pamumuhay.
Ilan lamang ito sa mga tips upang mapabuti ang kalusugan. Kung may mga sintomas ng karamdaman, makabubuti pa din na kumonsulta sa inyong physician upang mabigyan ng mas angkop na payo ukol sa inyong karamdaman.