Mga Sintomas ng Sakit sa Bato | RiteMED

Mga Sintomas ng Sakit sa Bato

December 20, 2018

Mga Sintomas ng Sakit sa Bato

Isa sa pinaka-aabangan na buwan sa isang taon ang December dahil na rin sa kabi-kabilang pagdiriwang ng Pasko at nalalapit na New Year. Mahalagang parte na ng mga tradisyong Pilipino sa panahong ito ang masasarap na kainan. Bago pa man magsimula ng mas healthy na lifestyle sa susunod na taon, ine-enjoy muna ang bawat celebration sa pamamagitan ng mga handaan.

 

Dahil na rin sa dami at kalidad ng kinakain lalo na ngayong holiday season, hindi maiiwasan kung minsan na makaapekto sa kalusugan ang labis na pagkonsumo ng mga pagkaing maaalat at mamamantika. Isa ito sa mga sanhi ng pagkakasakit gaya ng atake sa puso at iba pang komplikasyon sa sistema ng katawan. Kasama na rito ang pagkakaroon ng sakit sa bato. Tingnan natin kung ano nga ba ang kahalagahan ng kidneys sa ating katawan at paano malalaman kung ang mga nararamdaman ay senyales na ng sakit sa bato.

 

Ano ang trabaho ng kidneys o mga bato?

 

Importante ang gagampanin ng mga kidney sa kabuuang kalusugan ng isang tao. Sa itsura, hugis beans ang mga ito at matatagpuan sa renal system. Ang mga ito ang nagsasala ng mga bagay na dumadaloy sa loob ng katawan sa pamamagitan ng ihi. Halimbawa na lang dito ay ang dugo, pagkain, at tubig na umiikot sa iba’t ibang body systems. Ang mga bato rin ang nagsasala ng dugo bago ito makabalik sa puso.

 

Sa tulong ng mga bato, nalilinis at natatanggalan ng dumi o toxins ang katawan. Para magawa ito, binabalanse nila ang fluids o ang dami ng likido sa katawan, nire-regulate at sinasala ang mga mineral na matatagpuan sa dugo mula sa mga kinokomsumo, nagfi-filter ng waste materials galing sa pagkain, gamot, at maging sa mga toxic na substances, at gumagawa ng hormones na tumutulong sa produksyon ng red blood cells – kaugnay nito ang paniniguradong normal ang blood pressure at healthy ang mga buto.

 

Bakit nagkakaroon ng sakit sa bato?

 

undefined

Photo from Pixabay

 

 

Ang sakit sa bato ay kadalasang tinatawag na kidney stones or renal lithiasis (nephrolithiasis). Nangyayari ito kapag nagkaroon ng matitigas na deposito ng salt at minerals sa loob ng mga bato. Dahil dito, naaapektuhan nang masama ang urinary tract kung saan nakakonekta ang kidneys sa pantog o bladder.

 

Ilan sa mga kondisyong nagdadala ng sakit sa bato ay diabetes, high blood pressure, lupus, baradong renal artery, at pag-inom ng steroids.

 

Bagama’t walang iisang dahilan kung bakit nagkakaroon ng sakit sa bato, nabubuo ang kidney stones kapag tila nagiging concentrated ang ihi, dahilan para mamuo ang minerals at magdikit-dikit. Ilan sa minerals at substances na namumuo ay calcium, oxalate, at uric acid. Maaari rin namang kulang sa mga substance na umiiwas sa paninikit ng crystals sa ihi kaya namumuo ang iba’t ibang kidney stones. Ilan sa mga ito ang:

 

  • Calcium stones – Tinatawag ding calcium oxalate, karamihan sa kidney stones ay ganito. Nakukuha ito sa labis na pagkonsumo ng ilang prutas, gulay, nuts, at maging chocolate na mataas sa oxalate. Pino-produce rin araw-araw ng atay ang oxalate, ang ang sobrang supply nito ay nakakapagpataas ng risk.

 

  • Struvite stones – Ang mga ito ay namumuo bilang response sa isang impeksyon gaya ng Urinary Tract Infection o UTI. Ito ang uri ng mga bato na mabilis lumaki at karaniwang hindi nagpapakita ng mga sintomas ng sakit sa bato.

 

  • Uric acid stones – Para naman sa mga taong hindi gaanong umiinom ng tubig o kaya sa mga kasong nawalan ng maraming fluids ang katawan, ganitong klase ng kidney stones ang maaaring mamuo. At risk din dito ang hindi kumakain ng high-protein diet at mayroong gout.

 

Anu-ano ang mga sintomas ng may sakit sa kidney?

 

Mayroong limang yugto ang chronic kidney disease na nagsasanhi ng kidney stones:

 

  • Stage I hanggang Stage II – Normal pa ang functions ng kidneys pero may ilang senyales na sa ihi na mayroong sakit sa bato.

 

  • Stage III – Tumitindi na ang impeksyon sa bato.

 

  • Stage IV – Apektado na ang functions ng kidneys.

 

  • Stage V – Halos hindi na gumagana ang bato at maaari nang humantong  sa kidney failure.

 

Ang mga ito ang sintomas ng sakit sa kidney na maaaring maranasan sa Stage III hanggang Stage V:

 

undefined

Photo from Pixabay

 

  • Pamamanas ng mga kamay at paa;
  • Pagiging hirap sa paghinga;
  • Biglaang pagbaba ng timbang;
  • Madalas na pamumulikat;
  • Kapansin-pansing pag-iiba ng kulay ng ihi;
  • Madalas na pag-ihi;
  • Pangangati; o
  • Erectile dysfunction sa mga kalalakihan o ang pagiging hirap sa pagpapatayo ng ari.

 

Anu-ano ang mga pwedeng gawin kontra sakit sa bato?

 

  1. Limitahan ang pagkonsumo ng maaalat at matabang pagkain para mapanatili ang normal na presyon ng dugo at maayos na pagdaloy ng dugo sa mga ugat papuntang puso.
  2. Mag-maintain ng healthy na timbang ayon sa iyong edad, tangkad, at health condition.
  3. Itigil ang masasamang bisyo gaya ng pag-inom ng alak at paninigarilyo dahil nakakapagpataas ang mga ito ng risk ng pagkakaroon ng sakit sa bato.
  4. Magsama sa diet ng mga pagkaing mataas sa good cholesterol gaya ng mga prutas na mayaman sa fiber, isda, avocado, at olive oil.
  5. Mag-exercise araw-araw.
  6. Uminom ng gamot ayon sa payo ng doktor. May mga gamot sa sakit sa bato gaya ng allopurinol na maaaring makatulong sa pagtunaw ng ilang uri ng kidney stones gaya ng uric acid stones. Napapababa ng gamot sa kidney na ito ang level ng uric acid sa dugo para mag-improve ang kidney function.

 

Hindi agad nagpapakita ang mga sintomas ng sakit sa kidney sa unang yugto o stage nito. Kaya naman iminumungkahi ang regular na pagpapa-check-up para maagapan ang sakit bago pa man ito lumaganap. Kasama ng wastong diet, active lifestyle, at ibayong pag-iingat sa katawan, maaaring maiwasan ang pagkakaroon ng kidney stones at ma-maintain ang healthy overall function ng mga bato.

 

Sources:

 

https://www.ritemed.com.ph/tamang-kaalaman/kidney-disorder

https://www.healthline.com/human-body-maps/kidney

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/kidney-stones/symptoms-causes/syc-20355755



What do you think of this article?