Isa ang lymphatic filariasis sa mga sakit na tinatawag na Neglected Tropical Disease (NTD), o mga karamdaman na nakakaapekto sa mahigit isang bilyong tao sa mundo. Karamihan sa mga nadadapuan ng NTD ay ang mga nakatira sa mga bansang may tropical climate, tulad ng Pilipinas. Ayon sa World Health Organization, nasa tatlong milyong Pilipino ang pwedeng magkaroon ng filariasis.
Ano ang lymphatic filariasis?
Para sa mga nagtatanong ng what is filariasis, ang sakit na ito ay maaring makuha mula sa kagat ng lamok. Naapektuhan nito ang lymphatic system natin, kung kaya naman nagkakaroon ng pamamaga, paglaki, at pananakit ang iba’t ibang parte ng katawan. Mas kilala ang lymphatic filariasis sa pangalan na elephantiasis.
Karamihan ng mga nagkakaroon ng lymphatic filariasis ay ang mga nakatira sa maiinit na lugar, kung saan maraming lamok ang matatagpuan. At kung hindi malinis ang tinitirahan, mas lalaki ang tiyansa ng filariasis dahil mas maraming mababahayan ang mga lamok na pwedeng magdala nito.
Parasitic worms ang pangunahing sanhi o cause ng lymphatic filariasis. Kapag nakagat ng lamok na dala-dala ang parasitong ito, malilipat ito sa katawan ng nakagat, at mapupunta sa lymphatic system nila.
Mga sintomas ng lymphatic filariasis
Sa umpisa, maituturing na asymptomatic ang lymphatic filariasis. Ibig sabihin, ang mga unang filariasis symptoms ay hindi nakikita sa pisikal na katawan - kumakalat pa lamang ang sakit sa loob. Pero kapag tumagal na, lalabas na ang mga senyales nito. Ilan sa mga ito ay ang:
- Lagnat
- Panginginig o chills
- Pananakit ng katawan
- Panghihina
- Pamamaga at paglaki ng mga lymph nodes
- Pagkakaroon ng edema, o naipon na fluids sa mga apektadong bahagi ng katawan
Madalas, nararanasan ang lymphatic filariasis sa braso, binti, o kaya naman sa ari ng parehong lalaki at babae. Makikita rin ang lymphatic filariasis sa dibdib ng babae. Pero syempre, pwede pa ring magkaroon ng sakit na ito sa kahit anong parte ng katawan. Kaya kapag napapansin na ang ilan sa mga sintomas na ito, lalo na ang pamamaga at pagkakaroon ng edema, mabuti nang bumisita sa doktor para magpakonsulta. Sa pamamagitan ng ilang pagsusuri at ebalwasyon, malalaman na kung filariasis na nga ang sakit.
Tamang paggamot sa lymphatic filariasis
Ang pinaka-karaniwang gamot na ginagamit para sa lymphatic filariasis ay ang mga anti-parasitic drugs, para maalis ang parasitic worm na nakapasok sa katawan. Maliban dito, binibigyan rin ang mga pasyente ng ilang paalala tungkol sa hygiene at tamang paggamot sa mga sugat na dulot ng filariasis. Ilan sa mga ito ang:
- Pagbalot o pagbendahe sa namamagang parte ng katawan, para hindi lumubha ang lagay
- Paghugas ng apektadong parte ng katawan araw-araw, para mabawasan ang impeksyon
Ginagawa ang mga filariasis treatment na ito para hindi na lalong lumala ang mga sintomas.
Mayroon ring operasyon pwedeng gawin para sa mga lalaking nakakaranas ng filariasis sa may bahagi ng ari o scrotum, para mabawasan ang pamamaga nito. Sa ngayon, ang surgery ay inaabiso para lamang sa mga may scrotal filariasis, dahil mas komplikado pa ang proseso ng pag-opera ng filariasis sa braso at binti.
Importanteng tandaan na kahit may mga solusyon at gamot para sa lymphatic filariasis, prevention pa rin ang kailangan. Iyon ay dahil hindi curable ang sakit na ito. Ibig sabihin, nagagamot ang mga sintomas nito, pero pwede itong bumalik pagkaraan ng ilang panahon.
Para maiwasan ang lymphatic filariasis, ang pinakamahalagang hakbang ay ang pag-iwas sa kagat ng lamok, lalo na sa gabi, dahil dito madalas lumabas ang mga lamok na nagdadala ng parasitong nagdudulot ng filariasis. Ugaliing matulog na may air conditioner o electric fan, para may hangin na dumadaloy sa pinagtutulugan. Maglagay rin ng mosquito net kung kinakailangan. Pwede ring maglagay ng mosquito repellent sa balat, para hindi dumapo ang mga lamok.
Napakaraming tao ang naaapektuhan ng lymphatic filariasis sa buong mundo. Pero sa tamang paraan ng pag-aalaga, maaring maiwasan ang pagkakaroon o paglala nito.
Sources: