Pagkilala sa Mga Waterborne Diseases

July 08, 2016

Photo from Pixabay

Tuwing tag-ulan, maraming sakit ang lumalaganap. Uso sa panahon ang ubo, sipon, at lagnat. Maliban sa mga ito, mayroon pang ibang pathogens o mga mikrobyo na kumakalat nang dahil sa panahon. Nagdudulot ito ng iba’t-ibang seryosong sakit na kung tawagin ay wateborne diseases.

Ang waterborne diseases ay nakukuha sa tubig na nakontamina ng mga mikrobyo na nakatira dito. Nagkakasakit ang mga taong nakakonsumo o nahawakan nang matagal ang tubig na nakontamina. Narito ang mga nasabing karamdaman, ang kanilang sanhi, sintomas, at lunas.

Cholera

 

Ang cholera ay isang nakakahawang sakit na nagdudulot ng malubhang pagtatae. Nakukuha ito sa pagkonsumo ng tubig o pagkaing mayroong Vibrio Cholerae bacteria. Nakakaranas ng matinding pagtatae, pagbilis ng heart rate, pagkakaroon ng loose skin, panunuyo ng bibig at mata, pagbaba ng blood pressure, at muscle cramps. Nakamamatay ang sakit kapag hindi agad naagapan.

 

Ang Vibrio Cholerae bacteria ay nabubuhay sa maduming tubig, at kadalasang nakokonsumo dahil sa mababang antas ng sanitasyon. Pwedeng makuha ang cholera sa tubig na galing sa gripo, yelo, pagkain na may laman o hinugasan gamit ang kontaminadong tubig. Kapag ikaw ay nakaranas ng sintomas, magpakonsulta agad sa iyong doktor.

 

Diarrhea

 

Photo from Pixabay

 

Maaaring magkaroon ng diarrhea kapag nakakonsumo ng tubig o pagkaing binabahayan ng mga parasites at bacteria na nagdudulot ng diarrhea. Ang campylobacter, salmonella, shigella, at Escherichia coli ay nabibilang sa mga bacteria na nagdudulot ng nasabing karamdaman, habang ang Giardia lamblia at cryptosporidium naman ay iilang halimbawa ng parasito.

 

Kung ikaw ay mayroong diarrhea, makakaramdan ka ng pananakit ng tiyan, lagnat, pagsusuka, pagkahilo, pamamaga, at pamumulikat. Ang karaniwang kaso ng karamdaman ay napapagaling sa pag-inom ng maraming tubig, fruit drinks, at rehydration fluids, na nagbibigay ng electrolytes sa katawan.

 

Hepatitis A

 

Ang hepatitis A ay isang karamdaman na inaatake ang atay. Sanhi ito ng hepatitis A virus na matatagpuan sa dumi ng taong may impeksyon. Gaya ng diarrhea, ang sakit na ito ay maaring makuha kapag nakakain ng pagkain na may kontaminadong tubig at pag-inom ng likidong nahaluan ng maruming tubig. Maliban dito, maari ring mahawa sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa taong may Hepatitis A o pagturok ng mga karayom na nahawahan ng virus.

 

Ang mga karaniwang sintomas ng Hepatitis A ay ang hindi pangkaraniwang pagkapagod, sakit sa katawan, mababang lagnat, kawalan ng gutom, pangangayayat, sakit sa kanan na tagiliran, pagtatae o constipation, at paninilaw ng balat o jaundice. Kusang natatalo ng ating antibodies ang karamdaman, ngunit dapat magpatingin agad sa doktor para mabigyang-lunas ang mga sintomas at makakuha ng wastong gamot.

 

Typhoid

 

Photo from Pixabay

 

Ang Salmonella typhi at Salmonella paratyphi, na nakatira sa maduming tubig, ang mga bacteria na nagdudulot ng sakit na typhoid fever. Ang mikrobyo ay sumusuot sa loob ng atay, pali, bone marrow, at iba pang organs kung saan sila’y nagpaparami. Ang may sakit ay makakaramdam ng kawalan ng gana kumain, pananakit ng ulo at katawan, mataas na lagnat, panghihina, at pagtatae.

 

Upang gumaling sa typhoid, kailangang uminom ng antibiotics. Maaari ding magpabakuna laban sa sakit para makaiwas. Kumonsulta sa iyong doktor para mapag-aralan niya ang iyong kaso at mabigyan ka ng tamang gamot base sa uri ng bacteria na nagdudulot ng sakit at kundisyon ng iyong katawan.

 

Kailangang maging malinis sa katawan, kapaligiran, at pagkain para makaiwas sa mga nasabing sakit. Ugaliin ang paghuhugas ng kamay at paggamit ng malinis na tubig tuwing magluluto. Linisin din ang kusina at palitan ang tubig na matagal nang nakatiwangwang. Hugasan din nang maigi ang mga sangkap ng iluluto, mga pinggan at baso, at iba pang lalagyan ng pagkain. Ang pagiging maingat ang iyong sandata upang hindi magkasakit ngayong tag-ulan.