Madalas nating naririnig ang payong “Uminom ka ng antibiotics!” kapag meron tayong sipon, ubo, o kahit ano mang sakit. O kaya naman, tayo na mismo ang nagbibigay ng ganoong payo sa iba nating mga kilala. Nakasanayan na natin ang pag-inom sa gamot na ito.
Ngunit hindi dapat tayo masanay sa ganito. Ayon sa Department of Health, mas maigi na pumunta tayo sa mga public health center o sa mga ospital upang magpatingin, imbes na mag self-medicate o bumili lamang ng gamot na walang tamang payo. “Tanggalin po natin ang self-medication behavior natin. Kasi hindi naman po kayo nagpakadalubhasa na nag-aral para maging doctor.” sabi nga ni DOH secetary na si Francisco Duque III.
Pero bakit nga ba hindi maganda na mag self-medicate?
Ito ay dahil nagdudulot ito ng masasamang epekto sa ating katawan. Isa dito ang antibiotic resistance.
Ano ang Antibiotic Resistance?
Ang antibiotic resistance o AR ay isa sa mga pinakamalaking problema sa healthcare ngayon. Nangyayari ang AR kapag nag-dedevelop o nagbabago ang bakterya at nagiging immune na sa antibiotics. Kapag nangyari ito, mawawala na ang epekto ng gamot sa bakterya - magiging resistant bacteria o infection na ito. Ibig sabihin, kahit uminom tayo ng gamot, hindi na mawawala ang sakit o bacteria dahil hindi na sila naaapektuhan ng gamot.
Nangyayari ng natural ang AR, pero napapabilis ito sa maling pag-inom ng mga gamot, tulad ng antibiotics.
Ang isa pang dapat malaman tungkol sa AR ay ang posibilidad ng resistant bacteria na maging “superbug.” Ibig sabihin, nalalabanan na nito ang epekto ng maraming gamot, kaya kayang-kaya nitong kumalat at makaapekto sa mas marami pang tao.
Dahil dito, napakaimportante na sundin ang tamang pag-inom ng mga gamot - lalo na ng antibiotics.
Ibang Epekto ng Maling Pag-inom ng Antibiotics
Bukod sa antibiotic resistance, may ilan pang mga side effects of antibiotics, lalo na kung hindi tama ang pag-inom nito. Ang ilan sa mga ito ay ang pag-taas ng posibilidad ng diarrhea, lalo na sa mga bata, at ang pagbawas o pagpatay ng gut flora, o ang good bacteria sa loob ng tiyan na tumutulong sa digestion at immunity.
Tamang Pag-inom ng Antibiotics
Mahalaga na sundin ang mga tamang paraan ng pag-inom ng antibiotics. Narito ang ilang tips na dapat tandaan:
- Huwag mag-self medicate.
Ito ang pinakaimportanteng payo para sa tamang pag-inom ng mga gamot, hindi lamang ng antibiotics. “Tanggalin natin yung self-medication behavior… Hangga’t maari, sumangguni tayo sa lahat po ng pampublikong pagamutan, o kung kakayanin, sa mga pribadong pagamutan at kumuha po ng tamang reseta, at siguraduhin na buuin ang pag-inom nung niresetang gamut," ika ulit ni DOH Secretary Francisco Duque III.
Ang ilan sa mga panganib ng self-medication ay ang tiyansa ng maling self-diagnosis, paglala ng sakit dahil sa delay ng pagkuha ng tamang payo, masasamang reaction sa gamot, at iba pa. Dahil sa mga ito, hindi natin dapat gamutin ang ating mga sarili. Sumunod tayo sa payo ng mga doktor na mas nakakalam.
- May mga partikular lamang na sakit kung saan nararapat ang pag-inom ng antibiotics.
Hindi iniinom ang antibiotics para sa kahit anong sakit lamang. Ito ay para sa mga bacterial infections - kaya naman madalas ginagamit ang antibiotics for tonsillitis, boils, sore throat, o UTI. Hindi epektibo ang antibiotics for cough, colds, fever, o iba pang mga viral infection.
- Kailangan ng reseta ng doktor bago uminom ng antibiotics.
Di tulad ng mga vitamins, o mga gamot tulad ng paracetamol o mefenamic acid, hindi mabibili ang antibiotics kapag walang reseta mula sa doktor. Kailangan muna na makita nila ang kondisyon ng pasyente, at malaman kung nararapat ba talaga ang antibiotics para sa kanila.
- Sundin lamang ang reseta kapag umiinom ng antibiotics.
Kapag ang doktor ay nagbibigay ng antibiotics sa isang pasyente, mayroon itong kasamang mga direksyon sa reseta, kung gaano karami ang iinumin, gaano kadalas, at gaano katagal. Halimbawa, para sa isang sakit, maari tayong bigyan ng 21 na tablet, na iinumin tatlong beses sa isang araw, sa loob ng isang linggo. Minsan nga ay may partikular na oras pa kung kailan ito iinumin.
Napakahalaga na sundin ang reseta at mga direksyon na ito. Huwag itigil ang pag-inom kahit na naramdaman natin na umigi na ang kalagayan natin. Huwag magmintis sa pag-inom o dalasan ang pag-inom, sundin lamang ang tamang oras at dalas na nakalagay sa reseta. Huwag sobrahan sa reseta ang antibiotics na iniinom - kung 21 lang ang inireseta, 21 lang rin ang inumin.
Mahalagang tandaan ang mga tips na ito, para maiwasan ang masasamang epekto ng maling pag-inom ng antibiotics, at pati na rin ng pag-self medicate. Alalahanin na importante rin ang payo ng doktor. Dahil dito, gawing ugali na magpatingin muna sa kanila kapag may nararamdaman na hindi maganda, para mabigyan nila tayo ng gamot na nararapat para sa kondisyon o sakit natin.
Sources: