Athlete’s Foot at iba pang Mga Common Fungal Infection
May 31, 2021
Ang pangangati ay maaaring mawala lang matapos ang ilang oras. May ilan namang dala ng fungus o fungal infection. May fungus na nagsasanhi ng ringworm, isang nakakahawang impeksyong dahilan ng skin rash.
Mga Sanhi ng Fungal Infection
Nakakakuha ng ringworm kapag humawak sa tao, hayop, o bagay na infected nito. Ang impeksyon na dala nito ay naaayon kung nasaang parte ng katawan ito. Ilan pa sa mga sanhi nito ang sumusunod:
- Pagsali sa high-contact sports gaya ng wrestling;
- Hindi maayos na personal hygiene;
- Labis na pagpapawis;
- Paggamit ng public shower rooms;
- Lupa na nakontamina ng ringworm; o
- Mahinang immune system o pagkakaroon ng autoimmune disease.
Dapat malaman kung anong klase ng fungi infection ang nararanasan para mabigyan ng tamang lunas.
Iba’t Ibang Uri ng Fungal infection
May isang uri ng fungus na tinatawag na trichophyton na nagsasanhi ng mga sumusunod na fungal infection:
- Athlete’s foot
Ang athlete’s foot o alipunga sa paa ay nakukuha sa mga damit gaya ng medyas o sa sahig. Naaapektuhan nito ang ibabaw ng balat lalo na kung mamasa-masa o pawis, mainit, at irritated ang paa. Sinasamahan din ito ng pangangati, pangangamoy, at pamamalat ng mga paa.
Para sa gamot sa alipunga, may mga nabibiling over-the-counter na antifungal creams o powder kontra foot fungus gaya ng clotrimazole, miconazole, at terbinafine.
- Jock itch
Base sa pangalan nito, matatagpuan ang pangangating ito sa singit, hita, o rectum. May dala itong pangangati, pamumula, at blisters o pagsusugat.
Gaya ng sa athlete’s foot, pwedeng subukan ang ilang over-the-counter antifungal creams o powder para mawala ang jock itch. Maaari ring humingi sa doktor ng prescription para sa wastong gamot kung malapit sa maselang bahagi ng katawan ang skin rash.
Image from:
https://www.shutterstock.com/image-photo/applying-cream-athletes-foot-treatment-108862136
- Scalp ringworm
Kadalasang nakakaapekto sa mga bata, ang infection na ito ay nagsasanhi ng pangangati, pamumula, at pagbabalat ng anit. Kapag hindi naagapan, maaaring magkaroon ng permanenteng bald spots o panot sa ulo.
May mga antifungal shampoo na pwedeng subukan gaya ng ketoconazole shampoo. Maagapan nito ang pagkalat ng ringworm sa anit. Kasabay nito, kailangan ding uminom ng oral antifungal medication para mas epektibo. Ipinapayo ring ipagamit ang medicated shampoo sa mga kasama sa bahay bilang pag-iwas sa scalp ringworm.
Anu-ano ang pwedeng gawin para makaiwas sa fungal infections?
- Ugaliing magpalit ng damit araw-araw. Gumamit ng bagong underwear, socks, towel, at iba pang pananamit na madaling pawisan o madumihan. Siguraduhing maayos din ang pagkakalaba sa mga ito.
- Maligo agad matapos mag-gym, maglaro sa labas, o sumali sa sports. Tuyuing mabuti ang katawan, lalo na ang mga singit-singit gaya ng mga daliri sa paa.
- Huwag magpahiram ng mga personal na gamit gaya damit, towels, bed sheets, suklay, at iba pa para makaiwas sa pagkahawa sa ringworm.
- Kapag nasa pool area o public shower rooms, magsuot ng tsinelas para makaiwas sa alipunga sa paa.
- Kung may mga alagang hayop, ugaliing ipatingin sila para sa ringworm. Gamutin ito agad hangga’t maaari para hindi makaapekto sa mga kasama sa bahay. Maghugas din ng kamay matapos humawak ng pets.
Sources:
https://www.medicalnewstoday.com/articles/261244#_noHeaderPrefixedContent
https://my.clevelandclinic.org/health/articles/4560-athletes-foot-jock-itch-and-ringworm-of-the-scalp