Sa panahon ngayon na konektado na ang lahat sa digital world, maging ang mga bata ay masyado na ring pamilyar as paggamit ng gadgets. Bagama’t malaki ang maaaring maitulong ng mga phone at tablet sa kanilang pag-aaral, pati na rin sa entertainment, ang kawalan ng disiplina sa gadget usage ay pwedeng magdulot ng iba’t ibang masamang epekto para sa kanilang kabuuang development.
Bukod sa behavioral effects nito, ang labis na pagbababad sa gadgets ng kahit sino ay nakakaapekto sa mga mata. Hindi lang ito ang pwedeng maging dahilan ng pagsakit ng mata. May mga health condition din na nakakapag-infect ng eyes. Tingnan natin ang pinaka-karaniwang sanhi nito.
Conjunctivitis o Sore Eyes
Kilala rin sa tawag na pinkeye, ang conjunctivitis ay isang kondisyon kung saan nagkakaroon ng sore eyes dahil sa pamamaga ng membranes na bumabalot sa mga puting parte ng mga mata at loob ng eyelids.
Anu-ano ang mga sanhi ng conjunctivitis?
Maraming posibleng nagsanhi nito, pero ang kadalasang mga dahilan ay bacteria, viral infection, o kaya naman ay allergy. May dalawang uri ng conjunctivitis:
- Non-infectious – Kasama rito ang allergic conjunctivitis na karaniwang mga bata ang tinatamaan. Ang pwedeng mga trigger nito ay damo, pollen ng mga halaman, dumi ng mga hayop, at dust mites. Ang isa pang halimbawa ng hindi nakakahawang uri ng sore eyes ay ang irritant conjunctivitis, na sanhi ng air pollution, chlorine sa mga swimming pool, at alikabok.
- Infectious – Ito ang halimbawa ng conjunctivitis na nakukuha sa bacteria at viruses. Sa pagsisimula pa lang ng virus, nakakahawa na ito agad kahit hindi pa nagpapakita ang mga sintomas. Naipapasa ito sa pamamagitan ng paghawak sa infected na tao o kaya sa gamit nito tulad ng tissue at towel. Pwede rin itong kumalat sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahing.
Sore Eyes Symptoms
Ang conjunctivitis ay sinasamahan ng itchy eyes dahil sa posibleng impeksyong natamo. Kadalasan, mapapansin din na ang batang may conjunctivitis ay nakakaranas ng teary eyes. Ang pagluluha na ito ay isang natural na reaksyon lamang ng katawan para tulungang mailabas ang impeksyon. Ang iba pang mga senyales na dapat bantayan para malaman kung conjunctivitis ang nararanasan ay ang mga sumusunod:
- Discomfort sa mga mata;
- Pakiramdam na parang may buhangin sa mga mata;
- Eye discharge;
- Red eyes;
- Pamamaga at pananakit ng mga mata;
- Pamamaga ng mga talukap; at
- Pangangati ng mga mata.
Paano nada-diagnose ang conjunctivitis?
Kapareho nang sa kahit anong sakit, oras na magpakita ang mga sintomas ng conjunctivitis, makabubuting ipakonsulta agad ang bata sa pediatrician. Mas mainam kung maipapasuri agad ito para matukoy din kung baka ang mga nararanasang sintomas ay konektado pa sa ibang health condition – lalo na kung sinasamahan na ang symptoms ng pagbabago sa eyesight, pagiging sensitibo sa ilaw, at matinding pagsakit ng mata.
Treatment para sa Sore Eyes
Kung viral infection ang sanhi ng conjunctivitis, kadalasan ay nawawala ito kahit walang treatment. Sa kabilang dako, kapag bacteria naman ang dahilan, nagrerekomenda ang doktor ng antibiotic sore eyes drops at iba pang sore eyes medicine na angkop sa kondisyon ng inyong anak. Para sa allergic conjunctivitis, maaaring magreseta ang doktor ng anti-allergy na mga gamot.
Makakatulong para maibsan ang discomfort na nararamdaman ng bata kung lilinisin nang dahan-dahan ang gilid ng mga mata gamit ang maligamgam na tubig at bulak. Gawin ito para matanggal ang mga namumuong discharge na nagpapadikit sa mga talukap.
Sumunod din sa payo ng doktor na huwag munang pumasok sa eskwela ang batang may sore eyes para hindi makahawa.
Anu-ano ang mga paraan para makaiwas sa conjunctivitis?
Importante ang pagsasagawa ng eye care sa mga bata kahit hindi ito para sa pag-iwas sa sore eyes. Narito ang ilan sa tips na pwedeng ituro sa inyong mga anak para mapangalagaan ang kanilang eye health. Pwede ninyo rin subukan ang mga ito bilang mabuting halimbawa sa kids:
- Magkaroon ng eye-healthy diet. Ang nutrients gaya ng lutein, omega-3 fatty acids, zinc, at Vitamins C at E ay nagpapababa ng risk sa pagkakaroon ng problema sa paningin o vision. Ilan sa mga halimbawa nito ay green leafy vegetables, mga oily fish gaya ng tuna at salmon, mga pagkaing mayaman sa protein tulad ng eggs, beans, at nuts, at citrus fruits. Sikaping isama ang mga ito sa araw-araw na baon at meals ng inyong mga anak para mabigyan ng tamang nutrisyon ang mga mata.
Para masiguradong mapupunan ang recommended daily allowance ng mga nutrient na kailangan ng mata, pwedeng bigyan ng supplements ang mga bata ayon sa payo ng pediatrician. Maaaring ireseta ang mga multivitamins na may chlorella growth factor (CGF), ascorbic acid, at zinc.
- Ugaliing maghugas ng kamay. Para makaiwas sa kahit anong sakit, patuloy na ipaalala sa mga anak ang frequent handwashing. Sa ganitong paraan, mapipigilan ang paglipat ng virus at bacteria na nagdadala ng sore eyes. Mahalagang gawin ito lalo na kung gustong magkusot ng mga mata o kaya naman at matapos humawak ng mga gamit ng mga taong pinagkakamalang may conjunctivitis.
Sources:
https://www.webmd.com/eye-health/good-eyesight#1
https://kidshealth.org/en/parents/conjunctivitis.html
https://www.smartparenting.com.ph/health/your-kids-health/5-things-every-parent-needs-to-know-about-sore-eyes-a00026-20180403
https://www.healthychildren.org/English/health-issues/conditions/eyes/Pages/Eye-Infections.aspx