Mga hypertension symptoms at paano ito agapan
March 20, 2016
Kung ikaw ay mayroong hypertension o high blood, mahalaga ang healthy lifestyle para makontrol ang iyong blood pressure. Ang hypertension ay ang sobrang pagtaas ng blood pressure na dumadaloy sa ating mga ugat. Ito ay nagdudulot ng malulubhang karamdaman gaya ng atake sa puso, stroke at iba pang komplikasyon kung hindi ito makokontrol.
Upang mapababa ang iyong blood pressure, kailangan ang wastong diet, araw-araw na pag-eehersisyo at ang regular na pagpapa-checkup sa doktor. Magkaroon ng healthy lifestyle para sa ikagaganda ng iyong kalusugan.
Maghanda sa Mga Pagbabago
Makatutulong ang lifestyle changes ngunit kailangan din ng wastong preparasyon para rito. Alamin ang iyong rason para sa gagawing pagbabago. Mahalagang maintindihan ang pinagdadaanang karamdaman at ang iyong kondisyon bago sumabak sa anumang gawain.
Kung kinakailangan, humingi ng suporta mula sa iyong mga kapamilya, kaibigan at kumonsulta sa doktor. Ibahagi sa kanila ang iyong mga layunin upang malaman din nila kung paano sila makatutulong sa iyo.
Magbawas ng Sobrang Timbang
Gawing prioridad ang pagbabawas ng labis na taba sa iyong katawan. Ang pagbabawas ng timbang ay malaki ang maitutulong sa pagpapababa ng presyon lalo na kung ikaw ay may labis na katabaan. Ang bawat kilo na mababawas ay may mainam na epekto sa iyong kalusugan ngunit siyempre, huwag kalimutang kumonsulta muna sa iyong doktor.
Mag-Ehersisyo Araw-Araw
Maging mas masigla sa iyong pang-araw-araw na pamumuhay. Nakatutulong ito sa pagpapanatili ng wastong timbang kung kaya’t nakabababa rin ito ng blood pressure. Pinapalakas ng pag-eehersisyo ang puso at baga at pinapatibay ang mga kalamnan. Bukod dito, nakatutulong din ito bilang pangtanggal ng pagod o stress na nagpapataas din ng presyon.
Ang pag-eehersisyo ay kailangang regular at naaayon sa payo ng doktor. Dahil nakadadagdag din ng presyon ang pagtaas ng pulso, kailangang dahan-dahanin ang pag-eehersisyo. Ang iyong layunin ay hindi ang lubusang pagpapagod kundi ang palakasin ang katawan. Ang paglalakad nang katamtaman ang bilis o brisk walking apat na beses sa isang linggo ay magandang simula.
Sundin ang DASH Diet
Photo from Pixabay
Sundin ang DASH (Dietary Approaches to Stop Hypertension) dahil ito ay partikular na binuo upang labanan ang altapresyon. Bago kumain, piliin ang mga pagkaing mababa sa taba at mataas sa fiber. Magdagdag ng gulay tuwing kakain ng tanghalian at hapunan. Magdagdag din ng sariwang prutas sa meryenda.
Bawasan ang Sodium sa Pagkain
Limitahan ang asin na ginagamit sa pagkain. Basahin ang mga food label at piliin ang mga produktong mababa ang sodium content. Importante rin ang pag-iwas sa processed foods dahil mataas ang sodium ng mga ito.
Karaniwang sensitibo sa sodium ang katawan ng mga taong may hypertension kaya ito ay maaaring magpataas ng blood pressure. Masama rin ang asin sa mga bato.
Dagdagan ng Potassium ang Iyong Diet
Ang potassium ay nakatutulong sa pag-alis ng sobrang sodium sa katawan at nakapagpapababa ng blood pressure. Ito ay nakukuha sa mga pagkain tulad ng patatas, mani at saging. Isama ang mga ito sa iyong diet.
Bawasan ang Pag-Inom ng Kape
Ang kape ay nagdudulot ng pagtaas ng heart rate at blood pressure kahit sa mga taong walang hypertension. Bawasan din ang tsaa at iwasan ang mga soft drinks at mga energy drink. Sa halip, uminom ng unsweetened fruit juice o tubig sa umaga.
Iwasan ang Matatabang Pagkain
Limitahan ang pagkain ng karne lalo na ang matatabang uri dahil nagpapataas ito ng presyon at dami ng cholesterol sa katawan. Iwasan din ang mga sobrang tamis na pagkain.
Kailangang dagdagan ang pagkonsumo ng mga pagkaing nagtataglay ng good cholesterol. Iwasan ang mga pagkaing mataas sa bad cholesterol at triglycerides na nakapipinsala sa mga blood vessels o daluyan ng dugo.
Umiwas sa mga Bisyo
Tumigil o umiwas sa mga bisyo tulad ng paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak dahil marami itong dalang pinsala sa iyong kalusugan. Ang sigarilyo ay naglalaman ng maraming carcinogen o mga chemical na nagdudulot ng kanser at nagpapataas ng blood pressure. Ang alak naman ay hindi bawal ngunit kailangang kaunti lamang ang konsumo.
Hindi madaling tigilan ang mga bisyo. Upang mawala ang pananabik dito, sumabak sa mga makabuluhang gawain gaya ng sports at palakasin ang paninindigan sa pagtigil dito. Kumuha ng suporta sa mga kaibigan at kamag-anak kung kinakailangan.
Upang matigil naman sa sobrang pag-inom ng alak, gawing busy ang sarili sa trabaho o mga productive na gawain upang manaig sa pananabik sa alkohol. Huwag mahiyang humingi ng tulong sa mga eksperto kung nahihirapan kang tumigil sa pag-inom.
Regular na Pagsusuri ng Blood Pressure
Photo from Pixabay
Para sa mga taong mayroong hypertension, mainam ang magkaroon ng sariling sphygmomanometer, ang instrumentong ginagamit upang makuha ang blood pressure. Kung ang presyo nito ay lampas sa budget, maaaring pumunta sa mga health center sa iyong lugar kung saan libre o maliit lamang ang binabayad sa pagsusuri ng presyon.
Maraming benepisyo ang dala ng paggamit ng sphygmomanometer. Kabilang dito ang pagsuri ng epekto ng mga gamot, diet, pag-eehersisyo at iba pang gawain sa pagpapababa ng blood pressure. Mas madali ring maaaksyunan ng doktor ang iyong kondisyon pagkatapos malaman ang reading ng iyong presyon.
Gamitin ang Sphygmomanometer nang Tama
Bago kunin ang iyong blood pressure, umupo at magpahinga muna nang 20 minutes. Isang oras bago ang pagsusuri, huwag uminom ng kape o softdrinks at huwag manigarilyo upang hindi makompromiso ang reading.
Maiging alamin ang blood pressure tuwing hapon o gabi dahil kadalasang mas mataas ang presyon tuwing umaga. Mainam din na pumili ng schedule para rito. Maglaan ng listahan o record para sa blood pressure readings.
Huwag kalimutang isulat ang petsa at oras ng pagbasa ng blood pressure. Makatutulong din kung isasama sa listahan ang oras ng iyong pag-inom ng gamot.
Ang pagpapaba ng blood pressure ang susi sa paglaban sa hypertension. Sa simula, may kahirapan ang pag-aadjust sa panibagong pamumuhay ngunit kapag ikaw ay nasanay, magiging madali ang pagkontrol sa karamdaman. Lalakas din ang iyong katawan dahil sa tamang pagkain at regular na pag-eehersisyo.