Photo Courtesy of frolicsomepl via Pixabay
Ayon sa World Health Organization o WHO noong 2013, ang hypertension ay isang global public health issue. Marami ang undiagnosed mula sa sakit na hypertension dahil mahirap makita ang sintomas ng early stages nito. Hindi man nahahalata ang mga sintomas ay marami na itong nagagawang komplikasyon sa puso at katawan. Delikado ang pagkakaroon ng hypertension dahil maaari itong maging sanhi ng stroke, heart failure, at sakit sa kidney.
Tinawag na global public health issue ang sakit na ito dahil 9.4 million ang namamatay mula sa komplikasyon ng hypertension worldwide mula sa humigit-kumulang na 17 million na pagkamatay taon-taon sanhi ng global cardiovascular diseases. Ang hypertension ang responsable sa 45% deaths dahil sa heart disease at 51% deaths dahil naman sa stroke. Pinaniniwalaan din na ang air pollution ay maaaring isa sa mga sanhi ng pagkakaroon ng hypertension.
Kadalasang ang caregiver o taga-alaga sa mga hypertensives ay ang mga kasama nila sa bahay. Mas madali silang na oobserbahan at natutulungan kapag may mga hindi inaasahang karamdaman kung sila ay malapit lang. Ang pag-aalaga sa mga taong may hypertension ay maaaring maging sanhi ng emotional, financial, at physical stress. Nakakapagod man ay kailangan paring unahin at gawing priority ang kalusugan ng ating mga mahal sa buhay.
Ilan lamang ito sa mga nararapat tandaan at gawin para sa mga may hypertension.
Photo Courtesy of Gadini via Pixabay
1. I-check ang Blood Pressure (BP)
Magpa-check sa doktor o di kaya’y bumili ng home blood pressure monitor para mas mapadali at mapadalas ang pag record ng blood pressure. Mainam na i-check nang dalawang beses sa isang araw ang blood pressure para makasigurado.
2. Bumili ng masusustansyang pagkain
Ang sariwang prutas at gulay ay mayaman sa sustansya at sa fiber na
maaaring makapagpababa ng blood pressure. Umiwas sa mga recipes na
maraming asin o mataas sa sodium dahil maaaring magdulot ito ng
secondary hypertension o altapresyon. Maraming mga recipe na ang
naiimbento na naaayon para sa mga hypertensive.
Photo courtesy of Pixabay
3. Mag exercise ng regular
Samahang mag-exercise o di kaya’y maglakad-lakad ang kapamilyang may
hypertension. Nakatutulong ito pantanggal-stress na isa ring pangunahing
dahilan ng pagkakaroon ng high blood pressure.
4. Umiwas sa mga bisyo
Kung ang hypertensive ay naninigarilyo, tulungang itigil ito sapagkat maraming mga hindi magandang naidudulot ang paninigarilyo sa katawan. Kailangan din nilang limitahan ang paginom ng alak.
5. Painumin ng gamot
Kailangang kausapin ang may hypertension tungkol sa tamang oras ng
pag-inom ng gamot kapag hindi laging nandyan para sa kanya. Siguraduhin
na umiinom ang may sakit ng tamang gamot sa tamang oras.
6. Kumonsulta sa doktor
Samahang magpa-konsulta sa doktor ang may sakit para malaman din ang
mga nararapat gawin bilang tagapag-alaga niya. Mas mainam na malaman
mismo ng caregiver kung ano ang nakabubuti at kung paano nga ba ang
tamang pag-aalaga para sa kanyang mahal sa buhay.
7. Lawakan ang pasensya
Hindi ganoon kadali ang pag-aalaga ng iba. Hindi maiiwasan na sumakit ang
ulo at mapagod habang nag-aaalga ng may sakit. Lawakan ang pasensya at
intindihin na may hindi magandang nararanasan ang mahal natin sa buhay
kaya’t mainam na kasama nila tayo.
Sa article ng The Philippine Star, higit sa isang bilyon ang inaaasahan na magkakaroon ng hypertension sa taong 2025. Mas magandang maagapan ang pagkakaroon nito kaya’t siguraduhin na malusog ang pangangatawan at regular na mag-exercise.
Hindi biro ang pagkakaroon ng sakit na hypertension at hindi rin basta-basta ang pag-aalaga sa kanila. Huwag ding kakalimutan na ang taong nag-aalaga sa may sakit ay dapat ding pangalagaan ang sarili. Mas magigiging mainam at epektibo ang ginagawang pagtulong sa mahal sa buhay kung malakas at masigla ang pangangatawan.