Kapag naririnig ng karamihan ang salitang “cholesterol,” una nilang naiisip ang mga pagkain tulad ng lechon, dinuguan, chicharon, at iba pang mamamantika at matatabang byanda. Negatibo rin ang una nilang naiisip dahil ang bad cholesterol (LDL) ay isa sa pangunahing sanhi ng cardiovascular diseases. Ngunit hindi lahat ng may cholesterol ay masama. May mga pagkaing nagtataglay ng good cholesterol o high-density lipoprotein (HDL).
Ang good cholesterol ay mabisang pangontra sa sakit sa puso dahil nakakatulong itong bawasan ang bad cholesterol sa ating katawan. Bukod sa regular exercise, na napatunayan nang nakakadagdag sa HDL levels ng katawan, maaari ring isama ang sumusunod na pagkain sa iyong diet.
Olive oil
Kahit na mas mahal ito sa karaniwang ginagamit na pangluto sa bahay, ang paggamit ng olive oil ay sadyang mas healthy kumpara sa palm at vegetable oil. Ito ay naglalaman ng maraming HDL at tumutulong sa pag-alis ng bad cholesterol sa katawan. Bukod dito, nakakatulong din ang olive oil sa pagkakaroon ng bara sa mga artery.
Oats
Ang pagkain ng oats ay nakakatulong sa digestion dahil sa fiber levels na taglay nito. Bukod sa mabisang pampapayat at sa pagtulong sa mga operasyon ng digestive system, tinutulungan din ng oats na protektahan ang ating bituka laban sa paglikom ng bad cholesterol. Katulad ng ilang isda, ang oats ay may taglay na omega-3, isang acid na nagpaparami ng good cholesterol.
Bawang at sibuyas
Isa sa mga kinikilalang solusyon sa pagpapababa ng bad cholesterol levels ay ang pagkain ng bawang araw-araw. Sa mga hindi naman kaya ang lasa, nauuso rin ang pag-inom ng garlic supplements kung saan naroon na ang buong sustansya ng ilang cloves ng bawang. Nakakabawas ng bad cholesterol ang bawang at tumutulong sa produksyon ng good cholesterol.
Gaya ng bawang, ang sibuyas ay nakakadagdag sa good cholesterol. Ang bawang at sibuyas ay pangkaraniwang sangkap ng maraming pagkain kung kaya’t hindi mahirap simulan ang isang good cholesterol diet.
Isda
May mga klase ng isda na masagana sa good cholesterol, at kabilang dito ang tuna, mackerel, at trout. Ang mga nasabing isda ay may omega-3, na nakakapagpatibay ng puso dahil ito ay low cholesterol at nagpaparami ng good cholesterol.
Kailangang sanayin nating hindi puro karne ang kinakain, at dahil masasarap ang mga isdang ito, hindi magiging mahirap magkaroon ng healthy diet.
Avocado
Napag-alaman na ang madalas na pagkain ng avocado sa loob ng tatlong buwan ay magdudulot ng malaking pagbaba sa dami ng bad cholesterol sa katawan. Bukod dito, naglalalaman din ang avocado ng fiber, mga bitamina, at good fat, at tumutulong ito sa pag-iwas sa arthritis at sa pagpapaganda ng kutis.
Maraming pwedeng gawin sa avocado kaya’t madali itong kainin. Pwede itong samahan ng gatas para sa masarap na agahan, shake, sandwich spread, at sawsawan.
Red wine
May katotohanan ang madalas sabihin na “wine is good for the heart.” Ang ubas ay may taglay na antioxidants na epektibong pangontra sa bad cholesterol at hypertension. Siguraduhin lamang na kontrolado ang pag-inom dahil ang sobrang pagkonsumo ay maraming dalang sakit at karamdaman.
Maraming paraan upang iwasan at labanan ang panganib ng cardiovascular diseases. Maging mas aktibo at baguhin ang pamumuhay habang maaga. Alamin din ang estado ng iyong katawan sa pagsailalim na lipid profile, na sumisilip sa nilalamang taba at cholesterol. Maaaring simulan ang healthy living sa pagkain nang tama, partikular ang pag-iwas sa bad cholesterol.
Sources: