Simula ng pandemic, naging mas conscious ang mga tao sa personal hygiene bilang bahagi ng Covid 19 prevention. Mula sa tamang paghuhugas ng kamay hanggang sa pag sanitize ng mga personal items, ang proper hygiene ang isa sa mga mabisang proteksyon ngayon ng tao laban sa nakakahawang Covid 19.
Bukod sa Covid virus, marami pang ibang germs at virus ang kailangang iwasan para hindi magkasakit. Ilan sa mga sakit na maaring makuha dahil sa poor hygiene ay meningitis, gastroenteritis, food poisoning, pneumonia, hepatitis A, flu at iba’t ibang uri ng infection.
Kaya naman ang pagkakaroon ng good personal hygiene ay dapat gawing priority. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga proper hygiene practices na dapat mong gawin para makaiwas sa ibat’ ibang uri ng sakit.
Wastong paghuhugas ng kamay
Ang proper hand hygiene ang isa sa mga unang depensa mo laban sa mga mikrobyo. Ang kamay ang isa sa pinaka exposed na bahagi ng katawan sapagkat ito ay madalas in contact sa kung anu-anong bagay tulad ng pera, handrails, susi, doorknob at mga packages.
Para masigurong tanggal ang germs sa kamay, ugaliin ang paghuhugas ng kamay sa loob ng 20 seconds gamit ang tubig at sabon. Maghugas ng kamay matapos gumamit ng banyo. Gawin din ito bago at pagkatapos maghanda ng pagkain o bago at pagkatapos kumain. Kapag ikaw ay may ubo o sipon, dalasan ang paghuhugas ng kamay lalo na pagkatapos umubo o bumahing. Importante ring maghugas ng kamay kung ikaw ay galing sa labas ng bahay.
Kung hindi possible ang paghugas gamit ang tubig at sabon, maaring linisin ang kamay gamit ang alcohol o hand sanitizer.
Pagligo araw-araw
Source: https://www.shutterstock.com/image-photo/closeup-young-man-washing-hair-white-622477484
Bahagi ng good hygiene ng mga Pilipino ang pagligo araw-araw. Bukod sa epektibo itong panlaban sa mainit na panahon, mahalaga ang pagligo araw-araw sa pagtanggal ng mga mikrobyong maaaring makuha sa iba’t ibang daily activities. Gumamit ng malinis na tubig, sabon at shampoo para siguradong malinis ang buong katawan.
Pagpapanatili ng good oral hygiene
May mga mikrobyo ring pwedeng manatili sa loob ng bibig. Kaya naman bahagi rin ng personal hygiene ang pagkakaroon ng proper oral hygiene. Ugaliin ang wastong pag toothbrush dalawang beses sa isang araw o kaya naman tuwing pagkatapos kumain. Mahalaga ring magpa check-up sa iyong dentista isang beses sa isang taon.
Tamang pagsuot ng face mask
Dahil sa pandemic, natuto ang mga taong gumamit ng face mask para protektahan ang sarili laban sa coronavirus. Ngunit hindi limitado sa Covid virus ang kayang hangarin ng face mask. Maaari rin tayong protektahan ng pagsusuot ng face mask laban sa iba’t ibang uri ng mikrobyo na maaaring makuha mula sa respiratory droplets mula sa infected na tao.
Pagsunod sa cough and colds etiquette
Para pigilan ang pagkalat ng respiratory droplets, takpan ang bibig at ilong gamit ang tissue o panyo kapag uubo o babahing. Maaari ring takpan ang bibig at ilong gamit ang bend ng iyong siko. Huwag dumura sa kalsada at iba pang pampublikong lugar. Itapon sa tamang basurahan ang mga ginamit na tissue.
Pagkakaroon ng hygiene kit
Para mapanatili ang good personal hygiene, importante ang pagkakaroon ng sariling hygiene kit na maaari mong gamitin saan ka man pumunta. Ang iyong hygiene kit ay dapat mayroong personal hygiene items tulad ng sabon, shampoo, deodorant, toothpaste, toothbrush, mouthwash, tissue, wet wipes, alcohol at face mask.
Protektahan ang sarili laban sa iba’t ibang sakit sa pamamagitan ng pagbibigay halaga sa good personal hygiene. Ang pagkakaroon ng proper hygiene habits ay kasama sa mga paraan upang maalagaan mo ang iyong kalusugan.
Sources:
https://newsinfo.inquirer.net/1221857/doh-to-public-regularly-wash-hands-hydrate-eat-healthy-food
https://doh.gov.ph/press-releases/practice-good-personal-hygiene-to-prevent-meningococcemia-doh
https://doh.gov.ph/node/19588
https://www1.health.gov.au/internet/publications/publishing.nsf/Content/ohp-enhealth-manual-atsi-cnt-l~ohp-enhealth-manual-atsi-cnt-l-ch3~ohp-enhealth-manual-atsi-cnt-l-ch3.7