Marami sa mga bago at kakaibang pagsubok ang hinaharap ng maraming Pilipino sa ngayon ay dulot ng mapaminsalang COVID-19 pandemic. Kahit na ang sektor ng kalusugan sa bansa at sa ibang parte ng mundo ay aminadong hindi pamilyar sa banta na ito. Kaya naman mahalaga na makahanap ng paraan para magtrabaho at makihalubilo sa iba nang hindi nakukumpromiso ang kalusugan.
Bilang tayo ay nasa panahon na ng modernong teknolohiya, naging pangunahing paraan na sa ngayon ang work-from-home setup para sa ilan. Kahit na ito ay praktikal at may advantages din naman, hindi pa rin maiiwasan na magdulot ito ng mental health problems gaya ng stress at anxiety.
Matinding banta sa pisikal na kalusugan ng tao ang coronavirus, pero mahalaga rin na mapanatili nating malakas ang ating mental health during pandemic. Ang nakaugalian na ngayong social distancing ay hindi nangahuhulugan na tayo ay maging mapag-isa o malugmok sa social isolation.
Kaya naman narito ang limang tips upang mapangalagaan ang ating mental state kahit naka-WFH:
- Magtakda ng regular na oras at lugar para sa mga gawain
Kahit na sa bahay ka nagtatrabaho, importante pa rin na mahiwalay mo ang oras na nakalaan para sa gawaing bahay at gawain sa trabaho. Ang pagkakaroon at pagsunod sa regular home at work schedule ay makatutulong upang hindi mawala ang essentiality ng pagpapahinga sa bahay matapos ang mahabang oras sa pagtatrabaho. Mainam na maglaan pa rin ng breaks o pahinga sa gitna ng work schedule alang-alang sa iyong emotional health.
Para sa ilan, may kaakibat na toxic factor ang kanilang trabaho. Kung walang malinaw na pagkakahiwalay ng oras para sa trabaho at bahay, maaaring madala mo itong toxic factor na ito sa ibang aspekto ng tahanan. Kahit ang simpleng pagsusuot ng work clothes during working time at pagpapalit sa pambahay pagkatapos ay malaking tulong na inyong mental health.
Pagdating naman sa workspace, makatutulong kung may isang lugar lang sa bahay kung saan ka magtatrabaho. Halimbawa, napansin mong malakas ang internet connection mo sa sala, mas mabuti kung doon mo ipupwesto ang iyong kompyuter o laptop kapag nagtatrabaho.
Hangga’t maaari, wag mong gawing workspace ang iyong kwarto. Dahil nagsisilbi mo itong pahingahan sa gabi, hindi mainam na magiging associated ang kwarto mo sa pagiging gising o alerto.
- Limitahan ang pisikal pero panatilihin ang virtual connection sa iba
Alam naman na natin kung bakit dapat sumunod sa itinakdang social distancing protocols. Pero hindi ibig sabihin ay hindi na rin tayo dapat makipaghalubilo sa iba. Ang social isolation ay sinasabing isa sa mga sanhi ng iba’t ibang mental health issues kaya mahalaga pa rin na tayo ay may sapat na interaksyon sa mga kamag-anak, kaibigan, at katrabaho kahit papaano.
Maraming nang paraan sa tulong ng modernong teknolohiya upang maging konektado tayo sa iba nang hindi lumalabas sa bahay. Ayon pa sa pag-aaral, ang interaksyon sa mga kamag-anak, kaibigan, at katrabaho ay nakapagpapababa ng stress levels at nakapagpapataas ng productivity levels dahil hindi natin naiisip na tayo ay isolated.
- Lumabas, mag-exercise, at manatiling active
“Lumabas? Akala ko ba bawal lumabas dahil sa banta ng coronavirus?” Oo bawal lumabas sa mga pampublikong lugar pero pwede naman sa inyong sariling garahe, balkonahe, rooftop, at tapat ng gate (basta may suot na face mask). Sa buong araw mo na pagtatrabaho at nakaupo sa tapat ng kompyuter, makabubuti na maglaan ng ilang oras para magpaaraw sa umaga o magpahangin sa hapon at gabi. Kung nakatira sa isang exclusive subdivision, maaari rin na mag brisk walking o jogging basta panatilihin ang social distance sa daan at magsuot ng face mask.
Kung may sapat na espasyo sa bahay, pwede rin na mag-stretching, meditate, yoga, at workout para pagpawisan at malabas ang singaw ng katawan makalipas ang magdamag na pagtatrabaho. Bukod sa benepisyo nito sa inyong physical health, ang pag-eehersisyo ay epektibo ring pampababa at pangtanggal ng stress.
- Panatilihing malakas ang immune system
Kaakibat ng matibay na mental health ang malakas na pangangatawan dahil kapag sigurado ka na may panglaban ka kontra sa coronavirus infection, mas panatag ang inyong kalooban. Kaya naman mainam na panatilihing malakas ang inyong immune system sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain, pagtulog nang tama sa oras, at pag-inom ng iba’t ibang vitamins.
Bukod pa sa mga ito, sundin din ang mga panuntunan ng mga doktor na palaging maghugas ng kamay. Siguraduhing tama ang paraan ng paghuhugas gamit ang sabon at malinis na tubig upang maiwasan ang pagkakaroon ng bacteria at mikrobyo sa katawan. Dalasan din ang paggamit ng hand sanitizer o alcohol, at gumamit ng anti-bacterial solution sa pag-disinfect ng mga gamit at surfaces sa bahay na madalas hawakan o madikitan ng anumang bahagi ng katawan, partikular na sa inyong workspace.
- I-redirect ang pokus sa ibang bagay
Pagkatapos ng trabaho, mahalaga sa mental health na ipahinga ang katawan at isipan. Maghanap ng mga paglilibangan na walang kinalaman sa inyong trabaho gaya ng pagbabasa, pagpipinta, pagsusulat, o pakikinig sa musika. Kung may kasamang iba sa bahay, gamitin ang oras para mag bonding o kwentuhan, o kaya ay asikasuhin ang inyong mga alagang hayop.
Itong ganitong mga gawain ay paraan upang hindi natin gaanong maisip na masyado nang malaki ang pinagbago ng ating mundong ginagalawan. Makatutulong ito sa ating transisyon sa new normal setting dahil mayroon pa ring mga bahagi ng nakaraan na patuloy nating nagagawa.
Source:
https://www.shutterstock.com/image-photo/portrait-happy-young-asian-man-working-1062244667
Ilan lang ito sa mga paraan para mapangalagaan natin ang ating mental health sa panahon ngayon. Maraming pwedeng maging benepisyo ang work-from-home setup kung tutuusin. Bukod sa mas malayo tayo sa banta ng coronavirus infection, mas hawak na nating ang araw at oras natin kumpara noon.
Sources:
http://workplacementalhealth.org/Employer-Resources/Working-Remotely-During-COVID-19
https://www.blackdoginstitute.org.au/news/working-from-home-a-checklist-to-support-your-mental-health-during-coronavirus/