Epektibo Nga Ba ang Home Remedies o Kathang Isip Lamang?
Ilang henerasyon na rin ang nakasaksi ng iba’t-ibang paraan ng panggagamot gamit ang home remedies. Sa kabila ng pagkatuklas ng makabagong teknolihiya, nananatili pa rin ang mga home-made cures at patuloy na ginagamit ang mga ito upang lapatan ng lunas ang mga karaniwan at hindi malalang sakit.
Ngunit hindi ito nangangahulugan na makabubuti para sa lahat ng pasyente ang home remedies. Kailangang mag-ingat sa paggamit ng mga ito upang hindi magkaroon ng masamang reaksyon ang katawan na maaaring ikapahamak ng pasyente. May ilang mga remedyo na mabisa, ngunit ang ilan ay pawang haka-haka lamang.
KATOTOHANAN:
- Ang Chicken Soup ay mainam para sa mga may sipon
Inihayag ng mga researchers sa Chest Journal noong taong 2000 na ang chicken soup ay may taglay na anti-inflammatory properties na epektibong nagpapaluwag ng baradong ilong at nagpapaginhawa ng masakit na lalamunan. Ang mainit na sabaw ay nakakatulong din upang mapabuti ang pagdaloy ng mucus sa ilong.
- Ang honey o pulot ay nakakatulong sa paghilom ng sugat
Ayon sa pag-aaral, ang paggamit ng medical-grade honey ay nakagagaling ng mga sugat. Nagtataglay ng antibacterial properties ang pulot na kayang labanan ang 60 na uri ng bacteria.
- Ang pagpapasingaw (steam)ay nakapagpapaginhawa ng sakit sa ulo na dulot ng sinusitis
Ang paglanghap ng singaw mula sa mainit na tubig ay nagpapaginhawa ng sinus pressure sa pamamagitan ng pagtatanggal ng bara at pagpapaluwag ng daanan sa ilong. Nakakatulong din ang paggamit ng mga langis tulad ng eucalyptus, peppermint, at chamomile upang mapaginhawa ang mucus lining.
- Ang pagkain ng isda ay nakapagpapatalino
Ang mga isda tulad ng salmon, Atlantic mackerel, sardines, at albacore tuna ay mayaman sa Omega-3 fatty acids at DHA (docosahexaenoic acid). Ang DHA ay nakatutulong sa pag-develop ng utak ng mga sanggol sa kanilang unang dalawang taon. Mabuti din ito sa mga bata na may edad tatlo o apat na taon.
Kung ang inyong anak ay allergic sa seafood, maaaring ipalit sa ida ang walnuts at avocado bilang alternatibong pagkain.
MGA HAKA-HAKA:
- Maaaring gamitin ang Krazy Glue upang takpan ang maliliit na sugat
Hindi ipinahihintulot ang paggamit ng Krazy glue upang takpan ang maliliit na sugat. Maaaring magkaroon ng impeksyon o allergic reaction ang taong gagamit nito. Hindi rin ito inirerekomenda ng United States Food and Drug Administration o FDA na gamitin sa panggagamot.
- Pagpapakain ng malalamig na pagkain upang mawala ang lagnat
Ito ay isa sa mga lumang kaugalian at paniniwala. Sa katunayan, kailangan ng katawan ay tamang diet at sustansiya kapag may sintomas ng flu. Ang pagkain ng pagkaing mayaman sa antioxidants tulad ng vitamin C, Beta-Carotene, at vitamin E ay nakatutulong upang mapalakas ang immune system. Mahalaga ring panatilihing hydrated ang katawan sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig.
Habang ang ilan sa mga home remedies ay natural at mabisa, maaari pa ring magdulot ang mga ito ng hindi magandang reaksyon kung ikaw ay umiinom ng mga iniresetang gamot o kung ikaw ay may allergies. Mas makabubuti pa ring komunsulta sa doktor bago sumubok o gumamit ng anumang home remedy. Ang espesyalista lamang ang makapagsasabi kung ano ang pinakamabisang gamot o lunas sa sakit ng isang tao base sa mga gagawing pagsusuri o tests.
reference:
https://www.henryford.com/blog/2016/12/folklore-home-remedies-tested
https://jamaicahospital.org/newsletter/home-remedies-separating-fact-from-myth-2/
https://www.healthxchange.sg/medicine-first-aid/first-aid/first-aid-home-remedies-five-other-myths-facts