Dumarating ang malalakas na ulan at nang biglaan o kaunti lamang ang babala mula sa mga weather news. Sa pagkakataong na mawalan ng kuryente at mahirap lumabas ng bahay dahil sa bagyo, maaaring abutin ng ilang araw para makarating ang tulong sa inyong tahanan.
Sa pagdating ng rainy season sa Philippines, napakahalaga na mayroong nakahandang emergency kit items dahil lubos itong makatutulong sa mga mapanganib na sitwasyon. Hindi mahirap ang bumuo ng survival kit, ang mahalaga lamang ay matukoy kung anu-ano ang mga nararapat ilagay na mga bagay. Nararapat din na masigurado na sapat ang bilang, at matagal pa ang expiration date ng mga ito.
Hindi man natin hinangahad na may dumating sakuna, napakaimportante pa rin na magkaroon ng kahandaan para rito.
Narito ang ilang mga gamit na maaaring na ninyong ipunin:
Mga Bote ng Tubig. Mag-imbak malinis na tubig na magiging sapat para sa iyo at sa pamilya nang hanggang tatlong araw. Nabubuhay ang mga tao ng walang pagkain, subalit hindi kung walang tubig.
Pagkain. Huwag mag-imbak ng maalat na pagkain dahil mabilis itong nakakauhaw. Magtabi ng mga pagkain na handa nang makain at hindi na kailangan pang lutuin. Maraming pagkain ang angkop na kainin sa panahon ng bagyo. Maglaan ng panahon sa pagsasaliksik kung ano ang mga ito.
Swiss Army knife. Napakalaki ng pakinabang ng bagay na ito kahit saan man ito dalhin. Hindi mo na kakailanganin na magdala ng kutsilyo, can opener, battle opener, screw driver at gunting dahil ang lahat ng ito ay mayroon na sa Swiss Army knife.
Damit. Nararapat na magtabi ng mga tuyong damit dahil maaaring magkasakit kung manatiling basa ang damit dahil sa ulan. Siguraduhin na mag-imbak ng mga thermal wear o mga damit na mapapanatiling mainit ang iyong katawan upang hindi lamigin habang bumabagyo.
Flashlight at mga baterya. Lubos itong makatutulong kung mawalan ng kuryente. Maglagay din sa kit ng mga kandila at mga waterproof na posporo sakaling maubusan ng baterya ang flashlight.
Toiletries. Mahalaga ito para sa mga babae at mga bata. Bukod sa sabon, mahalaga na mayroong toothpaste at tissue paper, sanitary napkin at diaper.
First Aid Kit. Siguraduhin laging handa ang first aid kit na naglalaman ng mga sumusunod: gamot, alcohol, band aids, at iba pa.
Malaking mga garbage bags. Dito ninyo maaaring itabi ang mga gamit upang hindi mabasa ang mga ito. Magdala rin ng sobra upang pag-imbakan ng mga basura o para sa mga emergency na sitwasyon.
Payong. Kung ikaw ay ma-istranded sa labas ng bahay, mahalaga na laging may dala na payong. Importante rin ito kung sakaling lalabas ng bahay.
Cellphone na puno ang baterya. Isa ito sa pinakamahalagang bagay na nararapat na mayroon ka. Sa panahon na mawalan ng kuryente, ito ang magagamit upang makapag-ugnayan sa mga awtoridad, media o iba pang pamilya upang makahingi ng tulong.
Pito. Sa panahon na napunta sa panganib ang iyong buhay, ito ay isang epektibong paraan upang makatawag pansin sa mga tao sa iyong paligid.
Radyo. Mahalaga na malaman ang kasalukuyang mga kaganapan sa gitna ng bagyo at radyo ang makatutulong sa iyo kung mawalan man ng kuryente. Ito ang paraan upang magkaroon ng balita sa mga rescue operations o mga weather forecast galing sa PAG ASA weather station. Siguraduhing maraming baon na baterya para rito.
Pera. Kung maubusan ng imbak na mga pagkain o gamit, mahalaga ang pera upang makabili ka ng mga ito sa mga malapit na tindahan.
EMERGENCY HOTLINES
Itabi rin ang mga numerong ito sa inyong emergency kit:
1. Philippine Coast Guard: 527-8481 local 6290 at 6292; 328-1098
2. Philippine National Red Cross: 527-0000
3. National Disaster Risk Reduction and Management Council: 911-1406, 912-2665.
4. Manila Electric Co. (Meralco): 16211
5. Metropolitan Manila Development Authority (MMDA): 136 (hotline); 882-4154 to 74 (trunkline); 0917-5618711 (duty officer)
Source:
https://news.abs-cbn.com/lifestyle/07/14/10/prepare-your-own-storm-survival-kit http://typhoonmanila.weebly.com/typhoon-preparedness.html