9 Epektibong Home Remedies sa Kabag

January 11, 2021

Alam mo ba na ang isang average adult ay naglalabas ng hangin between 13 and 21 times sa isang araw? Ang hangin ay normal na bahagi ng digestion process, ngunit kung ito ay nag-buildup sa bituka at hindi mo mailabas sa pamamagitan ng pag-utot, maaari kang makaramdam ng pain at discomfort.

Kabag ang tawag sa gas buildup na ito, at maaari itong mapalala ng kahit anong sanhi ng constipation o diarrhea. Ilan sa mga tinuturing na sanhi rin ng kabag ay sobrang pagkain, paglunok ng hangin habang kumakain o umiinom, pagnguya ng chewing gum, paninigarilyo, at ilang partikular na pagkain.

Kumonsulta sa doktor para sa kabag remedy lalo kung nagdudulot na ito ng distress, may biglang pagbabago sa iyong pakiramdam sa gitna ng digestion process, at kapag may kasama na itong diarrhea, constipation, at unhealthy weight loss.

Dahil normal naman ang kabagin, hindi mo kailangan ang agarang pagsangguni sa eksperto kung medyo tolerable naman ang sakit. Marami ring epektibong home remedy para sa kabag na pwedeng subukan.

  1. Ilabas ang utot at dumi

Natural sa tao ang umutot at dumumi dahil parte rin ito ng digestion process. Ang pagpipigil ng utot at dumi ay maaaring maging sanhi ng pain, discomfort, at bloating kaya mas mainam kung ilabas na lamang ito. Epektibong remedyo rin ang pagdumi dahil kung minsan ay kasabay na nailalabas ang naipon na hangin sa bituka na siyang nagdudulot ng kabag.

 

  1. Gumamit ng hot compress

Kapag umatake ang sakit ng kabag, mainam na lapatan agad ang tiyan ng hot compress o kaya heating pad. Kung wala, pwede na ang maliit bote na may mainit na tubig. Ang init kasi ay nagpapa-relax sa muscles ng bituka na siyang tumutulong magtulak ng hangin palabas. Isa pa, nababawasan din ng init ang kirot at masakit na pakiramdam sa tiyan.

 

  1. Nguyain maigi ang pagkain

Ang taong kumakain nang mabilis o habang kumikilos ay posibleng makalunok din ng hangin kasabay ng pagkain, na siyang nagdudulot ng kabag o gas-related pain. Kaya mas mainam kung ngunguyain nang maigi ang pagkain at least 30 times bago lunukin. Nakatutulong ito sa pag-digest ng pagkain at maiiwasan ang bloating at indigestion.

 

  1. Iwasan ang chewing gum

May ilang indibidwal ang hindi mapakali kapag walang nginunguya sa bibig, at mayroon din nung mga nakasanayan na lang ang pagnguya ng chewing gum. Para makaiwas sa kabag, huwag nang ngumuya ng chewing gum. Sa bawat nguya mo, hindi mo napapansin na nakakalunok ka na din ng hangin na naiipon sa sikmura at maaaring magdulot ng gas pains. Ang mga sugarless gum din ay naglalaman ng artificial sweetener na posibleng sanhi ng gas at bloating.

 

  1. Iwasan ang paggamit ng straw

Maliban sa ecological benefit ng hindi paggamit ng straw sa inumin, mayroon din itong health benefit. Kadalasan kasi kapag tayo ay umiinom gamit ang straw, nakakahigop din tayo ng hangin na naiipit sa sikmura na pwedeng mauwi sa stomach ache. Kaya naman mas mainam talaga ang uminom sa baso o sa bote (depende sa sukat at hugis ng bote).

undefined

Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/business-woman-suffering-abdominal-pain-549366496

  1. Tumigil sa paninigarilyo

Hindi lamang baga, lalamunan, at bibig ang nadadali ng masamang epekto ng paninigarilyo. Pero kahit ang hinihitit mo pa ay yosi o vape o e-cigarette, ang pagso-smoke ay nagdudulot ng pagpasok ng hangin sa iyong digestive tract. Hindi lang para maiwasan ang kabag, makabubuting iwasan nan ang tuluyan ang sigarilyo para sa iyong overall health.

 

  1. Uminom ng tsaa

Ang mga herbal tea na gawa sa anise, peppermint, chamomile, at ginger ay malaki ang naitutulong sa digestion at mabilisang paglunas sa kabag. Ang anise ay tumatayo bilang isang mild laxative kaya dapat iwasan kung may kasabay na diarrhea o pagdudumi ang kabag. Pero ito ay makatutulong kung ang sanhi ng kabag ay constipation.

 

  1. Uminom ng peppermint supplements

Nabanggit nga na epektibo ang peppermint tea bilang lunas sa kabag kaya pwede rin itong supplement form ng herb. Ang peppermint oil capsules ay matagal nang ginagamit para maibsan ang bloating at constipation, at sinusuportahan din ito ng ilang pag-aaral. Pero dapat piliin ang enteric-coated capsules dahil ang uncoated capsules ay maaaring matunaw agad sa digestive tract at mauwi sa heartburn.

 

  1. Piliin ang pagkain at inumin

May mga partikular na pagkain ang maaaring mag-trap ng hangin kapag kinonsumo. Walang tiyak na listahan ng mga pagkain na ito dahil dumedepende pa rin sa taong kakain. Pero narito ang ilan sa mga madalas magdulot ng gas buildup:

 

  • Dairy products
  • High-fat foods
  • Fried foods
  • Spicy foods
  • Fiber drinks and supplements
  • Prune juice
  • Artificial sweeteners
  • Onion and garlic
  • Broccoli, cauliflower, and cabbage

Hindi mo naman kailangan iwasan nang tuluyan itong mga ito dahil kahit papaano ay may mga benepisyo pa rin sila sa kalusugan. Makabubuti kung babawasan lang pakonti-konti. Dagdag pa rito, maiiwasan ang kabag kung pipiliin ang non-carbonated drinks at iiwasan ang mga gaya ng softdrinks at sparkling water na nagdadala ng maraming hangin sa sikmura.

Masakit ang kabag, ngunit hindi naman ito delikado. Kung madalas tamaan nitong pananakit ng tiyan, makabubuting i-check ang diet at lifestyle para malaman kung ano ang dapat baguhin. Maraming kaso ng kabag na nakukuha sa diet modification at lifestyle change ang lunas.

Kung patuloy pa rin ang pananakit ng tiyan kahit na nagawa na itong iba’t ibang home remedies, sumangguni agad sa doktor para sa agarang check up at treatment.

Source:

https://www.smartparenting.com.ph/health/your-health/home-remedy-sa-kabag-a1278-20200729