New Normal Blues: Paano Malalabanan ang Stress at Anxiety sa Panahon Ngayon

October 14, 2020

Makalipas ang ilang buwang paglaganap ng COVID-19 sa buong mundo, unti-unti nang nasanay ang mga tao sa pamamaraan ng buhay sa ilalim ng mga pagbabagong dala nito. Marahil ang pinakamalaking pagbabago na kinailangang gawin ng bawat isa sa atin ay ang matutong mabuhay nang limitado ang social interaction.

Dahil sa kakulangan ng social interaction at kawalan ng katiyakan sa mga maaaring mangyari sa hinaharap, dumarami ang nakararanas ng iba’t ibang mental health issues na hindi kaagad napapansin ng nakararami.

Ang iba’t ibang uri ng anxiety disorder ay iilan lang sa mga mental health issues na marami sa atin ang nakararanas ngunit kakaunti lang ang nakakapansin. Malaki ang pagkukulang sa kaalaman ng ordinaryong Pilipino sa mga senyales ng anxiety dahil na rin sa kawalan ng diyalogo patungkol sa mental health issues sa labas ng larangang medikal at sikolohikal sa ating bansa.

Sa panahon ng COVID-19, mas lalong naging importanteng mapalawak ang kaalaman ukol sa mental health issues, partikular na sa iba’t ibang anxiety symptoms, upang maagapan at malabanan ang mga ito.

Ano nga ba ang anxiety?

Bago talakayin ang malawak na usapin ng anxiety disorders, marapat lang na magsimula sa tanong na “what is anxiety?” upang magkaroon ng komprehensibong perspektibo sa mga sensyales at epekto nito sa kalusugan.

Normal lang na magkaroon ng anxiety. Ito ay isang natural na reaksyon ng isang tao sa stress at nakaambang panganib. Nagkakaroon ng masamang epekto sa kalusugan ang anxiety kapag lubos na itong nakakaapekto sa pang araw-araw na pamumuhay. Halimbawa na lamang ang isang sintomas nito ay ang anxiety attack o panic attack na maaaring magtulak sa isang tao na umiwas sa kahit na anong uri ng social interaction tulad ng pakikihalubilo sa mga katrabaho o kapamilya.

 

Heto ang ilang simpleng anxiety treatment measures na puwedeng sundan upang makaiwas at malabanan ang nararamdamang anxiety sa panahon ng COVID-19.

  • Baguhin ang mindset

Palitan ang pananaw na “Hindi parin ako makalabas” at gawin itong, “Mayroon na akong panahon para sa self-improvement” upang maibsan ang pagkabagot na maaaring maranasan habang naka-quarantine. Ibaling ang atensyon sa mga produktibong bagay na maaaring gawin araw-araw. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang pag-reorganize ng mga gamit sa bahay o ‘di naman kaya’y simulan ang libangan na matagal mo nang gustong matutunan.

  • Panatilihin ang nakasanayang routine

Importanteng tandaan na dahil napilitan tayong mag-adjust sa mga makabagong work-from-home schemes, hindi nito ibig sabihin na kailangan natin lubusang baguhin ang mga nakasanayang gawain noong mga panahong wala pa ang pangamba na dala ng COVID-19. Subukang magising at kumain sa tamang oras, at iwasang pagsabayin ang trabaho at responsibilidad sa bahay at pamilya.

Makatutulong din sa productivity sa trabaho ang pagsuot ng damit na pang opisina kahit pa sa bahay lang ang trabaho upang mapanatiling malinaw ang pagkakahiwalay ng professional life sa personal life at buhay pamilya.

Ngayong mas maluwag na ang quarantine measures sa ilalim ng general quarantine, mainam na lumabas para sa mga mahahalagang gawain tulad ng pamimili ng grocery o pamamalengke upang manumbalik ang semblance of normalcy para makatulong sa pag-readjust sa outside world.

 

undefined

Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-family-adult-children-senior-parents-1089980084

 

  • Gamitin ang makabagong teknolohiya

Marami na ngayong digital tools tulad ng Zoom, Skype, Viber at iba pang video call applications na madaling ma-access sa pamamagitan ng cellphone o kompyuter na makatutulong upang maibsan ang kakulangan ng social interaction. Aralin kung paano gumamit ng video call applications para makausap ang mga kaibigan o kaanak. Hindi man nito tuluyang mapapalitan ang galak na dulot ng face-to-face interactions, makatutulong pa rin ang digital spaces na ito para manumbalik ang sense of community at kasanayan sa pakikipag-usap sa kapwa.

  • Iwasang ma-obsess sa balita tungkol sa COVID-19

Sa panahon ngayon, marami tayong hawak na oras dahil na rin sa kakulangan ng social interaction. Ang sobrang oras na ito ay naibabaling naman natin sa pagbantay ng balita tungkol sa COVID-19 na maaari namang magdulot ng labis na pangamba. Iwasang mabiktima ng “fake news” na lumalaganap sa social media tungkol sa COVID-19 at ugaliing makinig lamang sa credible sources. Sa halip na mag-alala, mainam din na ituon na lamang ang sobrang oras sa mga produktibong gawain.

 

undefined

Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/women-doctor-advise-patient-about-treatment-1565184439

 

Dahil sa mataas na transmission rate ng COVID-19, madami sa atin ang nagkakaroon ng social anxiety. Importanteng alalahanin na hindi masama ang social interaction hangga’t nasusundan ang mga panuntunan tulad ng social distancing at pagsuot ng face masks at face shields. Sanayin na gawin ang mga nasabing hakbang upang maiwasan ang labis na pangangamba na maaaring magdulot ng negatibong epekto sa physical at mental health.

Bumubuti na ang pagtalakay ng buong mundo sa mga pagsubok na dala nitong pandemic. Isa sa mga patunay dito ay ang pagpapatupad ng modified quarantine measures na nagbibigay sigla sa iba’t ibang sektor at nagiging daan sa panunumbalik ng sense of normalcy sa ilalim ng ‘new normal.’

Huwag balewalain ang mga senyales ng anxiety na kapag tumagal ay maaaring humantong sa depression. Panatilihin ang semblance of normalcy sa mga pang-araw-araw na gawain at gamitin ang mga makabagong teknolohiya upang makatulong sa iyong adjustments sa ilalim ng new normal.

Kung nahihirapang labanan ang mga senyales ng anxiety, mainam na kumonsulta sa doktor upang maresetahan ng gamot na maaaring makatulong sa mga nararamdamang mental health issues.

 

Source:

https://adaa.org/learn-from-us/from-the-experts/blog-posts/consumer/covid-19-lockdown-guide-how-manage-anxiety-and