Ang homeschooling ay matagal nang ginagawa sa ibang bansa tulad ng Amerika. May iba’t ibang dahilan kung bakit ito pinipili ng mga magulang para sa kanilang mga anak, tulad ng mga ito:
- Upang makaiwas ang mga anak sa masamang impluwensya o sa negative environment sa kanilang lokal na paaralan.
- Upang matutukan ang anak sa mga pinag-aaralan, lalo na kung masyadong malaki ang populasyon ng mga pinakamalapit na schools.
- Upang mailayo ang anak sa bullying at peer pressure.
- Upang hindi matigil ang pag-aaral ng mga anak kung palaging lumilipat ng tirahan ang pamilya o kaya nama’y pumupunta sa ibang bansa.
- Upang maturuan ang anak na may special needs at hirap sa school, lalo na kung ang bata ay may mobility issues.
Marami na ring gumagamit ng homeschool sa Pilipinas noon pa man, pero ngayong panahon ng pandemic lang pinag-uusapan ito ng mas nakararami. Ngayon kasi, dahil sa tinatawag na “new normal”, hindi makapagbukas ang mga paaralan kaya kailangang gumawa ng paraan ang gobyerno upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga bata. Ngayo’y karaniwan na ang DepEd homeschool.
What Is Homeschooling?
Ang homeschooling ay pagbibigay ng edukasyon sa bata sa sariling bahay. Sa ganitong setup, ang tumatayo bilang pangunahing guro ay ang magulang. May dalawang paraan upang maisagawa ang homeschooling: ang independent homeschooling at ang homeschool provider.
Independent Homeschooling - Ito ang tawag kapag hindi konektado sa anumang institusyon na lisensyado sa DepEd. Ang magulang ang tanging nagsasaliksik, nag-iisip, at nagsasagawa ng mga lessons upang maturuan ang anak. Independent homeschooling din ang tawag kung konektado sa isang provider na hindi nakabase sa Pilipinas. Hindi accredited ng DepEd ang foreign providers kaya kabilang sila sa independent homeschooling methods.
Homeschool Provider - Puwede rin namang may homeschool provider. Ibig sabihin nito ay nagbabayad pa rin ng tuition fees sa isang “school” na nagsisilbing provider at accredited ng DepEd. Ang provider ang nagbibigay ng mga materyales at bumubuo ng curriculum na kailangang sundan ng magulang o tutor ng bata. May mga homeschool providers na pinapapili ang magulang kung DepEd accredited curriculum o hindi ang gagamitin sa pag-aaral ng mga anak.
Ang pagkakaroon ng homeschool Philippines provider ay ang pinakamadali at pinakalaganap na paraan ng homeschooling dito sa Pilipinas. Sa katunayan, hindi bababa sa 12,000 ang bilang ng mga bata na nag-aaral sa pamamagitan nito noon pang 2016, ayon sa Homeschool Association of the Philippine Islands (HAPI). Sa ngayon, marahil ay mas marami pa diyan dahil na rin sa pagbabago ng sistema ng pag-aaral mula nang magkaroon ng pandemya.
Karamihan sa mga batang mag-aaral sa ngayon ay maituturing na nag-aaral na may homeschool provider, kabilang na riyan ang libo-libong mga batang nasa public school system sa bansa.
Bakit Dumami ang Homeschooled?
Ang paglaganap ng sakit na COVID-19 na dulot ng severe acute respiratory syndrome coronavirus 2 (SARS-CoV-2) ang pangunahing dahilan kung bakit dumami ang homeschooled sa bansa. Hindi makapagbukas ang mga paaralan dahil na rin sa panganib na dala ng COVID-19 na mabilis makahawa. Walang ibang paraan upang makapagpatuloy ang mga bata sa kanilang pag-aaral nang hindi nalalagay sa alanganin kundi ang paggamit ng homeschooling.
Ano ang Kaibahan ng Nauusong Homeschooling Ngayon?
Sa karaniwang homeschooling, ang mga magulang o kaya nama’y tutor ang nangangasiwa ng pag-aaral ng bata. Gumagamit sila ng modules na kanilang ginawa o kaya nama’y galing sa kanilang homeschool provider.
Ang adjustment na ginawa ng pamahalaan at daan-daang mga private schools sa bansa upang maipagpatuloy na ang bagong schoolyear ay kakaiba, dahil imbes na magulang o tutor lamang ang nagtuturo, patuloy na ginagawa pa rin ng mga guro ang kanilang ginagawa noon sa eskwelahan. Yun nga lamang, ngayon ay sa harap na sila ng computer.
Sa pamamagitan ng bagong teknolohiya, ginagamit ng mga guro ang internet upang makaharap pa rin at maturuan ang kanilang mga estudyante. Kadalasan ay hindi araw-araw ang online video classes, nguni’t may mga binibigay na homework ang mga bata.
Di hamak na mas marami ang mga kabataan sa bansa na walang reliable o consistent access sa internet. Pero hindi rin imposible ang homeschooling dahil puwede namang gumamit din ng mga printed materials. Sa isang survey na isinagawa ng Bulacan State University (BulSU) sa Malolos, Bulacan, sa kanilang 38,000 na estudyante, lumabas na mas maraming pumili ng kanilang Remote Print Learning (RPL) kesa paggamit ng mga computer, smartphone, o tablet para mag-aral online. Bukod sa maraming mag-aaral ang mas komportable sa paggamit ng papel sa pag-aaral, ang limitasyon sa internet access ang madalas na dahilan nga mga ito.
No Choice
Sa ngayon ay walang choice ang mga mag-aaral kundi mag-homeschooling. Hindi pa alam kung hanggang kelan ang closure ng mga paaralan dahil wala ring nakakaalam kung kelan matatapos ang threat ng COVID-19.
Pero kung sakaling bumalik na sa normal ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas, maaari pa ring mamili ang mga magulang at kanilang mga anak kung anong paraan ng pag-aaral ang gagawin: tradisyonal na pagpasok sa paaralan, o homeschooling.
Homeschooling Pros and Cons
Sakali mang dumating ang oras na kailangang mamili kung ipagpapatuloy ang homeschooling o hindi, narito ang listahan ng mga homeschooling pros and cons.
Pros:
- Mas malaki ang papel na ginagampanan ng mga magulang kaya mas nagiging maganda ang bonding kasama ng mga anak.
- Puwedeng ipagpatuloy ang pag-aaral ng mga anak kahit namamasyal o nagbabakasyon sa ibang lugar.
- Puwedeng ilaan sa mga materials ang perang karaniwang pinambabayad ng tuition fees, kaya mas nakakatipid.
- Nakakatipid din sa pamasahe, bayad sa service, o sa gasolina sa paghahatid sa mga anak.
- Puwedeng gumawa ng sariling sports activities.
- Maaaring palakasin ang skill-building.
- Makakaiwas sa distractions, masasamang impluwensya, bullying, at peer pressure.
- Kayang sanayin ang anak sa pacing upang mas maintindihan ang mga subjects.
- Personalized learning na mas madali pero mas maiintindihan ng mga bata.
- Pagpapalakas ng self-motivation at pagtaas ng self-esteem.
Cons:
- Mas stressful para sa magulang dahil sila ang naghahanda ng pag-aaralan at sila rin ang nagtuturo.
- Mas konti ang oras para sa sarili.
- Maaaring kumonti ang oras upang magtrabaho.
- Mas kaunti ang mga kaibigan ng mga anak lalo na sa mga batang ka-edad nila.
- Puwedeng maging hadlang ang kakulangan sa gamit tulad ng internet access, computer, at smartphone.
- Kung hindi naka-enroll sa homeschool provider, hindi structured ang oras ng pag-aaral.
- Walang awards o graduation ceremonies.
Tips for Homeschooling
Upang matulungan ang mga anak sa pag-aaral habang nasa bahay, narito ang ilang mga payo.
- Mag-setup ng maayos. Nakasanayan na ng mga mag-aaral na bata ang structure sa paaralan. Kailangan ng isang malinis, maaliwalas, at preskong lugar kung saan may mesa at komportableng upuan. Dito na rin ang mga gamit tulad ng computer o tablet na gamit sa pag-aaral. Hangga’t maaari, pumili ng isang lugar na malayo sa ingay at istorbo. Huwag mag-setup kung nasaan ang distractions tulad ng toys, TV, o gaming console.
- Bigyan ng routine ang anak. Bago magsimula sa pag-aaral, siguraduhing nakapag-almusal, nakaligo, at nakapagbihis na ng maayos ang anak. Kung required sa kanilang school, dapat ay naka-uniporme din ito. Gawing routine ang oras ng paggising kahit sa mga araw na walang online interaction sa teacher at classmates.
- Bantayan at alalayan ang maliliit na bata upang makapag-focus sa pag-aaral.
- Kung magulang ang nagtuturo, alamin ang mga gusto ng anak upang magamit ang mga ito sa paggawa ng lessons.
- Pangalagaang mabuti ang kalusugan ng anak. Pakainin ng masusustansyang pagkain at painumin din ng vitamins para lumakas ang resistensya at maging masigla kahit sa bahay lamang nag-aaral.
Ang homeschooling ay bago para sa maraming bata at magulang sa Pilipinas. Mag-research at magtanong din sa ibang magulang upang lumawak ang kaalaman tungkol dito at matulungan ang mga anak sa bagong paraan ng pag-aaral.
Resources:
https://www.smartparenting.com.ph/parenting/preschooler/homeschool-provider-versus-independent-homeschooling-a1965-20200502
https://www.npr.org/2020/03/23/820228206/6-tips-for-homeschooling-during-coronavirus
https://www.deped.gov.ph/2020/05/06/official-statement-2/
https://www.philstar.com/lifestyle/health-and-family/2020/06/05/2018894/why-homeschooling-during-covid-19-pandemic-more-realistic-option
https://rappler.com/newsbreak/iq/things-to-know-department-education-distance-learning
https://rappler.com/nation/look-deped-adds-cyber-safety-modules-elearning-platform-coronavirus
https://www.calverteducation.com/should-i-homeschool/top-5-reasons-parents-homeschool-kids
https://rappler.com/nation/iatf-says-start-classes-college-based-delivery-mode
https://www.smartparenting.com.ph/parenting/preschooler/10-institutions-that-can-help-you-homeschool-your-child-a1528-20161006-lfrm
https://newsinfo.inquirer.net/1322069/survey-shows-bulsu-students-prefer-print-instead-of-online-lessons