Health Assessment Para sa Bagong Taon

December 31, 2017

Tuwing magba-Bagong Taon, usong-uso ang paggawa ng checklist o resolution. Isa sa pinakamadalas gawing resolution ay ang pagda-diet, pagiging fit o healthy. Bago gumawa ng New Year’s resolution, pinakamahalagang magsagawa ng health assessment. Kung seryoso at totohanin ang resolution na maging healthy, ang unang hakbang ay ang i-assess ang iyong kalusugan. Ang pagsasagawa ng health assessment o check-ups ay isa sa mga bagay na maaring gawin para manatiling malusog at makaiwas sa anumang karamdaman. Sabi nga nila, “Prevention is better than cure”. Mainam ang sumailalim sa regular health tests para malaman ang problema sa kalusugan bago pa man ito magsimula. Mainam din ang malaman ang sakit sa kalusugan ng maaga dahil mas malaki ang tsansa sa paggaling at gamutan. Ang mga health exams at screenings na kailangang isagawa ay depende sa  edad, kalusugan at family history, lifestyle katulad ng mga kinakain, activities o paninigarilyo.

 

Narito ang ilang preparasyon na dapat gawin bago pumunta sa check-up:

 

  1. Alamin o suriin ang family health history - Nagkaroon ba ng mga bagong kondisyon o sakit sa pamilya? Kung mayroon, dapat itong ipaalam sa health care provider.  Ang family history ay may impluwensiya sa pagdevelop ng mga sakit tulad ng heart disease, stroke, diabetes or cancer. Ang health care provider ay magbibigay ng assessment sa risk ng pagkakaroon din ng ganitong sakit base sa family history at iba pang factors. Maari ring magrekomenda ang health care provider ng mga bagay na makatutulong para maiwasan ang pagkaroon ng sakit tulad ng pag-eexercise, pagpapalit ng diet o mga screening tests para sa early detection.
  2. Alamin kung ano ang kaukulang tests o bakuna na kailangan –  I-check sa health care provider kung ano ang mga kaukulang bakuna o tests na dapat gawin ayon sa edad, kalusugan, family history at lifestyle. Mainam na i-check ang mga schedule nito at magkaroon ng sariling record, pati ng mga follow-up exams na kailangan.  Ilan sa mga rekomendadong tests, screenings at bakuna ay ang mga sumusunod: Blood pressure check, Cholesterol check, Eye check, Oral health check, Cancer screenings for breast, cervical, colorectal, prostate, skin, sexually transmitted disease screening e.g. HIV/AIDS at Tetanus shot at iba pang bakuna
  3. Ilista ang mga tanong at issues na pangkalusugan – Pakiramdaman at suriin ang kalusugan. Madalas ay in denial ang pasyente sa mga sakit na nararamdaman. Maaring magsimula sa pagtatanong sa sarili ng mga sumusunod na tanong:

 

  • May mga pagbabago bang napapansin sa sarili o pangangatawan?  May napapansin bang mga bukol o pagbabago sa balat?
  • Nakakaramdam ba ng sakit, pagkahilo, pagod, problema sa pag-ihi o pagdumi o sa monthly period?
  • Nagbago ba ang eating habits?
  • Nakakaranas ba ng depresyon, pagkabalisa, trauma, stress o problema sa pagtulog?

     

Kung oo, tandaan kung kailan napansin ang pagbabago. Maging tapat sa health care provider. Ibahagi ang pinaka-updated at pinakatamang impormasyon tungkol sa sarili at kalusugan. Isulat ang mga tanong bago pumunta sa check-up dahil maaaring makalimutan ang mga itatanong kapag hindi nakasulat. Mag-iwan din ng space sa iyong notebook o papel para sa sagot ng doktor. Siguruhing makahingi ng advice o impormasyon kung paano mapapabuti ang kalusugan.

Panahon na para asikasuhin at bigyang pansin ang kalusugan. Huwag matakot dahil mas ligtas ang may alam. Huwag ng mag-atubili, i-schedule ang appointment pati ng iyong pamilya.

Sources:

  • https://www.cdc.gov/family/checkup/
  • https://medlineplus.gov/healthscreening.html
  • http://www.bupa.com.au/health-and-wellness/health-information/az-health-information/health-checks