Ang mga holiday tulad ng pagsalubong sa Bagong Taon ay isa sa mga pinaka-inaabangang pagdiriwang ng mga Pilipino. Naging parte na ng kultura natin ang mga magarbo at maingay na selebrasyon halos buong linggo bago matapos ang taon. Hindi na rin siguro mawawala sa kultura natin ang nakasanayang paggamit ng mga paputok bilang pangpaingay. Sa kasamaang palad, pamilyar na rin ang karamihan ng Pinoy sa kaakibat na panganib ng mga paputok.
Bagaman patuloy na bumababa ang firecracker-related injuries taon-taon ayon sa datos mula sa DOH, hindi maikakaila na nakakaalarma pa rin ang kaliwa’t kanang news reports tungkol sa mga aksidenteng dulot ng paputok. Kaya naman patuloy ang DOH at iba pang mga ahensya at private organizations na nag po-promote ng mga alternatibong paraan upang maiwasan ang mga aksidente dahil sa paputok tuwing sasalubungin ang Bagong Taon.
Kung hindi naman maiiwasang hindi gumamit ng paputok at iba pang uri ng pyrotechnics para ipagdiwang at pagsapit ng New Year, siguraduhing mayroon sapat na kaalaman patungkol sa tamang pag-handle ng mga paputok upang maiwasan ang mga hindi inaasahang aksidente.
Mga panganib na dala ng paputok
Kung hindi tama ang pag-handle sa mga paputok, maaari itong magdulot ng minor to severe burns sa balat. Sa mga extreme cases naman ng firecracker-related injuries, pagkaputol ng daliri o kamay at permanenteng pagkabulag ang sinasapit ng mga biktima ng maling paggamit ng paputok. Kaya naman gawing New Year’s resolution ang hindi na paggamit ng paputok at ipaubaya na lang ang pyrotechnic displays sa mga professional. At isa pa, marami na ngayong local ordinances na nagpapahintulot sa paggamit ng mga paputok.
Fireworks safety tips
Kung legal ang paggamit ng paputok sa inyong area, tandaan ang ilang safety tips na ito bago simulan ang putukan:
- Ilayo sa mga bata ang mga paputok at iba pang uri ng pyrotechnic products. Masyadong mapanganib ang mga paputok para gawing laruan ng mga bata. Kung makakakita ng mga batang naglalaro ng paputok, mainam na pagsabihan agad sila na itigil ang kanilang ginagawa bago nila masaktan ang kanilang sarili o kapwa. Kung papayagan namang gumamit ng sparklers, siguraduhing alam ng mga bata na hindi dapat ito nilalapit sa mata o nilalagay sa bibig.
- Huwag bibili ng mga ilegal na paputok at pyrotechnics. Marami nang nabalita tungkol sa iba’t ibang uri ng malubhang aksidente dahil sa paggamit ng mga ilegal na paputok na sobra sa approved amount ang laman na pulbura. Para masiguradong mapayapa ang New Year’s celebration, tangkilikin lamang ang mga firecracker products mula sa authorized manufacturers and distributors at huwag na huwag subukang gumawa ng homemade na paputok upang maiwasan ang mga faulty firecrackers na tiyak na ilalagay sa alanganin ang iyong kalusugan.
- Maghanap ng clear at open space kung saan pwedeng magsindi ng paputok. Siguraduhing walang mga flammable materials tulad ng mga kable ng kuryente o mga tuyong dahon na malapit sa lugar kung saan binabalak magsindi ng paputok. Ihanda rin ang tubig o hose upang mabuhusan ang mga naiwang kalat at matiyak na hindi na sila liliyab.
Source:https://www.shutterstock.com/image-photo/respirator-hangs-on-open-front-door-1867525435
- Alamin ang tamang paghawak at pagsindi ng mga paputok. Huwag na huwag hahawakan nang diretso ang mga sinisindihang paputok. Kung maaari ay gumamit ng mahabang stick na may nakasinding katol sa dulo upang magsilbing tool para masindihan ang mga paputok. Siguraduhin ding mayroong sapat na protective equipment para sa mga kamay at mata bago simulan ang putukan.
- Iligpit nang maayos at ilagay sa tamang tapunan ang mga kalat mula sa mga paputok. Siguraduhing bubuhusan ng tubig ang mga naiwang papel at firecracker casings bago ito ilagay sa basurahan. Paalalahanan din ang mga kasamahan at kapit-bahay na huwag pupulot ng mga hindi pumutok na firecrackers at ilayo ang mga naiwang casings sa mga alagang hayop.
- Huwag kalimutan ang mga alagang hayop. Sensitibo ang mga aso at pusa sa mga malalakas at pabigla-biglang ingay na galing sa mga paputok lalo na kapag papalapit ang New Year countdown. Mainam na ipasok sa loob ng bahay ang mga alagang hayop at huwag kakalimutang i-check ang kanilang kondisyon.
Ano ang gagawin kung may masugatan
Kung mayroon mang masugatan ng dahil sa paputok, huwag mag-atubiling isugod kaagad sa doktor o ospital ang nasugatan. Kung may kakayahan naman ay importante ring mabigyan ng agarang lunas ang nasugatang bahagi ng katawan upang masiguradong malinis ito bago dalhin sa ospital ang biktima.
Para sa mga sugat sa mata, huwag kukuskusin ito dahil malaki ang posibilidad na lumala ang pinsalang natamo ng mata. Iwasan ding lagyan ng tubig o ointments ang mata dahil maaari itong mag-cause ng irritation. Importante rin na huwag tatanggalin o gagalawin ang kahit anong foreign objects na maaaring naiwan sa mata matapos ang aksidente.
Huwag hayaang masira ng firecracker-related injuries ang inyong Bagong Taon. Ginawa ang mga firecrackers at iba pang uri ng pyrotechnic products para sa ikatutuwa ng tao. Pero tiyak na magiging mas masaya ang pagpapaputok kung pinapahalagahan ng gumagamit ang kaligtasan niya at ng kaniyang kapwa.
Para naman sa mga gustong matiyak ang kanilang kaligatasan pero ma-enjoy pa rin ang aliw na dala ng pagpapaputok at ibang pyrotechnics, subukang dumalo sa mga fireworks events upang makapanood ng professional pyrotechnic displays. Tandaan, maraming ibang paraan para ipagdiwang ang New Year bukod sa pag-handle at pagsindi ng mga paputok.
Source:
https://www.nsc.org/home-safety/tools-resources/seasonal-safety/summer/fireworks
https://kidshealth.org/en/parents/fireworks.html
https://www.urmc.rochester.edu/encyclopedia/content.aspx?contenttypeid=1&contentid=1633