Marami sa atin, marahil, ay pamilyar sa sakit na Altapresyon o Hypertension. Maaaring ikaw na nagbabasa nito ngayon ay mayroon ding ganitong karamdaman o may kakilala o kamag-anak na mayroon din nito. Isa sa bawat limang tao edad 18 pataas, ang may altapresyon. Ito ay sanhi ng kamatayan sa 7 milyong katao sa buong mundo sa loob ng isang taon at 1.5 bilyong katao ang nagdurusa sa komplikasyon dulot ng sakit na ito. Sa Pilipinas, 28% ng indibidwal na edad 18 pataas ay may hypertension. Ito ay may malaking koneksyon sa atake sa puso, na syang itinuturing na pinakamadalas na dahilan ng kamatayan sa ating bansa. Ito ay bunsod na din ng mataas na bilang ng mga tao na may hindi kontroladong blood pressure (BP) at komplikasyon sanhi ng hypertension.
Ang hypertension ay ang pagkakaroon ng BP na equal o mas mataas pa sa 140/90. Ito ay itinuturing na stage 1 hypertension. Kung ang BP ay umaabot o lumalabis pa sa 160/100, ito naman at tinatawag na stage 2 hypertension. Ang sanhi ng sakit na ito ay may maraming dahilan. Ito ay maaaring dulot ng mataas na volume o dami ng dugo bunsod ng mataas na konsentrasyon ng asin (salt) sa dugo, mataas ng presyon sa daluyan ng dugo dahil sa mga nakabarang kolesterol (cholesterol) sa mga daluyang ito, o di naman kaya ay dulot ng ibang karamdaman katulad ng chronic kidney disease.
Mayroon ding mga gamot at ibang kemikal na maaaring magdulot ng pagtaas ng presyon ng dugo tulad ng alkohol, Phenylephrine na ginagamit para sa sipon, ipinagbabawal na gamot katulad ng cocaine at nicotine na itinuturing na importanteng komponent ng sigarilyo. Karamihan sa mga taong may altapresyon ay hindi batid na meron silang ganitong karamdaman hanggang sila ay makuhanan ng mataas na BP. Malaking porsyento ng mga pasyenteng may mataas na BP ay walang sintomas na idinadaing. Ngunit, may mangilan ngilan na nagkakaroon ng mga sumusunod na sintomas: pananakit ng ulo, pagdurugo ng ilong at pagkahapo.
Tamang Pagsusuri
Ang pag-diagnose o pagsusuri ng hypertension ay nangangailangan ng masusing pagsukat ng BP, kasama na ang pagkuha ng kumpletong medical history at physical xxamination. Meron ding mga laboratory tests na maaaring ipagawa upang malaman kung meron na bang kumplikasyon na nagaganap sa mga organ ng pasyente at kung meron pa bang ibang cardiovascular risk ang pasyente (risk ng pagusbong ng karamdaman sa puso at sa daluyan ng dugo). Ilan sa mga eksaminasyon na nirerekomenda ay ang ECG, urinalysis, fasting blood sugar (asukal sa dugo), Complete Blood Count, sodium at potassium sa dugo, creatinine (pangsiyasat ng kondisyon ng bato o kidney), GFR (Glomerular Filtration Rate) at lipid profile (Iba't ibang uri cholesterol sa katawan).
Tamang Gamot
Ang paggamot sa hypertension ay matagal ng naitaguyod. Ito ay kadalasang ginagamot gamit ang mga sumusunod: hydrocholorothiazide, metoprolol, captopril, losartan at amlodipine at ang mga kapamilya ng mga gamot na ito. Kung ang iisang gamot ay hindi sapat upang makontrol ang BP sa target range ng pasyente, maaaring magdagdag pa ng ibang gamot o yung tinatawag nating "combination therapy".
Ang pagpili ng gamot na gagamitin para sa isang pasyente ay depende sa response ng pasyente sa gamot na kanyang iniinom at iba pang mga factors katulad ng pagkakaron ng iba pang sakit bukod pa sa hypertension (tulad ng diabetes) at ang abilidad at determinasyong ng pasyente na sumunod sa kanyang tamang gamutan. At upang malaman ang response ng pasyente sa kanyang gamutan, isa sa pinakaimportanteng gawin ng pasyente ay ang palagiang pagmomonitor ng kanyang BP. Ang target BP para sa mga pasyenteng may hypertension na edad 60 pababa ay mababa o equal sa 140/90 samantalang pag mas matanda sa 60 ay 150/90. 140/90 din ang target BP para sa mga mga altapresyon na meron ding ibang sakit katulad ng diabetes o di kaya ay may sakit sa puso.
Tamang Pagkain
Ang pag-iwas sa hypertension ay sobrang kailangan, lalo na sa mga indibidwal na may “lahi” ng hypertension. Ito ay maaaring maiwasan gamit ang DASH o ang Dietary Approaches to Stop Hypertension. Nirerekomenda ng technique na ito ang pagkain ng mga pagkaing mababa sa “saturated fat” at cholesterol katulad ng gulay at prutas at ang pag-iwas sa mga mamantikang pagkain, lalo na ang mga karneng prinito. Pagdating sa karne, mas maganda ang pagkain ng “lean meat” katulad ng isda at manok samantalang ang pagkain naman ng “red meat” ay dapat iwasan (tulad ng baboy at baka).
Dapat ding iwasan ang mga pagkaing ginagamitan ng “butter” o “margarine”, dahil ang mga ito ay mataas sa saturated fats. Ang “saturated fats” ay isang uri ng taba na madaling mamuo sa daluyan ng dugo na maaaring magdulot ng pagtaas ng presyon ng dugo, at, kung mas malubha, tuluyang pagbabara sa daloy ng dugo sa mga organ ng ating katawan. Iwasan din ang mga pagkaing mataas ang lamang asukal, dahil ang sobrang asukal sa katawan ay nagiging taba din kalaunan. Lumayo sa mga fastfood at instant na pagkain tulad ng noodles.
Kadalasan sa mga pagkaing ito ay madaming taglay na asin. Para sa mga may altapresyon, nililimitahan ang kanilang asin sa pagkain sa 2.4 gramo lamang sa isang araw o mas mababa pa. Marahil para sa atin, ang mga pagkaing ganito ay walang lasa at nakakawalang gana. Ngunit, dapat nating tandaan na ang pagbabagong ito sa ating uri at dami ng pagkain ang syang susi sa ating lubusang pagkontrol ng ating BP. Ang konsumo din ng mga pagkaing mataas sa “fiber” katulad ng luntian at madadahong gulay, oatmeal, papaya, pinya at iba pang madadahong pagkain ay nakatutulong.
Bukod pa sa mga pagbabagong ito sa ating pagkain, importante din ang paglimita ng alcohol o alak. Ang alcohol na ipanapahintulot sa isang araw at 30 mL ng alcohol sa isang araw. Ito ay katumbas ng 720 mL beer / 300mL wine / 60 mL whiskey sa loob ng isang araw para sa mga kalalakihan. Para naman sa mga kababaihan, kalahati ng dami ng sa lalaki ang pinahihintulutan. Ang paninigarilyo ay dapat ding itigil ng tuluyan dahil ito ay nakakataas ng risk para sa hypertension at iba pang sakit sa puso at daluyan ng dugo.
Tamang Ehersisyo
Ang pagbawas ng timbang ay isang importanteng aspeto sa pagbaba ng BP. Ang pageehersisyo (tulad ng paglalakad, pag-jogging, Zumba at iba pang aerobic exercises) sa isang araw ng di iikli sa 30minuto, 3-4 na beses sa isang linggo, ay nakakapagpababa ng BP. Sa bawat 10 kilo ng timbang na nababawas, meron ding 5-20 mmHg ang nababawas sa BP ng mga pasyenteng may hypertension.
Ang paglaban sa hypertension ay hindi madali, ngunit ito ay simple at malinaw. Ito ay nagmumula sa tamang disiplina at ang tunay na kagustuhan ng bawat pasyente na mamuhay ng isang mas malusog buhay at mas malakas na pangangatawan. Ating tandaan na ang ating pagaalaga sa ating mga sarili ay hindi para sa atin lamang, kundi lalo na para sa ating pamilya, mga minamahal at iba pang tao na syang rason para tayo’y mabuhay.