Pagsapit ng tanghali at hapon, ramdam na ramdam na ang init ng panahon. Habang tumataaas ang temperatura, tumataas din ang bilang ng mga taong nakakaranas ng heat stroke. Ang heat stroke ay isang karamdaman kung saan lubhang tumataas ang temperatura ng katawan na hindi napapawi ng pagpapawis dahil sa dehydration. Maaaring ihalintulad ang heat stroke ng tao sa 'overheat' ng mga makina. Ang sakit na ito ay tinatawag din na heat injury o sun stroke at kailangan ng agarang atensyon o gamutan dahil ito ay nakakamatay o maaaring maging sanhi ng damage sa utak at iba pang internal organ. Ang mahabang pagkababad sa matinding init at labis na aktibidad ay maaaring maging sanhi ng heat cramps at heat exhaustion na maaaring mag-resulta sa heat stroke.
Ano ang mga senyales ng Heat Stroke?
-
Pagkahilo at pagsusuka
-
Pagkawala ng malay
-
Pananakit ng ulo
-
Panghihina
-
Pagkabalisa
-
Malamig na pagpapawis sa kabila ng mainit na panahon
-
Pamimintig ng mga muscle
-
Mabilis na pagtibok ng puso
-
Kapos na paghinga
-
Pamumula at paghapdi ng balat
-
Pagkatuyo ng dila
-
Pagtaas ng temperatura ng katawan mula 40°C pataas
Ano ang first aid para sa mga taong na-heat stroke?
Habang naghihintay sa ambulansya, may mga bagay na maaaring gawin para sa taong nakakaranas ng heat stroke.
1. Agad na dalhin sa malamig na lugar ang pasyente at kung maaari ay hubaran ng damit na nakasasagabal sa kanyang paghinga para bumaba ang temperatura ng katawan. Maaaring sa ilalim ng puno o kung saan may lilim, kung sa bahay naman, mainam na itapat sa harap bentilador o aircon.
2. Ihiga ang pasyente upang gumanda ang daloy ng dugo sa utak.
3. Kumuha ng tuwalya o panyo na basa at ipunas ito sa katawan ng pasyente.
4. Lagyan ng ice packs ang kilikili, pulso, singit, leeg at likod ng pasyente para bumaba ang temperatura ng katawan dahil ang mga area na ito ay may high concentration of blood vessels.
5. Kung gising ang pasyente, pwedeng syang painumin ng tubig. Kung wala namang malay, huwag painumin.
Ang heat stroke ay isang seryosong kondisyon na maaaring makaapekto sa paggana ng katawan lalo na sa utak, at kung mapapabayaan ay maaari makamatay. Mahalagang madala agad sa ospital ang sinumang makaranas ng heat stroke.
Ano ang maaaring gawin para maiwasan ang heat stroke?
Mahalagang manatiling hydrated lalo na kung tag-init. Iwasan ang pag-inom ng tsaa, kape at alak.
Ang mga dark colored na damit ay mas nakaka-absorb ng init kaya mas mainit kung ito ang suot.
Kung nasa beach, paminsan minsang pumunta sa lilim para hindi ma-dehydrate. Importante namang mag-break
ang mga traffic enforcers, construction workers at street sweeper sa ilalim ng tulay o sa waiting shed para maiwasan ang matagal na exposure sa mainit na araw. Ang matagal na pananatili sa lugar na mainit ay mas nagpapataas ng tsansa ng heat stroke.
Gawin ang mabibigat na gawain gaya ng pag-eehersisyo sa umaga o hapon kung kailan ang panahon ay malamig pa.
Sources:
- http://www.remate.ph/2013/04/heat-stroke-sintomas-at-gamot/
- http://www.gov.ph/2013/04/15/infographic-paalala-ukol-sa-heat-stroke-mula-sa-doh/
- http://kalusugan.ph/mga-kaalaman-tungkol-sa-heatstroke/
- http://newsinfo.inquirer.net/590397/tips-to-avoid-heat-stroke-light-colored-clothes-cold-water
- https://thepinoysite.com/2013/04/11/paano-maiwasan-ang-heat-stroke/
- http://news.abs-cbn.com/lifestyle/05/01/15/how-prevent-heat-exhaustion