Madalas bang manakit ang iyong dibdib at nakakaranas ng hirap sa pag-hinga? Maaaring isang babala na na iyan ng puso na mayroon kang Angina.
Ang Angina o Angina Pectoris ay bunga ng kaunting pagdaloy ng dugo at kakulangan ng oxygen sa puso. Kailangan ng puso ang mga ito para normal na mag-function para sa buong katawan. Kapag ang coronary arteries o mga pangunahing ugat sa puso ay nabarahan, napipigilan ang tamang pagdaloy ang tamang suplay ng dugo sa puso at karaniwang nagdudulot ng coronary heart disease.
Maaaring Angina ang pagkakaroon ng masikip na pakiramdam sa dibdib, na umaabot rin ang pananakit na dulot nito sa mga bahagi ng likod, panga, leeg, at maaring umabot hanggang sa mga kamay.
May dalawang uri ang Angina:
Stable Angina – o Chronic Angina ay nangyayari dulot ng isang pisikal na gawain o emosyon. Tumatagal ito ng ilang segundo hanggang isang minuto. Ang pagpapahinga at pag-inom ng nitrogylcerin ay nakakatulong sa papaginhawa ng pakiramdam.
Unstable Angina – Hindi inaasahang pananakit ang karaniwang mararanasan dito. Hindi napapaginhawa ng pagpapahinga at nitroglycerin ang ganitong uri ng Angina, at habang tumatagal ay lumalala ito. Senyales na ito ng malubhang pagbabara sa ugat ng puso.
Senyales o babala ang Angina ng isang atake sa puso. Maraming uri ng sakit sa puso ang namamana, kaya naman kung sa tingin mo na ikaw ay at risk na magkaroon ng sakit sa puso, marapat lamang na magpatingin sa espesyalista. Hindi rin naman ligtas ang mga walang history ng sakit sa puso sa pamilya dahil ang sakit sa puso ay maari ring dulot ng unhealthy lifestyle.
Maaaring maganap anumang oras ang Angina pero mas karaniwan tuwing:
-
Pisikal na gawain tulad ng pag-tratrabaho o pag-eehersisyo.
-
Pagkain ng marami
-
Paninigarilyo o paggamit ng pinagbabawal na gamot.
-
Pagbabago sa temperature. Nakakaapekto rin ang masyadong malamig o mainit na temperature.
-
Lubhang emosyonal na mga pangyayari.
-
Unsupervised na gamutan.
Ito ang ilan pang palatandaan ng Angina:
-
Paninikit ng dibdib at hirap sa paghinga
-
Tensyon sa mga kalamnan sa braso.
-
Pananakit ng balikat, leeg, o panga.
-
Matinding at malamig na pagpapawis.
-
Pagkahilo at pagsusuka.
-
Pakiramdam na pagod na pagod o pagkahimatay.
-
Mabilis o irregular na pagtibok ng puso.
Ito ang ilang tips para makaiwas sa Angina at iba pang sakit sa puso:
Pag-kontrol sa cholesterol
Ang pagkakaroon ng Angina ay isang senayales na nasa delikadong lebel na ang fatty substances sa mga ugat. Ang mga fatty substances ay dahan-dahang nabubuo at dumudikit sa lining ng mga ugat na siyang nakakasagabal sa maayos na pagdaloy ng dugo sa puso. Makakaiwas dito kung babawasan ang matababang pagkain, at dadalasan naman ang pagkonsumo ng mga pagkaing mayaman sa fibers.
Pag-hinto sa bisyo
Malaking aspeto ng pagkakaroon ng malubhang sakit ang bisyo, gaya ng paninigarilyo, sobrang pag-inom ng alak, at paggamit ng ipinagbabawal na droga. Ilan ito sa sanhi ng pagbabara ng mga ugat at pagtaas ng presyon ng dugo o highblood. Makakatulong ang mga doktor para sa paghinto sa mga bisyo, kaya na mahalagang makipag-usap sa kanya tungkol dito. Iwasan rin ang ma-expose sa secondhand smoking.
Pag-eehersisyo
Isang maselan na condition ang pagkakaroon ng sakit sa puso, kaya naman mahalaga na ipaalam muna sa iyong doktor ang planong mag-ehersisyo para makapagrekomenda siya nga mga dapat lang na routine at ang mga dapat iwasan. Ang mental exercise ay nakakatulong rin nang makaiwas na ma-trigger ang Angina, dahil malaki ang epekto ng pagiging kalmado sa pagbuti ng nararamdaman.
Regular na pag-inom ng gamot
Aspirin ang karaniwang inirerekomenda ng mga eksperto dahil nagkakatulong ito na ma-dissolve ang blood clot o pagbabara ng dugo sa mga ugat. Mahalaga na kumonsulta sa doktor at malaman kung ano ang nararapat na gamot sa ganitong karamdaman.
Regular na pag-konsulta sa doktor
Ang Stable Angina ay may karaniwang pattern kaya predictable ito kung kailan susumpong, samantalang ang Unstable Angina ay walang karaniwang pattern, kaya mahalaga na alam ng iyong doktor ang iyong lifestyle upang makapagrekomenda siya ng mga bagay na dapat iwasan.
Sources: