Bago natin talakayin ang mga ehersisyo, tandaan na hindi ka maaaring mag-exercise tuwing nakararanas ng gout attack. Ang mabibigat na tungkulin ay magdadala ng karagdagang pinsala sa iyong mga kasukasuan. Kapag humupa na ang mga sintomas, maaari ka nang mag-ehersisyo upang mapigilan ang pag-usbong ng kasunod na attack.
Hindi lahat ng ehersisyo ay maaaring gawin ng taong may gout. Ang mga nakakapagod na ehersisyo ay maaaring magpataas ng uric acid levels. Dapat banayad ang mga kilos at hindi magdadala ng labis na puwersa sa mga joints ng mga ehersisyo. Sa katotohanan, ang mga dahan-dahan at free-flowing na kilos ay nakakatulong sa pagpawi ng ilang sintomas ng gouty arthritis. Ating pag-usapan ang mga ehersisyong maaaring mong gawin.
Swimming at hydrotherapy
Ang pag-eehersisyo sa tubig, lalo na kung ito'y maligamgam, ay mainam na paraan upang mabigyan ng suporta ang katawan at mga kasukasuan. Ang hydrotherapy ay isang halimbawa nito. Sa tulong ng isang therapist, ikaw ay sasailalim sa iba’t-ibang uri ng aerobic exercises sa tubig. Ang therapy ay nakakatulong sa pag-iwas sa gout attack at nabibigyang lunas ang ilang sintomas ng gouty arthritis.
Maaari ka ring lumangoy. Hindi kailangang mabilis at malayo ang maabot na distansya. Mainam na ang paglangoy ng 15 minutes, two days a week. Kapag nasanay na ang mga kasukasuan, subukang paabutin ng 30 minutes o higit pa ang iyong paglangoy. Kumonsulta sa therapist kung kinakailangan.
Chair Exercise
Tulad ng hydrotherapy, ang mga chair exercise ay low-impact at hindi nagbibigay ng matinding tensyon sa tuhod at bukung-bukong. Nakakatulong din ang mga ito sa pagbabawas ng timbang at pagpapalakas ng katawan. Ang kailangan mo lamang ay isang upuang matuwid na walang kutson at gulong.
Ilang halimbawa ng chair exercises na maaaring gawin ay ang crunches, pag-abot sa mga paa, leg raise, paggaya sa mosyon ng jumping jacks habang nakaupo (hindi tatalon), at paggaya sa mosyon ng pagtakbo habang asa upuan (nakataas ang mga paa). Kung gusto mo pa ng karagdagang ehersisyo, konsultahin ang iyong doktor o therapist. Gagawan ka niya ng diet at fitness plan na angkop sa iyong kondisyon.
Tai Chi
Kilala ang tai chi sa mga mahinahon at mabagal na kilos na tumutulong sa pagpapalakas at pagpapa-relax ng muscles. Dahil malumanay ang mga galaw, nabibigyan ng karagdagang mosyon ang mga kasukasuan nang hindi nagdudulot ng mabigat na tensyon. Tinatama din nito ang posture at balanse ng katawan.
Bago sumabak sa tai chi, kumonsulta muna sa doktor at maghanap ng guro na kayang maghanda ng espesyal na programa para sa taong may gouty arthritis.
Paglalakad
Hindi nangangailangan ng mga komplikadong ehersisyo ang gout. Ang simpleng paglalakad araw-araw ay namamahagi ng karagdagang kilos sa mga kasukasuan at tumutulong sa pagpapababa ng timbang. Sa madaling salita, tumutulong ito pigilan ang pag-usbong ng gout attack.
Kung maglalakad, huwag kakalimutang magsuot ng sapatos na magaan at nagbibigay ng sapat na suporta sa paa. Panatilihing mabagal at relaxed ang paglalakad hanggang sa kaya mo nang bilisan ang iyong pace. Maari ding magdala ng walking stick kung masyadong mahigpit ang mga kasukasuan.
Ballroom dancing
Hilig mo ba ang mag-swing at cha-cha? Matutuwa ka, dahil ang iyong paboritong mga sayaw na pang-ballroom ay maaaring gawing pangontra sa mga sintomas ng gouty arthritis. Tulad ng sa tai chi, panatilihing mabagal at banayad ang mga kilos. Pumili ng mababagal na kanta sa simula at maghanap ng therapist o dance instructor bilang partner.
Habang ikaw ay nag-eenjoy sa pagsayaw, ang iyong mga kasukasuan ay lumuluwag; ang mga kalamnan ay lumalakas; at ang katawan ay nababawasan ng taba. Higit sa lahat, maaari nitong mapigilan ang pagkakaroon ng gout attack.
Epektibo man ang mga natalakay na ehersisyo, mas mainam pa rin kung sasabayan ito ng pag-inom ng wastong gamot. Kumonsulta sa iyong doktor at bibigyan ka niya ng mga gamot gaya ng allopurinol at colchicine, na parehong pumipigil sa gout attack at nagbibigay lunas sa mga sintomas ng gouty arthritis.
Sources:
http://www.nhs.uk/Conditions/Gout/Pages/Introduction.aspx
http://goutandyou.com/gout-and-exercise/
http://www.arthritisresearchuk.org/arthritis-information/therapies/hydrotherapy/what-is-hydrotherapy.aspx
http://www.healthcentral.com/chronic-pain/exercise-515640-5_2.html
http://www.shape.com/fitness/workouts/6-seated-moves-work-your-whole-body
http://www.move.org.au/Conditions-and-Symptoms/Gout/Exercise#tai%20chi
Image 1: Photo from Pixabay
Image 2: Photo from Pixabay
Image 3: Photo from Pixabay