Ang gout ay ang pamamaga at pananakit ng mga kasu-kasuan. Kadalasan ay lalaki ang nakakaranas nito sa kanilang mga joints sa paa, tuhod, at hinlalaki sa paa. Ang pangunahing sanhi nito ay ang mataas na uric acid sa katawan. Ang taong mga may gout ay kadalasang inaatake ng pananakit tuwing gabi. Ang sinumang nakakaranas nito ay walang dapat ipag-alala dahil ito ay madali lamang gamutin sa tulong ng medikasyon at tamang diet. Narito ang ilang mga bagay na dapat ninyong malaman tungkol sa sakit na ito:
Gout 101
Ang mataas na lebel ng uric acid sa katawan ang nagdudulot ng gout. Kapag mataas ang uric acid ay maaaring mamuo ng crystals sa mga kasu-kasuan o joints at magdudulot ito ng pananakit. Ito ay isang uri ng arthritis.
Mga Sintomas ng Gout
Madaling malaman ang mga sintomas ng gout. Una na rito ang matinding pananakit ng mga kasu-kasuan. Ito ay biglaang mararamdaman ng sinumang mayroon nito. Ang matinding pananakit ay masusundan ng pamamaga na maaaring magtagal ng tatlo hanggang limang araw. Dahil na rin sa sakit ay limitado lamang ang galaw na magagawa ng sinumang nagdurusa rito.
Medication at First Aid Tips
Gaya ng nabanggit kanina, ang gout ay maaaring mapagaling. Kapag nakaranas ng pananakit ay maaari agad bumisita sa doktor. Bilang paunang medikasyon, maaaring uminom muna ng Ibuprofen o anumang anti-inflammatory medicine ang makakaranas nito upang maibsan ang sakit. Tandaan lamang na hindi mabuting uminom ng aspirin dahil maaari nitong lalo pang mapalala ang sakit na nararamdaman. Makatutulong rin kung papatungan ng yelo ang nananakit na bahagi.
Diet at Lifestyle Para sa Mga May Gout
Bukod sa mga medikasyon na ibibigay ng inyong doktor para sa gout, makabubuti rin kung sisimulan ang pagbabago sa diet at lifestyle. Pinakamagandang gawin ay bawasan ang pagkain ng mga karne at seafood. Ang ilang klase ng seafood ay maaaring makapagpataas ng uric acid level ng isang tao. Ang epekto nito ay ang pagkakaroon ng mataas na tiyansang magkaroon ng gout. Isa pang mabuting gawin upang makaiwas sa gout ay ang iwasan ang pag-inom ng alak. Bagkus ay makatutulong ang pag-inom ng maraming tubig o fluids gaya ng fresh juice.
Kapag may gout, malaking tulong ang patuloy na page-ehersisyo upang mabawasan ang timbang. Ang pagiging overweight ng isang tao ay pinapataas ang risk na magkaroon ng gout. Sa pagbabawas ng timbang, iwasan ang pagpapagutom at pagkain ng low-calorie diets. Makakasama lamang lalo ito dahil nakkapagpataas ng uric acid sa katawan ang low-calorie diet.
Ugaliin rin ang patuloy na pagkonsulta sa inyong doktor tungkol sa inyong gout. Mabuti kung mapapanatiling regular ang check-up para sa anumang pagbabago sa maintenance na gamot para dito.
Dapat ring tandaan na malaki ang tiyansa na magkaroon ng gout kapag merong miyembro ng pamilya na nakakaranas mismo nito. Kahit na kadalasan ng mga nakakaranas ng gout ay mga lalaking nasa edad 30-50, posible pa ring makaranas nito ang mga kababaihan. Mas huli lamang na lumalabas ang sintomas sa kanila.
Ang gout ay posibleng maiwasan sa tulong ng tamang diet at lifestyle. Dahil ito ay bunga ng pamumuo ng uric acid sa mga kasu-kasuan, pinakamabuting gawin ay ang pag-iwas sa mga pagkaing may mataas na uric acid gaya na lamang ng alak at karne.
Sources: