Ang gout ay ang matinding pamamaga at pananakit ng mga kasukasuan. Ang mga daliri ng paa ang madalas na apektado ng gout. Hindi man mapipigilan ang pag-atake ng gout, mayroon namang mga paraan upang mapabuti ang pakiramdam o mabawasan ang sakit na dulot nito.
Bago natin pag-usapan kung paano ito i-manage, importanteng magka-ideya ka muna kung ano ang mga warning signs na magkakaroon ka ng gout attack.
- Burning o pakiramdam na parang nasusunog ang bahaging mayroong gout
- Itching o pangangati
- Inflammation o pamamaga
- Stiffness o hindi makagalaw at hindi makontrol ang parteng apektado
Ang mga senyales na ito ay nangyayari ng isa hanggang dalawang oras bago magkaroon ng gout attack. Mayroon namang iba na hindi nararamdaman ang mga warning signs kaya mabibigla na lang sila sa gout attack.
Narito ang ilan sa mga tips na maaaring makatulong sa iyo para maibsan ang pananakit na dulot ng gout:
- Gumamit ng yelo o cold compress
Ang pagpatong ng malamig sa bahaging mayroong gout ay nakakabawas ng pananakit o pamamaga. Kung walang cold compress, ibalot ang yelo sa manipis na twalya at ipatong sa kasukasuan nang 20 hanggang 30 minuto kada araw.
- Ipahinga ang bahagi ng kasukasuan na sumasakit
Huwag pwersahin ang sariling makagalaw dahil lalo lang sasakit ang iyong kasukasuan. Habang namamahinga, lagyan ng unan ang bahaging sumasakit upang maging komportable.
- Uminom nang maraming tubig
Ang pag-inom nang maraming tubig ay tumutulong upang mailabas ang uric acid na nakakaapekto sa iyong gout. Kung hindi parte ng iyong lifestyle ang pag-inom ng tubig, maaaring tumaas ang iyong uric acid levels at lumala ang iyong kondisyon.
- Umiwas sa pag-inom ng alcohol
Ang alchohol, lalo na ang beer, ay mataas ang purine na kapag in-absorb ng ating katawan ay nakakapag-produce ng uric acid na nakakapagpalala ng gout.
- Gumamit ng tungkod
Kung kinakailangan mo talagang tumayo habang nakararanas ka ng gout attack, gumamit ng tungkod upang makalad. Ang paggamit nito ay nakababawas din sa pressure ng pananakit ng kasukasuan.
- Itaas ang paa kung ito ang bahaging apektado
Nakatutulong ang pagtaas ng paa habang nagpapahinga upang maibsan ang pananakit at pamamaga ng kasukasuan.
- Huwag magpatong kahit anong bagay na makakabigat sa iyong gout
Nakadadagdag lamang sa sakit kasabay ng gout attack ang pagpatong ng kahit ano mang bagay sa bahagya na may gout. Mabuting tanggalin muna ito habang hindi pa nawawala ang sakit sa iyong kasukasuan.
- Gumawa ng gout-friendly na medyas
Bukod sa mga pagpatong ng gamit sa bahaging apektado ng gout, iwasan din ang masisikip na medyas kung ang iyong gout ay nasa paa. Maaaring mairita lamang ito at hindi makahinga na posibleng magpatagal lamang ng sakit.
- Iwasang ma-stress
Ang ating stress ay hindi nakatutulong lalo na kung ikaw ay mayroong gout. Minsan ay ito pa ang nakakapagpa-trigger ng pagkakaroon ng gout attack.
- Tutukang mabuting ang iyong diet
Ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng ating uric acid ay nakadepende sa ating kinakain. Upang maibsan ang pananakit, iwasan ang mga high-purine foods tulad ng seafood, mapupulang karne, at matatamis na tinapay.
Huling Paalala:
Para maibsan ang mga gout attacks, siguraduhing magpakonsulta sa doktor para mabigyan ng angkop na gout relief. Isa sa mga maaaring irekomenda ng doktor ang Ritemed Allopurinol, gamot para bumaba ang uric acid sa katawan. Huwag kalimutan na uminom ng maraming tubig at magpahinga para matulungan ang katawan na maka-recover.
References:
https://www.webmd.com/arthritis/gout-attacks-at-home#1
https://www.ritemed.com.ph/tamang-kaalaman/gout
https://effectivehealthcare.ahrq.gov/topics/gout/consumer
https://www.everydayhealth.com/gout/gout-management.aspx
https://www.ritemed.com.ph/articles/paano-naiiwasan-ang-gout
https://www.arthritis.org/about-arthritis/types/gout/articles/how-to-stop-a-gout-attack.php