Photo from Pixabay
Ang maayos na tindig ay sadyang magandang tingnan. Nagmumukhang mas marangal at kagalang-galang ang tao kapag wasto ang pustura. Lingid sa kaalaman ng marami, ang pagkakaroon ng good posture ay nagdudulot rin ng mabubuting epekto sa kalusugan. Samantala, ang maling posture naman ay maaaring magbunga ng pinsala sa katawan.
Ano nga ba ang maayos na posture? Paano ba magkakaroon nito? Ano ba ang mga benepisyo nito sa ating katawan? Ang mga kasagutan sa mga nasabing tanong ay aming tatalakayin nang komprehensibo.
Ano ang good posture?
Ang good posture ay ang pagpoposisyon ng katawan nang tuwid at may balanseng distribusyon ng timbang, kung saan hindi ito makararanas ng labis na tensyon at pagod. Kadalasan, kung maganda ang posture, madaling naigagalaw ang mga braso at binti kapag may kailangang gawin nang biglaan.
Saklaw ng good posture ang pagtayo, pag-upo, at paghiga. Dahil sa kabutihang naidudulot nito sa katawan, kinakailangan ito sa pagwo-work out pati sa mga ehersisyo gaya ng yoga, gymnastics, jogging, at running.
Mga benepisyo ng good posture
Photo from Pixabay
Kung maganda ang iyong posture, makakaiwas ka sa mga injury at titibay ang iyong katawan sa pag-eehersisyo. Mas matagal bago ito maapektuhan ng tensyon at stress. Bukod dito, nakatutulong ang tamang pagkakahanay ng likod, gulugod, vertebrae, at mga joints at muscles sa pag-iwas sa arthritis, muscle pain, backache, herniated disc, at iba pang katulad na karamdaman.
Ang tamang posture ay pinapabuti rin ang blood circulation dahil simetriko ang pagkakasaayos sa katawan. Madaling nakadadaloy ang dugo sa iba’t-ibang bahagi ng katawan nang walang abala.
Nakakatulong din ito sa pagakakaroon ng kumpiyansa. Mas magalang at kaaya-aya ang pagtanggap ng karamihan sa mga taong maganda ang tindig at pangkalahatang pustura.
Wastong pagtindig
Kapag ikaw ay nakatayo, i-sentro ang ulo at ihanay ito nang maayos sa katawan. Para makasigurado, silipin kung nakahanay ang tenga sa gitna ng iyong mga balikat. Patag dapat ang alignment ng mga balikat at tuwid ang mga tuhod upang hindi sila gaanong maapektuhan ng tensyon galing sa tulak ng gravity.
Itago nang bahagya ang tiyan, tapos siguraduhing nakakakuha ng angkop na suporta ang buong katawan sa pagtayo at paglalakad. Ituwid ang vertebrae, likod, at gulugod upang balanse ang iyong timbang habang nakatayo.
Wastong pag-upo
Photo from Pixabay
Umupo nang diretso ang likod at patag ang pagkakahanay sa mga balikat. Ang likurang bahagi ng puwit ay nakalatag nang diretso sa sandalan. Balansehin ang distribusyon ng timbang sa baywang para mabawasan ang tensyon sa likod. Panatiliing tuwid ang ulo, na siyang nakababawas ng stress sa neck muscles.
Dumako naman tayo sa lower body. Ang binti ay nakaposisyon nang 90 degrees habang nakaupo. Samantala, ang mga paa naman ay nakahilera at tuwid na nakapatong sa sahig. Maari mong isaayos ang upuan kung nahihirapan kang panatiliin ang posture.
Wastong paghiga
Kung wala kang karamdaman na nago-obliga nang partikular na posture, ilapat nang maayos ang ulo sa unan – ulo lang dapat ang sinusuportahan nito, at hindi ang mga balikat. Ihiga ang katawan nang tuwid, kung saan iyong napapanatili ang kurba ng likod at gulugod.
Tandaan na dapat may unan lagi sa ilalim ng iyong ulo kung magpapalit ng posisyon. Siguraduhin din na matatag ang kutson, at hindi masyadong lumulubog kapag hinigaan. Maaaring sumakit ang leeg, balikat, at likod kapag hindi nakakuha ng sapat na suporta ang mga ito.
Ang good posture ay maaaring ituring na simpleng bagay lamang, ngunit hindi ito dapat balewalain. Sa wastong pagsasaayos ng iyong katawan, ikaw ay makakaiwas sa iba’t-ibang uri ng karamdaman at physical injury. Bukod dito, ikaw ay titingnan nang may pamimitagan ng ibang tao.