Kung ikaw ay may bukol sa harap ng iyong leeg, na umaakyat-baba kapag lumulunok ka, maaring goiter na iyan.
Ano ang Goiter?
Ang katagang goiter ay nagsasabi lamang na ang iyong thyroid gland ay malaki. Ang thyroid gland ay isang parte ng iyong katawan na kakorte ng isang paru-paro, na may dalawang lobe na konektado sa gitna. Matatagpuan ito sa gitnang bahagi ng leeg.
Ang triiodothyronine (T3) at thyroxine (T4), ang mga hormone o kemikal na ginagawa ng thyroid, ay may malaking epekto sa kalusugan dahil nakakaapekto ito sa lahat ng aspeto ng metabolismo ng tao. May impluwensiya ang mga ito sa pang-araw-araw na tungkulin ng katawan, kabilang na ang pamamahala sa temperatura ng katawan at tibok ng puso. Ang karaniwang sukat ng normal na thyroid ay 4 centimeter (cm) sa taas, 1.5 cm sa lapad, at 2 cm sa lalim.
Ang goiter ay maaaring benign lamang, ibig sabihin ay hindi kanser, o maaaring malignant, o kanser na klase ng goiter.
Ano ang mga Sanhi o Risk Factors ng Goiter?
Ang goiter ay maaaring dulot ng iodine deficiency, karaniwan sa mga bansa na walang pampublikong pangkalusugang polisiya para makaiwas sa pagkakaroon ng iodine deficiency.
Ang thyroid gland ay maaaring lumaki, hindi lamang dahil sa bukol, ngunit maaari rin dahil sa pamamaga, o tinatawag na thyroiditis.
Kung patungkol naman sa goiter na kanser, o thyroid cancer – hindi pa natutukoy sa kabuuan kung bakit nagkakaroon ng thyroid cancer ang mga tao, ngunit may mga ilang bagay na nagpapataas ng tyansa, o mga tinatawag na risk factor, ng pagkakaroon nito.
Ang pagiging babae ay isang risk factor. Higit sa tatlong beses ang lamang ng babae na magkaroon ng thyroid cancer kumpara sa lalake. Karaniwan ito ay lumalabas sa mga edad na 50 hanggang 54 na taong gulang sa babae, at 65 hanggang 69 taong gulang sa lalaki.
Ang ionizing radiation, tulad ng sa mga x-ray, ay maaari rin magpataas ng tyansa na magkaroon ng goiter, lalo na kapag mataas ang dosage, tulad ng mga ginagamit sa mga pasyente na may ibang klaseng kanser. Sa mga pangkaraniwan na diagnostic examination tulad ng mga ginagamit ng dentista o mga pag-eksamin sa leeg, may tyansa rin na pagmulan ito ng bukol sa thyroid. Ngunit kung kinakailangan ang eksaminasyon tulad ng x-ray para sa isang partikular na sakit, na masasama ang thyroid sa field of exposure, ay hindi ibig sabihin na hindi na dapat magpa-x-ray, lalo na kung kailangan ito para makapagdesisyon ang doktor tungkol sa iniisip na sakit. Kapag mas bata rin na-expose ang pasyente sa ionizing radiation sa leeg, mas mataas ang risk magkaroon ng bukol sa thyroid, kumpara sa kung matanda na na-expose rito. Ngunit ito ay pwedeng mangyari mula 10 hanggang 30 taon makalipas ang exposure. Ito ay posebilidad lamang at hindi ibig sabihin na mangyayari sa lahat ng tao.
Ang pagkakaroon rin ng family relative na may thyroid cancer ay risk factor sa pagkakaroon ng thyroid cancer.
Ano ang Sintomas ng Goiter?
Hindi lahat ng goiter ay nagdudulot ng sintomas. Kapag maliit pa lamang ito, maaaring hindi pa ito maging kapansin-pansin. Ngunit kapag ang thyroid ay lumaki ng lumaki, maaaring makita ito bilang bukol sa leeg. Kadalasan, walang nararamdamang kirot ang pasyente, ngunit maaari rin itong magdulot ng sintomas kapag may naiipit nang mga istraktura sa leeg. Ilan sa mga maaaring maranasan ay ang mga sumusunod:
-Pakiramdam na puno o masikip ang leeg
-Hirap lumunok
-Hirap huminga
-Pag-ubo
-Pagbabago ng boses
Depende sa lebel ng thyroid hormone na ginagawa ng goiter, maaaring may iba’t ibang kaakibat pa ito na sintomas. Base sa resulta ng laboratory test, maaaring malaman kung ang taong may goiter ay hypo-, hyper-, o euthyroid (kulang, sobra, o normal). Dahil ang mga kemikal na ginagawa ng thyroid ay kumakalat sa buong katawan, maaaring halos lahat ng organ ng katawan, mula sa puso at utak, hanggang sa muscle at balat ay magkaroon ng sintomas.
Anong mga Test ang Karaniwang Ginagawa?
https://www.shutterstock.com/image-photo/asian-woman-thyroid-problems-she-touches-2156521025
Ang doktor ay magsasagawa ng eksaminasyon upang malaman kung ano ang sanhi ng bukol sa leeg. Maaaring kapain ang leeg ng pasyente habang lumulunok upang malaman kung may pamamaga o bukol sa thyroid.
Kung sobrang laki na ng goiter, maaaring maipit ang mga ugat sa leeg. Bilang resulta, kapag ipinataas ng doktor ang kamay sa taas ng ulo, maaaring makaramdam ng pagkahilo ang pasyente.
Sa eksaminasyon sa dugo, maaaring magpakuha ang doktor ng mga test upang masukat ang thyroid function. Kabilang dito ang free thyroxine (T4) at thyroid stimulating hormone (TSH). Kung may hinala na posibleng kanser ang bukol sa thyroid, maaaring magpagawa ng thyroid scan at ultrasound. Kung may makitang bukol sa ultrasound, maaaring kailanganin ng biopsy upang makumpirma kung may thyroid cancer.
Paano Ginagamot ang Goiter?
Ang ilan sa mga maaaring gamutan para sa goiter ay ang mga sumusunod:
-Close observation
-Iniinom na gamot
-Operasyon
-Radiofrequency ablation (RFA)
Kung ang goiter ay walang kaakibat na sintomas, maaaring irekomenda ng doktor ang regular na follow-up upang mabantayan kung magkakaroon ng pagbabago o paglaki ang bukol. Ang mga iniinom na gamot upang gawing normal ang lebel ng thyroid hormone ay makakatulong din sa pagpapaliit ng goiter. Ang operasyon ay karaniwang inirerekomenda sa mga goiter na nagdudulot ng mga sintomas. Maaaring tanggalin ang ilang bahagi ng malaking thyroid, o kung posible, ang buong thyroid, sa pamamagitan ng procedure na tinatawag na thyroidectomy. Kung ang goiter ay mula sa benign na bukol sa thyroid, ang bagong technique na tinatawag na radiofrequency ablation ay maaaring gamitin upang paliitin ang goiter at mabawasan ang mga sintomas dulot ng pagkaipit ng mga istruktura sa leeg, na hindi kinakailangan ng operasyon.
References:
https://www.thyroid.org/goiter/
https://medlineplus.gov/ency/article/001178.htm
https://www.webmd.com/women/hypothyroidism-underactive-thyroid-symptoms-causes-treatments
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/hypothyroidism/symptoms-causes/syc-20350284