Paraan sa Paglunas ng Heartburn o GERD

September 04, 2020

Hindi lahat ng chest pain ay nangangahulugan ng atake sa puso o iba pang malubhang sakit. May pagkakataon na ang pinagmumulan nito ay acid reflux. Kung minsan, magsisimula ito sa isang sinok, at doon mo na mararamdaman ang pag-iinit ng iyong dibdib. Ito ay isa sa mga sintomas ng acid reflux.

 

Ang pagkakaroon ng heartburn symptoms ay maaaring nagmumula sa pag-kain ng maaanghang, matataba, o acidic na foods. Ang mga foods na ito ay maaaring magdulot rin ng hyperacidity na madalas na kaakibat ng ganitong kundisyon.

 

Kung madalas mong maramdaman ito, maaari din na mayroon kang GERD, o gastroesophageal reflux disease, isang uri ng chronic condition na may iba’t-bang pinagmumulan.

 

Ano Ang GERD?

 

Ang ating kinakain ay dumadaan sa esophagus bago ito umabot sa ating stomach, kung saan ito tutunawin ng mga digestive acids. May mga pagkakataon na ang mga digestive acids ay umaakyat sa esophagus at nagdudulot ng hindi magandang pakiramdam. Dito nagsisimula ang acid reflux o GERD.

 

Ilan sa mga sintomas nito ang:

 

  • Pagkakaroon ng heartburn feeling
  • Pakiramdam na para kang maduduwal
  • Pananakit ng dibdib
  • Pagkakaroon ng mapait o maasim na lasa sa bibig
  • Pag-init ng sikmura
  • Pagsusuka
  • Pagkakaroon ng bad breath kahit kakatapos lamang magsipilyo

 

Maaaring maiwasan ang pagkakaroon ng GERD o ang pagdanas ng mga sintomas nito. May mga simpleng paraan upang magawa mo ito. Narito ang ilan:

 

1. Iwasang Magsuot ng Masisikip na Damit

 

Isa sa maaaring maging dahilan ng pagkakaroon ng acid reflux ay ang pagsusuot ng masisikip na damit. Kaya ang isa sa unang gagawin kapag ikaw ay pumunta sa pagamutan ay ang pagtanggal ng iyong sinturon at ang pagkakabutones ng iyong pantalon. Upang makaiwas sa acid reflux, magsuot ng mga damit na hindi nakakaipit ng iyong tiyan at dibdib.

 

2. Ayusin ang Tindig

 

Ang iyong posture ay maaaring may kinalaman sa pagkakaroon ng acid reflux. Ayusin ang iyong tindig upang deretso ang iyong pangangatawan. Kapag nakaranas ka ng heartburn habang nakaupo o nakahiga, subukan mong tumayo. Kung ikaw ay nakatayo, tumayo ng mas maayos.

 

3. Ayusin ang Paghiga

 

Madalas na makaranas ng acid reflux ang mga taong may GERD kapag sila ay nakahiga o natutulog. Upang mabawasan ito, baguhin ang paraan ng paghiga. Huwag itaas lamang ang ulo; itaas ang katawan mula sa bewang sa pamamagitan ng mga extrang unan.

 

Kung madalas kang makaranas ng acid reflux sa gabi, sikaping makakain ng hindi bababa sa tatlong oras bago humiga at matulog. Iwasan din ang agad-agad na paghiga pagkatapos kumain.

 

4. Gamitin ang Baking Soda at Tubig

 

Maaaring subukan ang pag-inom ng tubig na may nakahalong baking soda upang maibsan ang nararamdamang heartburn. Ang baking soda and water solution ay nakaka-neutralize ng mga stomach acids.

 

Kumuha ng isang kutsaritang baking soda at ilagay sa isang basong tubig. Huwag gumamit ng malamig na tubig. Haluin ito ng mabuti at inumin ng dahan-dahan.

 

Ito ay ginagamit para sa temporary relief lamang.

 

5. Ngumuya ng Gum

 

Kung madalas mong maranasan ang heartburn matapos kumain, subukan mong ngumuya ng gum matapos kumain nang hindi lalagpas sa kalahating oras. Ang pag-nguya ng gum ay nakakapag-stimulate ng saliva production at paglunok nito. Ang paglunok ng laway ang maaaring makatulong upang mapigilan ang pag-akyat ng digestive acids mula sa iyong tiyan pabalik sa iyong esophagus.

 

6. Iwasan ang Matataba at Maaanghang na Pagkain

 

Ang matataba o mamantikang pagkain ay madalas na pangunahing dahilan sa pagkakaroon ng GERD. Gayundin ang pag-kain ng maaanghang. Maaaring makaranas din ng acid reflux kapag madalas kumain ng acidic na pagkain (katulad ng oranges at dalandan) at uminom ng mga carbonated na inumin tulad ng softdrinks, o acidic na inumin tulad ng black coffee at mga tsaa. Kung ikaw ay madalas magkape sa maghapon, bawasan ito. Iwasan din ang pag-kain ng kamatis at sibuyas.

 

7. Iwasan ang mga Bisyo

 

Ang ilan sa mga nakagawiang bisyo ay maaari ding pagsimulan ng GERD, tulad na lamang ng paninigarilyo. Iwasan ang paninigarilyo kapag ikaw ay may acid reflux. Hindi ito makakatulong; bagkus, maaari nitong palalain ang sakit na iyong nararamdaman.

 

Iwasan ang pag-inom ng beer o anumang alcoholic na inumin kung ikaw ay may GERD. Mas malala pa kung uminom ka ng alcoholic na inumin nang wala pang laman ang iyong tiyan.

 

8. Dahan-Dahanin ang Pag-Inom

 

Ang pag-inom ng mabilis o nagmamadali ay maaaring magpalala sa acid reflux. Dahan-dahanin ang pag-inom kahit tubig lang ang iyong iniinom lalo na kung ikaw ay kasalukuyang nakakaranas ng acid reflux. Ang pag-inom ng malamig na tubig o anumang inuming malamig ay maaaring makalala din sa heartburn.

 

9. Subukan ang Luya

 

Ang ginger o luya ay maaaring gawing salabat, isang uri ng tsaa na madalas inumin ng mga nakakaranas ng pagkahilo. Maraming naniniwala na maaari din itong subukan upang maibsan ang pakiramdam ng heartburn.

 

Bukod sa paggawa ng salabat, maaari mo ring subukan ang paghalo ng luya sa iyong mga kinakain.

 

10. Uminom ng Gamot

 

Kung madalas mong maranasan ang acid reflux, laging maging handa. Maglagay ng mga medicine for heartburn sa bahay, opisina, sasakyan, at bag. Maraming mga OTC (over-the-counter) medicines na nagdudulot ng lunas para sa heartburn. Isang halimbawa ang antacids o gamot sa hyperacidity. Nagneu-neutralize ng stomach acids ang mga ganitong gamot upang mawala ang nararamdamang hyperacidity o ang acid reflux.

 

11. Magsanay ng mga Relaxation Techniques

 

Isa sa mga madalas panggalingan ng hyperacidity at GERD ang stress. Bukod sa GERD, maraming pwedeng idulot ang stress na nakakasama sa katawan. Upang maiwasan ang mga ito, subukan ang iba’t-ibang technique ng pagtanggal o pag-iwas sa stress, tulad na lamang ng yoga, stretching, meditation, at iba pa.

 

Kumain din ng tama at iwasan ang pagpupuyat. Ugaliing mag-exercise kahit 15-20 minutes araw-araw. Kapag nagtatrabaho, nakakatulong ang short breaks at paghinga ng malalim upang maiwasan ang stress at sobrang pagod na maaaring mauwi sa GERD.

 

 

Huwag mag-panic kapag naramdaman mo ang heartburn. Nakakalala ito sa iyong nararamdamang paninikip ng dibdib. Upang makasiguro sa nararamdaman, mas mabuting pumunta sa pinakamalapit na pagamutan o lumapit sa iyong doktor. Makakapagbigay sila ng lunas at ng payo upang maiwasan ang GERD.

 

 

Sources:

https://www.healthline.com/health/gerd/heartburn-relief

https://www.webmd.com/heartburn-gerd/guide/heartburn-relief-tips

https://www.news-medical.net/health/Heartburn-(Acid-Reflux)-Treatments.aspx

https://www.webmd.com/heartburn-gerd/heartburn-18/video-truth-about-heartburn