What is Heartburn?
Ang heartburn ay ang masakit at mahapding pakiramdam sa dibdib, sa likod ng breastbone. Madalas itong sumasakit pagkatapos kumain at kapag nakahiga o nakayuko. Nagkakaroon ng heartburn kapag ang lower esophageal sphincter (LES), o ang kalamnan sa dulo ng esophagus ay hindi nagsasara nang tama pagkatapos dumaan ng pagkain papuntang tiyan. Ang esophagus ay ang tubong daluyan ng pagkain mula bibig hanggang tiyan. Dahil sa hindi pagsara nito, bumabalik ang asidong galing sa tiyan paakyat ulit sa tubo, at ito ang nagdudulot ng iritasyon at paghapdi. Ito ang tinatawag na acid reflux. Minsan ay mayroong lasang mapait o maasim na naiiwan sa bibig o lalamunan. Ang mga heartburn symptoms ay tumatagal lamang ng ilang minuto hanggang ilang oras.
GERD
Ang GERD, o gastroesophageal reflux disease, ay ang chronic o pabalik-balik na uri ng acid reflux. Sinasabing may GERD kapag madalas ang pagkakaroon ng acid reflux. Kapag ang pangangasim ng sikmura ay nangyayari nang higit sa dalawang beses sa isang linggo, maaaring GERD na ito. Mas seryoso ang kondisyong ito dahil sa pinsalang dulot ng sobrang asido sa esophagus. Ang ilan sa mga sintomas ng GERD ay ang pagkakaroon ng bad breath, pagkabulok ng ngipin dahil sa sobrang asidong bumabalik sa bibig, paninikip ng dibdib, tumatagal na dry cough, asthma, kahirapan sa paglulunok, at heartburn.
Myths and Facts
Makakatulong sa pagbibigay ng tamang lunas ang pag-alam sa pangkaraniwang myths at facts tungkol sa mga karamdamang ito:
Myth #1: Ang heartburn ay indikasyon ng problema sa puso.
Dahil sa pagkakaroon ng pananakit at paghapdi ng dibdib, ang tinatanong ng marami ay kung heartburn o heart attack ba ang nararamdaman nila. Ngunit kahit ito ay tinatawag na heartburn, wala itong kinalaman sa sakit ng puso. Ito ay kondisyon ng digestive system. Ang pangalang “heartburn” ay galing sa pangunahing sintomas nito na halos katulad ng sintomas ng atake sa puso.
Myth #2: Pare-pareho lang ang heartburn, acid reflux, at GERD.
Bagama’t konektado ang mga sintomas nito, hindi magkakapareho ang heartburn, acid reflux, at GERD. Ang GERD ay isang kondisyong chronic o paulit-ulit, kung saan madalas nagkakaroon ng acid reflux. Ang heartburn ay pansamantalang kawalan ng ginhawa at isa lamang sa mga sintomas ng GERD.
Kapag dumadalas ang pagkakaroon ng heartburn, maaaring GERD na ang kondisyon.
Myth #3: Sobra o masamang pagkain lang ang sanhi ng heartburn.
Ang pangunahing sanhi ng heartburn ay ang pagkakaroon ng problema sa lower esophageal sphincter (LES). Totoong mayroong mga pagkaing nakakapagdulot ng heartburn, ngunit hindi ito ang unang dahilan sa paninikip na nararamdaman.
Myth #4: Ang antacids ay pangmatagalang lunas sa heartburn.
Ang pangunahing iniinom para sa heartburn o acid reflux ay antacids. Ngunit kapag hindi nawawala ang sakit at kinakailangang uminom ng sunod-sunod na antacids, maaaring mayroon nang ibang problema bukod sa heartburn. At kahit matamis ang lasa nito, hindi ito kendi. Katulad ng lahat ng gamot, may side effects ang sobrang pag-inom nito. Limitahan ang pag-inom nito ng isa hanggang dalawang linggo lamang. Kapag hindi nawala ang mga sintomas sa loob ng panahong iyon, magpatingin na sa doktor.
Para sa heartburn relief, epektibo ang proton pump inhibitor na RM Omeprazole. Ito ay ginagamit para sa short-term heartburn treatment.
Kapag hindi pa rin gumagaling sa gamot ang sintomas ng acid reflux, maaaring magrekomenda ang doktor ng surgery upang maiwasan ang mas malaking pinsala sa esophagus at tiyan. Ang tawag sa surgery na ito ay fundoplication, kung saan sisikipan ang dulo ng esophagus upang hindi makaakyat nang muli ang asido mula sa tiyan. Maaari itong maging open fundoplication, isang invasive procedure, o laparascopic surgery, kung saan gagawin ang procedure mula sa labas ng katawan.
Myth #5: Panghabang-buhay ang heartburn at GERD.
Bagama’t chronic ang GERD, hindi ito kailangang tiisin ng habang buhay. Hindi rin ito nakakamatay, maliban nalang kung ito ay naging sanhi ng cancer ng esophagus. Ang heartburn naman ay hindi kondisyon kundi sintomas lamang. Mayroong mga paraang kung susundin nang mabuti ay makakatulong sa paggaling at pag-iiwas ng mga ito.
Prevention
Kapag madalas nagkakaroon ng heartburn o acid reflux, kailangang mabawasan ang asido sa digestive tract. Magagawa ito sa pamamagitan ng ilang pagbabago sa araw-araw na gawain, tulad ng mga sumusunod:
- Iwasan ang labis na pagpapabusog at pag-kain bago matulog.
- Baguhin ang diet. Bawasan ang pagkaing acidic, spicy, at puno ng taba. Bawasan na rin ang alak, kape, at tsokolate.
- Itaas ang ulo ng kama ng 6 inches upang maging maayos ang posisyon ng katawan sa pagtulog at hindi mag build-up ang asido. Gumamit ng unan na hindi masyadong pipi o flat.
- Itigil ang paninigarilyo dahil ito ay sanhi ng pagdami ng asido sa tiyan na siyang nagiging reflux.
- Kung overweight, sikaping bawasan ang timbang dahil makakatulong ito sa paglaban sa GERD.
- Mag-relax at magpahinga. Malaki ang epekto ng stress sa pagtaas ng level ng asido sa tiyan.
- Iwasang magsuot ng masisikip na damit katulad ng skinny jeans, control top panty hose, girdle, at masisikip na sinturon. Ang paglalagay ng pressure o kasikipan sa tiyan ay nagdudulot ng build-up ng asido dito.
Ang paminsan-minsang pagkakaroon ng heartburn ay hindi dapat ikabahala. Madalas ay nawawala ito nang mag-isa sa loob ng ilang minuto o oras. Ang GERD, bagama’t mas madalas nangyayari, ay madaling i-manage sa pamamagitan ng tamang gamot, alaga, at pagbabago sa pang araw-araw na pamumuhay.
Tandaan na ang sobra at madalas na pagkakaroon ng asido sa esophagus ay nakakapinsala nito at maaaring magdulot ng mas seryosong kondisyon. Kung malubha na ang nararamdamang sakit at paninikip ng dibdib, mas mainam na ang maging ligtas sa pamamagitan ng pagpapatingin agad sa doktor.
Sources:
https://www.webmd.com/heartburn-gerd/guide/is-it-heartburn-gerd
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/heartburn/symptoms-causes/syc-20373223
https://medlineplus.gov/heartburn.html
https://www.webmd.com/heartburn-gerd/rm-quiz-heartburn-myths-and-facts
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/gerd/symptoms-causes/syc-20361940