Povidone-iodine Bilang Panglinis sa Sugat: Paano ang Wastong Gamit?

September 24, 2020

Pangkaraniwang nang magkamali ang mga Pinoy na tawagin ang isang gamot sa brand name nito dahil sa mas tumatak na ang bansag nito sa kanila. Isa sa mga kilalang halimbawa ay ang povidone-iodine. Mahirap nga naman banggitin ito para sa iba, lalo na dahil yung nakasanayang bansag ay mas maigisi ang tawag.

Pero alam mo ba na ang povidone-iodine ang madalas gamitin ng karamihan bilang antiseptic tuwing may gagamutin na sugat? Ayon sa pag-aaral, ito na ang ginagamit kahit pa noong sinaunang panahon dahil napipigilan nito ang pagkakaroon ng impeksyon sa sugat at nase-sterilize ang kagamitan ng mga manggagamot.

Maigsing paliwanag kung ano ang povidone

Para mas maintindihan kung bakit epektibo ito sa wound care, suriin natin kung ano ang povidone.

Ang povidone ay orihinal na nilinang bilang plasma expander na ginagamit sa panggagamot ng mga pasyenteng nakaranas ng hemorrhage o shock. Ngayon ito ay kadalasan nang ginagamit sa mga luhang artipisyal at produktong eye lubricants. May ilang gumagawa rin ng contact lens na nilalagyan ng povidone ang kanilang produkto para magsilbing wetting agent para mas tumagal ang moisture ng mga ito.

Ang mga controlled-release tablets at liquid oral medications din ay ginagamitan ng povidone bilang binder. Bukod pa sa mga ito, naglalaman din ng povidone ang ilang cosmetic products kagaya ng hair gel at spray, shampoo, toothpaste, at lipstick.

Ngunit kung mapasobra ang volume ng povidone sa mata o sa balat, maaari itong magdulot ng kirot at pangangati. Samantalang kung maparami naman ang inom, posibleng madulot ito ng pagtatae. May mga kaso ng allergic reaction sa povidone mula sa mga tao na sensitibo ang pangangatawan pero iilan lang ang mga ito. Ilan sa halimbawa ng allergic reaction ay paninikip ng dibdib, hirap huminga, paghingal, pagpapantal, pagkahilo, at pamamaga ng dila, lalamunan, labi, at mukha.

Saang parte ng katawan maaaring gamitin ang povidone-iodine

Kapag ang povidone ay isinama sa iodine, na kadalasang nakikita sa pagkain, ito ay nagiging antiseptic solution para sa wound infection at skin disinfection. Pero maaari rin itong gamitin sa mata at ari ng babae kung ito ay nasa less concentrated form. Kung ikaw ay naoperahan na, malamang ay ito rin ang ginamit ng doktor para i-disinfect ang iyong balat bago ang operasyon.

Itong klase ng antiseptic ay ginagamit para pigilan ang impeksyon sa sugat dahil pinapatay at kinokontrol nito ang paglago ng mapaminsalang microbes sa apektadong bahagi.

Ang mga povidone-iodine na 10% solution ang karaniwang ginagamit sa paglinis ng balat, pero may mga diluted concentrations din ito na hindi bababa sa 0.3% ang laman.

Kung ikaw ay maglalagay ng povidone-iodine solution o ointment para sa wound healing, siguraduhin na malinis ang apektadong lugar at ang paligid nito, at pati na rin ang iyong mga kamay. Gumamit ng bulak, gasa, o cotton buds upang makaiwas sa impeksyon, lalo na kung ang sugat o paso sa balat ay malalim at malaki.

May masamang epekto ba ito sa katawan?

Katulad ng kahit anong gamot, maaaring makaranas din ang gagamit ng povidone-iodine ng side effects kahit na wasto ang paggamit. Ito ang dahilan kung bakit laging pinapaalala ng mga dalubhasa na huwag itong abusihin o gamitin nang sobra dahil posibleng magkaroon ng kumplikasyon sa bahagi ng katawan kung saan ito ginamit.

Ayon sa pagsasaliksik, ang povidone-iodine na ginagamit bilang eye drops at skin wound formula ay kinakitaan ng pangkaraniwang side effects kabilang ang pamamaga ng partikular na bahagi ng katawan, pangangati, at pagpapantal. Kapag nasobrahan sa gamit, maaari rin itong pagsimulan ng pag-aagnas.

Ano ang dapat gawin kung nasobrahan sa gamit ng povidone-iodine

Kung ikaw ay nasobrahan nang lagay ng povidone-iodine sa mata, mariing hugasan agad ito ng malinis na tubig sa loob ng hindi bababa sa 15 minuto. Kung hindi nawawala ang pagkirot o paghapdi ng mata, pagluluha, at kung ano pang sintomas, makabubuting sumangguni agad sa doktor para sa lunas.

Kung ikaw naman ay nakainom nitong antiseptic solution, posibleng makaranas ka ng pananakit ng tiyan, pagdudumi, pagsusuka, at pagkakaroon ng paso sa gastrointestinal tract. Inaabisuhan din na agad pumunta at magpatingin sa doktor kung talamak at hindi nawawala ang mga sintomas.

Bukod pa sa mga nabanggit, mayroon din na tinatawag na iodine toxicity. Mas malaking banta ito sa kalusugan ng tao dahil maaaring mauwi ito sa kidney failure at pagkasira ng iba pang organs, pati na rin sa pagbabago ng electrolyte concentrations sa antiseptic solution. Paano nagkakaroon ng toxicity sa paggamit ng povidone-iodine? Kapag ang pagpahid mo ng topical povidone-iodine sa iyong open wound ay sobrang dalas at sobrang dami.

 

undefined

Source:

https://www.shutterstock.com/image-photo/doctors-hand-clean-dressing-abrasion-wound-700867759

 

Mahalagang paalala sa may sensitibong lagay

Akma bang gamitin sa lahat ang povidone-iodine? Hindi. Kung ikaw ay may kumplikasyon sa bato, may thyroid disorders, buntis, o may malalang sunog sa balat, maaaring mas sensitibo ang katawan mo sa epekto ng gamot na ito kaya mas makabubuting magtanong muna sa mga dalubhasa.

“Lahat ng sobra ay nakakasama,” ayon nga sa matandang kasabihan. Kaya mahalaga na alamin muna mula sa mga doktor kung gaano karami ang sapat kapag gagamit ng povidone-iodine antiseptic. Siguraduhin na laging akma ito sa iyong pangangailangan dahil baka kung ano pa ang dapat na tumulong na gamutin ang sugat mo, ay siya pang mas magpapakumplikado ng iyong kalusugan.

 

Source:

https://www.poison.org/articles/povidone-iodine-safe-use-of-a-common-antiseptic-193