Samu’t-saring drugs, pills at iba pang uri ng mga gamot ang mabibili sa mga malalaking pharmacy at sa mga pangkaraniwang drugstore. Hindi biro ang presyo ng karamihan sa mga ito kaya ang laking ginhawa ng pagkakaroon ng generic drugs. Malaki ang diperensya ng presyo ng generic at branded kaya hindi rin kung minsan maiiwasan ang mga haka-haka tungkol sa mga generic na gamot.
Sa totoo lang, ang mga generic na gamot ay walang pinagkaiba sa mga may tatak pagdating sa bisa. Ating bigyang-linaw ang mga haka-haka na kumakalat tungkol sa generic drugs.
Myth #1: Ang paglipat sa generic na gamot ay maaaring magdulot ng mga hindi kanais-nais na resulta at maaari ring magpalala ng iyong kondisyon.
Fact: Ito ay walang patunay dahil maaari namang magkaroon ng mga hindi inaasahang resulta o side effect ang kahit anong gamot – branded man o generic.
Ang side effect ng isang gamot ay maaaring maging bahagya lamang katulad ng pagkahilo o pagsusuka at puwede rin itong maging malubha sa mga bihirang kaso. Ang pagkakaroon ng mga ito ay nakadepende sa kondisyon ng taong gumagamit at hindi dahil generic o branded ang piniling gamot.
Myth #2: Mas mura ang generic na gamot dahil mas mababa ang kalidad nito kumpara sa mga branded.
Fact: Kaya lamang mas mahal ang branded ay dahil sa mataas na marketing cost. Pinagkakagastusan kasi ng mga kumpanya ng gamot ang branding at advertising kaya nagiging mahal ang mga branded.
Myth #3: Mas ligtas ang mga branded na gamot kaysa sa mga generic.
Fact: Parehas ang mga sangkap sa paggawa ng mga branded at generic na gamot.
Hindi puwedeng maaprubahan nang basta-basta ang mga generic na gamot. Sumasailalim ang mga ito ng pagsusuri upang makasigurado ang mga tao na ligtas ang kanilang mga binibiling lunas sa kanilang karamdaman. Hindi papayag ang Food and Drug Administration o FDA na may lalabas na gamot na mapanganib sa mamamayan, generic man o branded.
Photo from Pixabay
Myth #4: Ang generic drugs ay peke at gumagamit ng mas mabababang uri ng materyales kaya nahuhuli itong lumabas sa merkado.
Fact: Ang generic drugs ay hindi peke dahil parehas ang active ingredients nito sa mga branded.
Kaya naman nauunang ginagawa ang mga branded na gamot ay dahil pinopondohan ito ng malalaking kumpanya. Ang mga generic naman ay maaari lamang gawin kapag lipas na ang patent o pribilehiyo ng brand name nito na siyang nagpapataas sa presyo ng mga branded. Pareho ang mga pangunahing sangkap na ginagamit ng generic at branded at hindi nagkakalayo ang proseso ng paggawa.
Bukod dito, ang pagbili at paggamit ng mga generic na gamot ay itinakda ng pamahalaan ayon sa Republic Act 9502 ng ating saligang batas.
Myth #5: May tatak ang nireseta ng doktor. Siguradong mas mabisa ito sa generic drugs.
Fact: Kadalasang generic name ang inilalagay ng doktor sa reseta. Gayunpaman, kapag niresetahan ka ng branded na gamot, maaari mong itanong sa doktor kung may katumbas itong generic. Maraming mga gamot na may katumbas na generic ang maaaring imungkahi sa iyo ng doktor.
Myth #6: Mas maraming beses dapat inumin ang generic drugs para makahabol sa bisa ng branded na gamot.
Fact: Una, huwag na huwag iinom ng gamot - generic man o branded - nang higit sa rekomendadong dosage nito. Pangalawa, pareho lamang ang formulation ng branded at generic drugs kaya pareho rin ang dosage ng mga ito.
Dahil pareho ang formulation ng branded at generic, pareho rin ang bisa ng mga ito. Hindi mo kailangang bumili ng generic drugs na lampas sa nireseta sa iyo ng iyong doktor.
Myth #7: Walang pinagkaiba ang generic at branded maliban sa tatak.
Fact: Maraming pagkakaiba ang mga generic at branded pero ang mga ito ay hindi nakakaapekto sa dosage, bisa at safety ng mga generic na gamot.
Ang mga karaniwang pagkakaiba ng mga generic at branded ay ang hugis, kulay, pagkabalot, lasa, mga inactive ingredients at preservatives na ginamit at ang mga expiration date. Hindi maaaring pareho ang itsura at kulay ng mga generic at branded dahil ipinagbabawal ito ng trademark laws.
Myth #8: Ang branded drugs ay gawa sa mga world-class na pagawaan habang ang generic drugs ay gawa sa substandard na pagawaan.
Fact: Tinitiyak ng FDA na sumusunod sa health regulations ang manufacturers ng mga gamot gawa man ang mga ito sa Pilipinas o sa ibang bansa.
Mahigpit ang FDA sa pagsiyasat sa mga pagawaan ng gamot. Kanilang sinisiguro na ang mga pagawaan ng mga branded at generic na gamot ay sumusunod sa safety standards upang mapanatiling ligtas ang publiko.
Myth #9: Nakahihiyang bumili ng generic drugs dahil “cheap” ang mga ito.
Fact: Hindi ito dapat ikahiya dahil karamihan sa mga Pilipino ay bumibili ng generic drugs. Sa katunayan, ayon kay sa General Manager ng RiteMed na si Vincent L. Guerrero, karamihan sa mga unang tumangkilik sa generic drugs ng RiteMed ay ang mga may-kaya. Ito ang kanyang tinatawag na matatalinong konsumer. Bukod dito, napag-alamang 60% o mahigit kalahati ng mga Pilipino ang bumibili ng generic.
Photo from Pixabay
Malaking tulong ang pagkakaroon ng generic drugs sa merkado. Binibigyan nito ang lahat ng mabisang lunas para sa maraming karamdaman. Dahil dito, mas maraming tao ang maaaring magkaroon ng magandang kalusugan nang hindi nawawalan ng laman ang bulsa.