Mga Myths at Facts tungkol sa Generic Drugs

September 05, 2016

Photo courtesy of stevepb via Pixabay

 

Ano ba ang tinatawag na generic drugs? Ito ang mga gamot na hindi gumagamit ng brand name at kilala lamang sa kanyang generic name.

 

Dahil sa mas murang presyo ng generic drugs kumpara sa branded, marami sa atin ang sumusubok na bumili nito. Ngunit may iilan din na mas pinipiling bumili ng branded dahil sa mga sabi-sabi ukol sa bisa ng mga generic drugs. Basahin ang katotohanan sa likod ng mga sabi-sabing ito.

 

Myth # 1: Mas mabisa ang mga gamot na branded kumpara sa generic, dahil mas mahal ito at marami ang advertisement.

 

Fact: Hindi batayan ng epekto sa ating katawan ang presyo at advertisement ng isang gamot. Sa katunayan, mas affordable ang generic drugs sa branded dahil ang mga manufacturers nito ay hindi gumagastos sa development ng gamot. Samantala, ipinaglalaanan ng malaking pera ng mga kompanya ang marketing at promotions ng mga branded na gamot na siyang nagpapadagdag sa presyo nito.

 

Isa pa, kung sumagi sa iyong isip na upang mapantayan ang bisa ng branded na gamot ay kinakailangang inumin ng maraming beses ang generic drug, nagkakamali ka. Huwag uminom ng gamot – generic man o branded – ng higit sa recommended dosage nito. Pareho lamang ang formulation ng mga gamot na ito na nangangahulugang pareho lang din ang kanilang efficacy.

 

Myth #2: Tiyak na mas mabisa ang branded na gamot na inireseta ng doktor.

 

Fact:  Sa ilalim ng Republic Act 6675 o Generics Act of 1988, tungkulin ng mga doktor na ilagay ang generic name ng lahat ng gamot na kanilang irereseta, ngunit marami pa rin ang hindi sumusunod dito. Kaya naman, tiyaking itanong sa doktor kung may katumbas na generic drug ang branded na gamot na iniresta sa iyo.

 

Photo courtesy of DarkoStojanovic via Pixabay

 

Myth # 3: Walang kasiguraduhan sa ating kaligtasan ang pag-inom ng mga generic na gamot.

 

Fact: Hindi natin dapat ikabahala ang pag-inom ng generic drugs dahil ang lahat ng mga gamot na ating mabibili sa botika ay dumaan na sa pagsusuri ng Food and Drug Administration o FDA. Makasisigurado tayong ligtas ang mga generic drugs na ito dahil tinitiyak ng FDA na ang mga ito ay mabisa at hindi makapagdudulot ng panganib sa sinumang iinom nito.

 

Myth #4: Ang generic drugs ay mas mababang uri ng gamot at nagtataglay ng mga side effects.

 

Fact:  Ayon kay Dr. Anna Melissa Guerrero, Chief ng Pharmaceutical Division ng DOH, ang generic drugs ay hindi mababang kalidad ng gamot. Ang mga generic drugs na nabibili natin sa drugstore ay magkakapareho lamang ng bisa tulad ng branded.

 

Ang pagkakaroon ng side effects ng isang gamot ay naka-depende sa kondisyon ng taong uminom nito.

 

Myth #5: Peke at gawa sa mababang uri ng sangkap ang mga generic drugs kung kaya’t huli itong lumalabas sa merkado.

 

Fact: Hindi peke ang generic na gamot dahil ito ay gawa sa kaparehong active ingredients na ginagamit sa mga branded drugs.

 

Nauuna ang pag ma-manufacture ng mga branded na gamot dahil ito ay nabibigyan ng kaukulang pondo ng mga malalaking kumpanya. Samantala, ang generic drugs ay inuumpisahan lamang gawin kung nag-expire na ang patent ng branded na gamot. Hindi nagkakalayo ang proseso ng paggawa ng dalawang naturang gamot at pareho din ang mga pangunahing sangkap na ginagamit dito.

 

Nakasaad din sa Republic Act 9502 ang pagbili at paggamit ng mga generic na gamot.

 

Ngayong Generics Awareness Month, mas maging matalino tayo sa pagpili ng gamot na ating bibilhin at huwag mahiyang magtanong kung may katumbas bang generic drug ang gamot na iyong hinahanap.

 

Photo courtesy of terimakasih0 via Pixabay

 

Iminumungkahi rin ng DOH ang pagbisita sa health center ng iyong barangay upang magkaroon ng libreng konsultasyon at libreng gamot para sa mga pangkaraniwang sakit. Tandaan na hindi kailangang gumastos ng malaki upang malunasan ang sakit. Mayroong mga generic drugs na mura na at mabisa pa, at tiyak na makakatulong sa ating paggaling.

 

Sources:

http://kalusugan.ph/kaibahan-ng-generic-at-branded-na-gamot/

http://pharmacyinformatics03.blogspot.com/2012/09/generics-na-dekalidad-para-sa-kalusugan.html

http://fil.wikipilipinas.org/index.php/Generics_Awareness_Month

http://www.buhayofw.com/medical-advice/other-diseases-of-ofws/generic-versus-branded-medicines-benefits-disadvantages-gamot-553edf8cc719e#.V85DSfl97IV

http://www.abante-tonite.com/issue/oct1715/edit_punto.htm#.V85DMfl97I