Marahil ay ilang ulit na nating narinig ang kasabihang “hindi biro ang magkasakit.” Importante na pangalagaan natin ang ating kalusugan dahil hindi lang natin alam, isang malubhang sakit lang pala ang katapat ng pagkaubos ng naipundar na yaman. Lalo na dito sa Pilipinas, halos taun-taon ay tumataas ang average health expenses ng isang ordinaryong mamamayan na kadalasan pa ay puro out-of-pocket expenses o yung hindi sagot ng medical insurance provider.
Isang pang nagpapahirap sa sitwasyong pangkalusugan sa ating bansa ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga branded over-the-counter (OTC) medicine. Sa katunayan, sa ilalim ng Cheaper Medicines Act, pinahintulutan ng gobyerno ang importation ng branded medicine para malabanan ang pagtaas ng presyo ng local drug manufacturers. Gayunpaman, hindi lahat ng Pilipino ay may access sa mas murang imported na gamot.
Paano nga ba papahalagahan ng isang ordinaryong mamamayan ang kanyang kalusugan kung ang halaga ng simpleng gamot sa ubo ay katumbas na ito ng gastos sa pang ulam ng buong pamilya para sa isang araw? Hindi talaga biro ang magkasakit dahil sa presyo pa lang ng gamot.
Tiwala sa generic na gamot
Para maibsan ang kakulangan sa abot-kayang gamot, ipinasa ng gubyerno ang Generics Act of 1988 upang palawakin ang access ng mga Pilipino sa generic drugs. Sa kasamaang palad, ilang dekada pa ang lilipas bago tuluyang mababago ang negatibong pagtingin ng mga Pilipino sa generic na gamot dahil na rin sa marketing strategies ng malalaking pharmaceutical companies. Magandang senyales din ang pagkakaroon ng tiwala ng medical practitioners sa tatak generic.
Integral ang lumalawak na access at tiwala sa generic na gamot upang matugunan ang iba’t ibang uri ng health care gaps sa Pilipinas. Naging malaki rin ang tulong ng pag-promote ng mga pribadong drugstore chains sa kalidad at affordable na generic medicine. Isa pang nagpataas ng kumpiyansa ng tao sa generic na gamot ay ang strict screening regulations ng Food and Drug Administration (FDA) at ng Department of Health (DOH) para sa mga generic drugs na inilalabas sa merkado.
Unti-unti nang lumaki ang kumpiyansa ng mga ordinaryong mamamayan sa generic na gamot na kasing-bisa lang din naman pala ng kanilang branded counterpart. Kung dati ang unang hinahanap ng mamimili sa drugstore ay ang branded version, ngayon ay karaniwan nang marinig na tinatanong muna ng mamimili kung may generic version ba ang gamot na nireseta ng doktor nila.
Sulit sa presyong pang-masa
Mas mahal ang benta sa branded o originator version ng gamot dahil malaki ang ginastos ng pharmaceutical company na orihinal na manufacturer para sa research and development nito. Matapos maaprubahan ang bagong gamot, binibigyan ng patent ang pharmaceutical company na pinahihintulutan silang maging eksklusibong manufacturer ng partikular na gamot na iyon.
Makalipas ang ilang taon, ang patent na ito ay mag e-expire at ligal nang magagamit ang formula ng originator drug para makagawa ng generic version ang ibang mga manufacturer. Ang generic version naman na ito ay mas mura dahil hindi na kasama sa costing ang research and development pati na rin ang karagdagang gastos sa brand-building.
Tandaan, hindi porket mas mura ang generic na gamot ay hindi na ito kasing-bisa ng originator drug. Parehas lang ang formula at dosage ng generic na gamot sa kanilang branded counterpart. Mas cost-efficient ang generic drugs dahil mura ito at parehas lang ang epekto nito sa branded na gamot.
Halimbawa na lamang ay ang cough medicine na butamirate citrate na mas mura ng ₱5.00 to ₱10.00 per tablet kumpara sa branded version nito. Para sa isang ordinaryong Pilipino, hindi na kailangan gumastos ng ilang daang-piso para lang makaramdan ng ginhawa mula sa ubo.
Dekalidad na produkto
Kagaya nga ng nabanggit kanina, magkapareho lang din ang regulatory processes na pinagdadaanan ng generic at branded na gamot bago sila ilabas sa merkado. Sa katunayan, noong 2013 ay nagsagawa ng malawakang kampanya ang FDA laban sa mababang kalidad na tablet medicine. Naghigpit ang screening process ng gubyerno para sa mga local at foreign generic drug manufacturers at nagpatupad din ang mga concerned health agencies ng tuluy-tuloy na monitoring para sa mga generic drugs na kasalukuyang nasa lokal na merkado.
Sa madaling salita, kung subok na natin ang isang branded version ng isang uri ng gamot, walang dahilan para matakot subukan ang generic version nito dahil sinisiguro ng FDA na pareho lang ang kanilang active ingredient, use indicators, at potency.
Huwag mahihiyang magtanong
Lipas na ang mga panahong walang ibang pagpipilian ang ordinaryong Pilipinong mamimili bukod sa mahal na branded na gamot. Sa tulong ng sulit sa presyo at kalidad na generic drugs, hindi na kailangan maghigpit ng sinturon ang marami para mapangalagaan ang kanilang kalusugan. Lalo na kung pagdating sa mga karaniwang sakit, marami nang mga abot-kayang gamot sa sipon, ubo, lagnat, o altapresyon ang mabibili sa mga pampubliko at pribadong drugstores sa buong bansa.
Bago gumastos para sa mga branded na gamot, ugaliing itanong kung mayroon ba itong available na generic version. Pagdating sa kalusugan, walang talo ang wais na mamimili ng gamot. Pangalagaan ang bulsa at ang kalusugan sa pamamagitan ng pagtangkilik sa kalidad at abot-kayang generic drugs.