Ang metformin ay pamilyar na gamot sa diabetics, lalo na sa mga may type 2 diabetes. Ang isang taong may type 2 diabetes ay may problema sa pagproseso ng insulin, isang hormone na galing sa pancreas na nagpapababa sa glucose (sugar) sa dugo. Dahil dito, nahihirapan ang katawang panatilihing normal ang blood glucose levels. Isang oral hypoglycemic agent na katulad ng RM Metformin ang madalas inirereseta para dito. Ito ang pangunahing gamot sa type 2 diabetes dahil napapababa nito ang glucose o sugar level sa atay at ginagabayan ang tamangpaggamit ng insulin sa katawan.
Myths and Facts about Metformin
Dahil popular ang metformin, maraming umiikot na misinformation tungkol dito. Bagama’t mayroong mga pansamantalang metformin side effects, karamihan sa mga nababalita dito ay hindi totoo. Anu-ano nga ba ang common myths tungkol sa metformin? Pinaka-importante sa lahat, is metformin safe?
Myth #1: Ang metformin ay masama para sa bato.
Hindi ito totoo. Pinagbabawal lamang ang metformin sa mga pasyenteng mayroong late-stage chronic kidney disease. Sa isang taong may normal at healthy na mga bato, walang masamang epekto ang metformin. Ngunit ang regular check-up at pagkonsulta sa doktor ay importante parin para sa kasiguraduhan at kaligtasan ng pasyente.
Myth #2: Ang metformin ay masama para sa atay.
Walang kinalaman ang atay sa pagproseso ng metformin sa katawan dahil hindi atay ang gumagamit ng mga sangkap nito. Lumalabas lang ito sa ihi nang hindi napapalitan ang komposisyon. Sa katunayan, maaari pa itong makatulong sa ilang liver diseases. Kung mayroon mang bihirang pangyayari na liver injury habang naggagamot ng metformin, malamang ay dahil may katambal itong ibang gamot na nakakaapekto sa atay.
Myth #3: Delikado ang metformin sa buntis.
Ang pagbubuntis ay isang maselan na kalagayan. Hindi inirerekomenda ang paggagamot ng sarili habang buntis. Ang doktor lamang ang maaaring magsabi kung anong mga gamot ang ligtas at mainman para sa kahit anong karamdaman. Ngunit sa pangkalahatang kaalaman, walang epekto ang metformin sa pagbubuntis. May mga pagkakataon na maaaring makatulong pa ito, lalo na sa mga may polycystic ovarian syndrome (PCOS) kung saan maaaring pababain nito ang risk ng miscarriage at gestational diabetes. Isa pang magandang balitang ayon sa mga pag-aaral, wala ring masamang epekto ang metformin therapy sa birth weight ng sanggol o sa development nito sa unang 3 to 6 months ng pagkabuhay. Magtanong muna sa doktor bago uminom ng kahit anong gamot habang buntis.
Myth #4: Ang metformin ay sanhi ng dementia.
Ayon sa mga bagong pag-aaral at kaalaman, ang pag-inom ng metformin ng mga diabetic ay mas nakakababa ng risk of dementia kaysa sa ibang anti-diabetic drugs. May mga pag-aaral din na nagpapakita na ito ay maaari ring magdulot ng improved cognitive function.
Myth #5: Ang metformin ay masama para sa puso.
Hindi rin ito totoo. Sa katunayan, maaaring protektahan nito ang puso sa atake, dahil ang epekto nitong pagpapababa ng glucose levels ay nakakabuti din sa pagbawas ng taba na naiipon sa loob ng blood vessels ng taong may heart disease. Nauugnay din ang metformin therapy sa mas mababang risk ng sakit o kamatayan sa mga pasyenteng may diabetes at heart failure.
Myth #6: Ang metformin ay maaaring maging sanhi ng lactic acidosis.
Ang risk ng lactic acidosis ay posible lamang kapag ang pasyente ay may dati nang problema sa bato. Kaya importante ang pagmo-monitor ng doktor sa kidney function ng isang pasyente bago at habang pinaiinom ng metformin.
Myth #7: Pinatataas ng metformin ang cholesterol.
Taliwas sa paniniwalang nakakataas ito ng cholesterol, mayroong metformin benefits na naidudulot sa tamang paggamit ng fats o taba sa katawan. Nakakababa din ito ng LDL cholesterol at triglycerides.
Myth #8: Ang metformin ay masama para sa pancreas.
Hindi sanhi ng acute pancreatitis ang metformin. Sa katunayan ay ito ay mas nakakapagpababa ng risk ng pancreatic cancer.
Myth #9: Ang metformin ay maaaring maging sanhi ng cancer.
Ayon sa research, nakikita na may protective aspect ang metformin na nakakabawas sa risk ng cancer sa mga diabetes patients. Nakakapagpadami ng cancer cells ang sobrang insulin sa katawan, at pinipigilan ng metformin ang pagdami ito. Bagamat ang kaalamang ito ay pinag-aaralan pa lamang, nakakapagbigay na ito ng malaking pag-asa sa mga cancer patients.
Myth #10: Hindi pwedeng mag CT scan habang umiinom ng metformin.
May uri ng CT scan imaging na nangangailangan ng intravenous (IV) contrast upang mas malinaw na makita ng mga doktor ang area ng sakit. Sa mga pasyenteng walang malubhang sakit sa bato, hindi kailangang itigil ang pagbibigay ng metformin bago lagyan ng contrast. Sa mga pasyente namang nasa stage IV o V na ang sakit sa bato, dito dapat itigil nang pansamantala ang pagbibigay ng metformin, at dapat maghintay ng 48 hours bago ito ituloy.
Katulad ng lahat ng gamot, mayroon side effects ang metformin. Karamihan sa mga ito ay pansamanatala lamang at kusang mawawala habang nag-uumpisa nang masanay ang katawan sa gamot. Ang common na side effects katulad ng nausea at diarrhea ay maaaring mawala kapag sasabayan ng pagkain ang pag-inom ng gamot.
When to Take Metformin
Ang metformin ay dapat sinasabayan ng pagkain o regular meals. Ito ay upang mabawasan ang stomach discomfort na maaaring maging side effect nito, lalo na sa mga unang linggo ng paggagamot. Dapat sundin nang mabuti ang meal plan na ibibigay ng doktor upang maging mas lalong mabisa ang gamot. Kasama dito ang regular na pag-monitor ng blood sugar.
Ang regular na pagkonsulta sa doktor ay mahalaga sa pagma-manage ng diabetes. Ang metformin ay mabisang gamot laban dito, ngunit ang paggamit nito ay naka-base parin sa maraming factors ukol sa inyong buong kalusugan. Sa tulong ng medisina at tamang pag-aalaga sa sarili, maaari pa ring magkaroon ng normal at aktibong buhay kahit may diabetes.
Sources:
https://www.webmd.com/drugs/2/drug-11285-7061/metformin-oral/metformin-oral/details
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/type-2-diabetes/diagnosis-treatment/drc-20351199
http://www.diabetes.org/diabetes-basics/type-2/
https://www.goodrx.com/blog/ten-myths-about-metformin/
https://www.mayoclinic.org/drugs-supplements/glyburide-and-metformin-oral-route/precautions/drg-20061991
https://www.mayoclinic.org/drugs-supplements/metformin-oral-route/side-effects/drg-20067074?p=1
https://www.diabeteseducator.org/news/aade-blog/aade-blog-details/barbara-walz-rn-bsn-cde/2012/10/04/facts-about-metformin