Lalong dumarami ang mga pamilyang nahihirapan pangalagaan ang kanilang kalusugan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gamot sa Pilipinas na lalo pang pinalala ng kasalukuyang pandemya. Noong 2019, tinatalang nagkaroon ng 13.7 percent increase sa medical inflation rate ng bansa na siya namang pumangalawa lang sa Vietnam (14.2) sa buong Southeast Asia.
Dahil dito, dumarami ang mga mamamayang tumatangkilik sa mga counterfeit at bogus sellers, at sa mga pangakong health benefits ng kanilang mga nilalakong produkto na higit na mababa ang presyo kumpara sa mga genuine medicine sa merkado.
Mahigpit ang mga patakaran sa pag-manufacture at pagtitinda ng mga gamot dahil ang mga ito ay hindi ordinaryong consumer goods. Ang mga lehitimong manufacturer at seller ng mga gamot ay dumadaan sa masinsinang screening process ng Food and Drug Administration (FDA) upang masiguro na sumusunod sila sa mga mahigpit na patakaran patungkol sa pag-manufacture ng gamot. Ipinapatupad ang mga mahigpit na patakarang ito dahil mapanganib sa kalusugan ang fake medicine.
Maling pagtangkilik sa pekeng gamot
Ang reliable at good-quality medicine supply ay esensyal para sa mabuting kalusugan na kadalasan ay hindi nakikita sa mga bansa kung saan mahina ang regulasyon at pagpapatupad ng patakaran kontra sa pekeng gamot.
Kahit saang bansa ka pa pumunta, tiyak na makakahanap ka ng pekeng gamot. Hindi magpapatinag sa kahit ano pang regulasyon ng mga gumagawa at nagbebenta ng counterfeit medicine. Lalo pang lumaki at dumali ang distribusyon ng mga pekeng gamot dahil sa paglaganap ng internet access at social media platforms kung saan libre at diretsong makakapag-advertise ang mga bogus manufacturer at seller sa mga konsyumer.
Source:https://www.shutterstock.com/image-illustration/dangerous-pills-pill-bottle-over-white-324842315
Panganib ng peke o substandard na gamot
Maraming hindi kanais-nais na side effects ang fake medicines na kung minsan pa ay humahantong sa pagkasawi ng pasyente. Halimbawa na lamang ang mga pekeng gamot para sa malaria na tinatalang nasa 250,000 ang buhay na kinikitil taun-taon. Sumunod pa dito ay ang libu-libong knock-off o imitation vaccines at antibiotics na kadalasan pa ay mga sanggol ang biktima.
Bukod sa pagkawala ng buhay, heto pa ang dalawa sa mga masamang epekto ng pekeng gamot sa kalusugan:
Marahil ang pinakakaraniwan at kapansin-pansing epekto ng paggamit ng peke o substandard na gamot ay ang pagkalason. Isang halimbawa ng isang well-documented case ng pagkalason dahil sa counterfeit drugs ay ang pagkamatay ng 84 Nigerian children noong November 2008 hanggang February 2009 dahil sa acute kidney failure dulot ng pag-inom nila ng teething syrup na naglalaman ng diethylene glycol. Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, nalaman nilang deliberate fraud ang dahilan ng pagka-contaminate ng teething syrup.
Marami pang ibang kaso ng pagkalason dahil sa paggamit ng maling mga kemikal sa pag-manufacture ng mga gamot. Pero marahil ang mas masuklam pa dito ay ang ineffective medicine na ginamitan ng benign ingredients. Ang mga gamot na ito ay makapagbibigay ng kaunting ginhawa kapalit naman ng dahan-dahang pagkasira ng katawan at pagbagsak ng kalusugan ng isang pasyente
- Untreated disease at disease progression
What is medicine? Ang pangunahing layunin ng gamot ay ang mapagaling ang isang pasyente o ‘di naman kaya ay mapabagal at unti-unting mapigilan ang progression ng isang sakit. Pero maraming mga pag-aaral ang nagpapakita na ang paggamit ng maling gamot o mga gamot na kulang sa wastong ingredients ay nakakahadlang sa treatment process.
Bukod sa direct harm dahil sa pagkalason na maaaring magresulta dahil sa paggamit ng pekeng gamot, karamihan sa mga ito ay pinapataas pa ang resistensya ng katawan sa mga tunay na gamot. Kung patuloy ang pagtangkilik sa pekeng gamot, lalong mahihirapan ang katawan ng isang tao na mag-respond positively sa authentic medicines.
Piliing mabuti kung saan bibili ng gamot
Para matiyak na ligtas ang gamot na iyong binibili, tangkilikin ang mga produkto ng mga subok nang manufacturer at distributor. Magsagawa ng sariling research at makinig sa payo ng doktor patungkol sa tamang purchasing process para sa mga gamot. Siguraduhing bumili sa mga establishments na humihingi ng reseta at huwag magtiwala sa mga nagtitinda online o sa mga bangketa na walang tamang permit.
Kung mayroon naman agam-agam sa gamot na iyong nabili, tandaan ang ilang tell-tale signs na peke ang isang gamot tulad ng maling packaging at mga pagkakamali sa spelling, hindi tugmang detalye sa loob at labas ng packaging, at discolored at degraded ang itsura ng mismong gamot.
Hindi biro ang panganib na maaaring harapin sa pagkonsumo ng peke o substandard na gamot, lalo na sa panahon ngayon na mataas ang pangamba ng buong mundo dahil sa COVID-19. Maraming manufacturer at distributor ng mga pekeng gamot ang nananamantala sa sitwasyong ito at naglalabas ng mga produktong nangangako ng lunas o mabisang pangontra sa coronavirus. Tandaan, wala pang lunas para sa COVID-19 at ang pagbili at paggamit ng mga produktong kontra kuno dito ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa kalusugan.
Lamang ang may alam lalo na pagdating sa kalusugan. Maging mapanuri at matanong, at iwasang magtiwala sa mga gamot na nangangako ng agarang lunas. Sundin ang payo ng doktor at huwag gawing basehan ang sabi-sabi ng mga kaibigan o kamag-anak tungkol sa bisa ng isang gamot.
Source:
https://patient.info/news-and-features/the-dangers-of-fake-drugs