Gawing Ligtas ang Tahanan: Alamin ang mga Household Items na Dapat Ilayo sa mga Bata
June 15, 2023
Maraming bata ang nagiging biktima ng pagkalason sa tahanan. Ang tahanan ay maaaring maging mapanganib, kung ang mga kemikal ay hindi maayos na tinatago o itinatapon. Humigit-kumulang 800 na mga bata ang dinadala sa Philippine General Hospital (PGH) taun-taon dahil sa pagkalason. Karamihan ng insidente ng pagkalason ng bata ay hindi sinasadya at aksidente lamang. 1
Marapat na malaman ang mga impormasyon tungkol sa mga panganib sa kalusugan ng mga bata upang matiyak ang kanilang kaligtasan. Narito ang ilang mga kagamitan sa bahay na dapat ilayo sa mga bata:
- Mga Gamot 2, 3
https://www.shutterstock.com/image-photo/beautiful-on-white-background-isolated-use-1698797656
Ang mga gamot ang pangunahing sanhi ng pagkalason sa mga bata. Ilayo ang mapanganib na mga gamot sa bata sa pamamagitan ng paggawa ng mga sumusunod:
• Ilagay ang mga ito sa isang lugar na hindi maabot ng mga bata lalo na ang mga gamot na mukhang kendi tulad ng mga gummies. Tiyaking naiintindihan ng mga bata na hindi ito kendi.
• Siguraduhing nakatago ang mga bag na naglalaman ng mga tabletas o mga bote ng gamot.
• Kung gumagamit ng pill organizer, tiyaking hindi ito maabot ng mga bata kadalasan ay hindi ito child-proof at maaaring mabuksan ng bata.
• Huwag iiwan ang mga tabletang gamot sa mga mesa. Mausisa ang mga bata at maaaring ito ay maging kaakit-akit sa kanila
• Turuan ang mga bata tungkol sa kaligtasan sa paggamit ng gamot at huwag itong ihalintulad sa kendi
- Batteries 3
https://www.shutterstock.com/image-photo/remote-control-old-battery-leaking-hazardous-1644460582
Ang mga lithium coin at button batteries ay mapanganib na mga kagamitan sa bahay. Kapag ito ay aksidenteng nakain maaari itong magdulot ng pagkasunog at pagkasira ng esophagus o ang daanan ng pagkain. Pwede rin ang mga ito na bumara sa loob ng ilong o tenga at maaaring magdulot ng impeksyon at makaapekto sa paghinga, pang-amoy, at pandinig. Ang mga bateryang ito ay maaring matagpuan sa mga TV remote, mga calculator, mga laruan ng mga bata, mga relo, mga thermometer, mga timbangan, at iba pa. Upang mapanatiling ligtas ang mga bata mula sa panganib ng mga baterya, sundin ang mga gabay na ito:
• Siguraduhing maayos at ligtas nakasara nang mahigpit ang mga compartment ng mga baterya; maaaring gumamit ng tape para sa karagdagang seguridad.
• Maging mapanuri sa mga bagay sa tahanan na naglalaman ng baterya. Ilagay ang mga ito sa mga lugar na hindi maaabot ng mga bata. Pagsabihan ang mga nakatatandang kapatid na itago ang mga laruan kapag hindi ginagamit, at bantayan ang mga nakababatang kapatid kapag naglalaro.
• Agad na itapon ang mga lumang baterya sa labas ng bahay. Kahit na hindi na gumagana ang baterya, ang mga ito ay mapanganib pa rin.
• Kausapin ang mga bata tungkol sa kaligtasan sa paggamit ng mga baterya. Ipaliwanag na ang mga ito ay para lamang sa mga matatanda at talakayin ang mga panganib na pwedeng maidulot ng mga baterya.
- Alak 4
https://www.shutterstock.com/image-photo/glass-red-wine-front-many-empty-197137781
Ang alak ay isa pang household item na maaaring magdulot ng panganib sa mga bata, tulad ng pagbaba ng asukal sa dugo na pwedeng magdulot ng kombulsyon at pagkawala ng malay. Siguruhing ang mga inumin na naglalaman ng alak ay hindi naiiwan sa mga lugar na madaling abutin at inumin ng mga bata. Maging maingat din sa iba pang mga kagamitan sa bahay na naglalaman ng alkohol tulad ng mouthwash, mga pabango, at hand sanitizers.
- Lead
https://www.shutterstock.com/image-photo/red-black-white-danger-contains-lead-469720721
Sa Pilipinas, tinatayang 20 milyong mga bata ay mayroong mataas na antas ng lead sa dugo, kaya naman naisama ang Pilipinas sa top 20 na bansa sa buong mundo na may pinakamaraming batang nabiktima ng lead poisoning.
Mapanganib ang epekto ng lead. Kapag ang isang tao ay na-expose sa lead, ito ay kumakalat patungo sa utak, atay, bato, at mga buto.5 Ang lead poisoning ay partikular na mapanganib sa mga bata. Ayon sa WHO, ang lead poisoning ay pwedeng magdulot ng mababang IQ at pagbabago ng pag uugali. 6
Ang mga bata ay maaaring ma-expose sa lead sa pamamagitan ng pagdampi sa pinturang naglalaman ng lead at dust particles mula sa lead paint sa mga gusali at mga tahanan. Ito ay maaaring kumapit sa mga bintana, sahig, lupa, at mga laruan. Bukod pa rito, pwede rin ma-expose ang mga bata sa lead sa pamamagitan ng pagkain at paglanghap ng mga bagay na mayroong lead. 1
Upang matiyak na ang mga produkto ay hindi naglalaman ng lead, gawing gabay ang mga sumusunod:
- Siguraduhing lead-free ang mga laruan ng bata. May mga antique, imported, at mala-alahas na laruan na maaaring may lead. Para maka-siguro hanapin sa mga bibilhing laruan ang label na “lead-free” at “non-toxic”. 7
- Maging ligtas sa kusina. Ang ilang mga imported o antique na ceramics at mga lutuan ay binabalutan ng lead. 7
- Iwasan ang ilang mga tradisyunal na gamot at cosmetic products. Kung hindi sigurado kung ang isang produkto ay naglalaman ng lead, huwag itong ipagamit sa mga bata. 7
- Iwasan ang mga pampalasa, kendi, at iba pang mga pagkain na binili mula sa ibang bansa kung hindi malinaw ang mga food label. 7
- Hair spray, nail polish, at nail polish remover
https://www.shutterstock.com/image-photo/little-girl-painting-nails-35059780
Ang mga nail polish ay naglalaman ng mga mapanganib na kemikal tulad ng Toluene, Butyl Acetate, at Ethyl Acetate. Ang mga ito ay maaaring magdulot ng irritation sa balat at impeksyon sa baga. 8
- Mga aerosol spray, Mga pesticide
https://www.shutterstock.com/image-photo/young-boy-hand-holding-insect-spray-501211459
Ang mga aerosol spray tulad ng mga air freshener, pesticide, insecticide, at iba pa ay naglalaman ng mga kemikal na maaaring nakalalason kapag nalanghap o napunta sa mga mata o bibig ng mga bata. Maaring magdulot ito ng respiratory problems at iba pang mga adverse na reaksyon sa balat. 3
- Pods ng mga sabon para sa labada o paghuhugas
https://www.shutterstock.com/image-photo/colorful-laundry-detergent-pods-green-blue-1028493445
Ang mga pods o capsules ng mga sabon na ito ay maaaring maging kaakit-akit sa mga bata dahil sa kanilang kulay at hugis na mukhang kendi o tsokolate. Ang pagkain ng mga ito ay pwedeng magdulot ng choking at pagkalason. Iwasan ang paggamit ng mga lumang bote ng soft drinks o iba pang mga lalagyan ng mga pagkain sa pag-iimbak ng mga kemikal. 3
Sa pamamagitan ng pagiging maalam at maingat sa mga kagamitang dapat ilayo sa mga bata, nagbibigay tayo ng proteksyon at seguridad sa kanilang buhay. Mahalaga rin ang pagtuturo sa mga bata tungkol sa mga panganib ng mga kagamitang ito.
Sa mga oras ng aksidente o pagkasugat, ang agarang pagkonsulta sa doktor o pagtungo sa malapit na emergency room ay nagbibigay ng tamang pangangalaga at makatutulong upang maiwasan ang mga posibleng komplikasyon. Ang pagiging responsableng magulang at tagapag-alaga ay pundasyon ng kalusugan at kaligtasan ng mga bata.
References:
(1) Gamil, J. T. (2015, June 23). Most household poison victims are children. INQUIRER.net. https://newsinfo.inquirer.net/700191/most-household-poison-victims-are-children
(2) Household Safety: Preventing Poisoning (for Parents) - KidsHealth. (2016). Kidshealth.org. https://kidshealth.org/en/parents/safety-poisoning.htm
(3) HopeHealth. (2023, January 23). Dangerous Household Items for Children. HopeHealth. https://www.hope-health.org/2023/01/23/dangerous-household-items-for-children/
(4) Alcohol: A Dangerous Poison for Children. (n.d.). Www.poison.org. https://www.poison.org/articles/alcohol-a-dangerous-poison-for-children
(5) Baclig, C. E. (2022, October 24). International Lead Poisoning Prevention Week: The harm everyone faces. INQUIRER.net. https://newsinfo.inquirer.net/1684357/international-lead-poisoning-prevention-week-the-harm-everyone-faces
(6) About 1M people die yearly due to lead poisoning: WHO. (2022, October 25). Philippines News Agency. https://www.pna.gov.ph/articles/1187015
(7) CDC. (2019). CDC - Lead - Sources of Lead. CDC. https://www.cdc.gov/nceh/lead/prevention/sources.htm
(8) Griffie, J. (2023, April 4). How Toxic Is Nail Polish - [Updated] July 2023. Salon’s Equipment. https://salonsequipment.org/blog/how-toxic-is-nail-polish.html#:~:text=The%20solvents%20in%20nail%20polish%20are%20the%20most