10 Myths and Facts tungkol sa Lagnat

April 06, 2018

Marami tayong kaugalian tungkol sa pagpapagaling ng lagnat. May mga paraang gumagana, ngunit may ilan rin na produkto lamang ng haka-haka, at ang mga ito ay maaaring maging hadlang sa iyong mabilis na paggaling. Mula sa maling paniniwala tungkol sa fever temperature hanggang sa pagbabawal maligo sa lahat ng taong nilalagnat, ating tatalakayin ang mga maling akala tungkol sa lagnat at ang kalakip na katotohanan ng bawat isang myth.

 

Myth 1: Kung ang iyong temperatura ay lumampas ng 37.8°C, tiyak na mayroon kang lagnat.

Fact: Lingid sa kaalaman ng marami, hindi laging pare-pareho ang temperatura ng katawan ng tao. Tandaan na ang temperatura ng silid at kapaligiran ay nakakaapekto sa init ng iyong katawan. Maaaring lumampas nang bahagya sa 37°C ang iyong temperatura nang dahil sa panahon at hindi ibig sabihin nito na mayroon ka nang lagnat. Ang karaniwang fever temp ay 37.8 – 39°C.

 

Myth 2: Kung hindi ginamot ang lagnat, hindi titigil ang pagtaas ng iyong temperatura.

Fact: May rason kung bakit wala ka pang nababalitaaang tao na lumiyab ang katawan nang dahil sa lagnat. Ang ating utak ay may nakatakdang hangganan ng temperatura para sa mga nilalagnat. Ang fever temp ay karaniwang umaabot ng 39 - 40°C. May mga kaso kung saan umabot ng 42°C ang fever temperature, ngunit ito ay dahil sa dagdag na temperatura na dala ng mainit at kulob na silid.   

 

Myth 3: Ikaw ay magkakaroon ng brain damage kung ang iyong high fever ay umabot ng 40°C.

Fact: Totoong maaaring magkaroon ng brain damage nang dahil sa lagnat ngunit hindi sa temperaturang 40°C. Kundi fever temperature na 42°C.

 

Myth 4: Ang ulan ay isa sa mga causes of fever at common cold.

undefined

Image from Pexels

 

Fact: Ang ulan mismo ay hindi sanhi ng sipon at lagnat. Kaya tayo nagkakaroon ng sipon at lagnat kapag nauulanan ay dahil sa mikrobyo na nakapasok na sa ating katawan bago pa man tayo maulanan. Ang lamig na dala ng ulan ang nagpapaaktibo dito.

 

Myth 5: Bawal kang maligo kung ikaw ay mayroong lagnat.

Fact: May katotohanan sa paniniwalang ito kung malamig na tubig ang ipapaligo, maaaring makaranas ng pagsama ng kondisyon. Kung maligamgam na tubig naman ang gagamitin, pwedeng makaranas ng ginhawa.

 

Myth 6: Kung mataas ang lagnat, siguradong malubha ang sanhi nito.

Fact: Bagama’t ang mataas na lagnat ay sintomas ng malulubhang sakit tulad ng dengue o matinding bacterial infection, hindi ibig sabihin na malubha agad ang sakit kung mataas ang iyong lagnat. Mas magandang batayan ang itsura at level ng panghihina ng may sakit. Magpatingin sa doktor para makasigurado.

 

Myth 7: Ang lagnat ay sakit.

Fact: Ang lagnat ay sintomas lamang ng ibang kondisyon o sakit. Ang mga karaniwang causes of fever ay virus, bacterial infection, arthritis, matinding pagkapagod nang dahil sa init, at mga matapang na gamot tulad ng antibiotics, gamot sa high blood, at ilang bakuna.

 

Myth 8: Bawal pakainin ang nilalagnat.

undefined

Image from Pixabay

 

Fact: Totoong maaaring mawalan ng gana kumain ang taong nilalagnat at kung minsan ay sinusuka pa niya ang kaniyang kinain, ngunit hindi ibig sabihin na dapat nang ipagpaliban ang pagkain. Sa katunayan, nawawala ang fluids sa katawan ng taong nilalagnat kaya dapat bigyan siya ng inumin at pagkain

 

Myth 9: Dapat laging agarang pinapagaling ang lagnat.

Fact: Tandaan na ang lagnat ay isa sa mga paraan ng katawan upang mapuksa ang virus, bacteria, o anumang mikrobyo na nakapasok sa iyong katawan. Dapat uminom ng fever treatment kung ito ay nagdudulot ng matinding discomfort. Kung hindi naman, maaari itong hayaang mawala nang kusa.

 

Myth 10: Ang lagnat ay nakakahawa.

Fact: Ang lagnat mismo ay hindi nakakahawa dahil ito ay reaksyon lamang ng iyong katawan upang malabanan ang isang sakit o karamdaman. Ang dapat mong pagtuunan ng pansin ay ang sakit na nagdulot ng lagnat. Kung ang sakit ay nakakahawa, maaari ka ring magkaroon ng lagnat.