Healthy Family Fitness Goals: Para sa Pamilyang Malusog at Masaya

February 17, 2017

Mahalaga na ang bawat miyembro ng pamilya ay may magandang pangangatawan at maayos na kalusugan. Mas mainam na magkakaroon ng wastong family exercises upang makaiwas sa sakit at pinsala sa katawan, sa halip na maghanap ng lunas sa sakit o karamdaman na hindi sinubukang iwasan.

 

Tandaan na ang pagkakaroon ng sakit ay nagdadala ng pasakit sa isang pamilya. Ito ay magastos at nagdudulot ng labis na pag-aalala sa mga kaanak. Sa kagandahang palad, may mga paraan upang maitaguyod ang family health gamit ang mga tamang gawain.

 

Wastong nutrisyon para sa pamilya

 

Mahalaga na may pagpapahalaga ang bawat miyembro ng pamilya sa family health o kalusugan ng bawat isa. Himukin ang mga kapamilya na umiwas sa bisyo gaya ng pag-inom ng alak at paninigarilyo; mag-ehersisyo, at kumain din ng sapat at tama.

 

Para sa mga magulang, ipagluto ang mga anak ng masustansyang pagkain. Ang mga anak naman ay dapat umiwas sa paghiling ng ‘di-masustansyang pagkain gaya ng processed foods at tsitsirya na naglalaman ng trans fats at bad cholesterol. Iwasan din ang pagkain na sobrang alat at sobrang tamis.

 

Masanay sa kaugalian na mabuti sa katawan, gaya ng pagtulog ng maaga at pagkakaroon ng tamang alaga sa katawan o personal hygiene. Makakakuha ng sapat na enerhiya ang katawan ng buong pamilya at makakaiwas sa maraming sakit.

 

Magkaroon ng Family doctor

 

Ugaliing sumangguni sa mapagkakatiwalaang doktor. Marapat na magkaroon ng family doctor para mayroong sapat na medical history na magsisilbing sanggunian upang matukoy ang mga magiging sakit. Ugaliing magpa-check up kada taon para masiguro ang kalagayan ng katawan at mapigilan ang anumang banta sa kalusugan.

 

Sa larangan ng pag-eehersisyo, mapapayuhan kayo ng doktor hinggil sa mga exercise na dapat at maaring gawin ayon sa kondisyon na bawat miyembro ng pamilya.

 

Magkaroon ng family exercises

 

undefined

 

Makakatulong sa family health kung lahat ng miyembro ng pamilya ay nag-eehersisyo at may aktibong pamumuhay. Magandang magkaroon ng family exercises dahil magiging mas masaya ang mga karanasan habang nag-eehersisyo. Maaari itong mag-silbing bonding time at paraan upang makasigurong ginagampanan ng lahat ang kanilang mga nakatakdang ehersisyo.

 

Maraming ehersisyo ang maaari ninyong gawin nang magkakasama gaya ng mga team sports tulad ng basketball, volleyball, at soccer. Kung ayaw niyo ng kompetisyon, maaring tumakbo, magbisikleta, mag-swimming, o magpunta sa gym para sa isang makabuluhang family workout.

 

Gawing ehersisyo ang mga karaniwang gawain

 

Para sa mga busy na pamilya, mahirap mag-ehersisyo nang sabay-sabay dahil sa pagkakaiba ng schedule ng bawat miyembro. Ang solusyon para dito ay pagsingit ng ehersisyo sa mga normal na gawain. Gamitin ang pagkamalikhain ng isip sa mga ito.

 

Tuwing commercial break ng pinapanood na programa sa telebisyon, maaaring gumawa ng mabibilis na ehersisyo gaya ng push-ups at squats. Maaari ring manood ng TV habang gumagawa ng mga yoga pose. Sa paglalaba, huwag gumamit ng washing machine. Kusutin ang lahat ng damit gamit ang kamay. Sa paghuhugas ng pinggan, maaaring sumayaw at gumalaw. Maaari ring pumanhik sa hagdanan nang ilang beses hanggang sa makaramdam ng pwersa sa mga kalamnan.

 

Para sa pet lovers, maaaring ilakad ang aso at samahan ito tumakbo. Nakakatanggal ng taba ang paglalakad at pagtakbo, samantalang napapawi ng aso ang stress at pagod at nakakababa rin ng blood pressure.

 

Makipaglaro sa mga Anak

 

undefined

 

Ang mga bata ay tila hindi nauubusan ng enerhiya kapag naglalaro. Magagamit mo ito sa ikabubuti ng iyong katawan pag sumali ka sa mga linalaro ng iyong mga anak. Ang mga laro gaya ng taguan, habulan, agawan base, habulan, at mga katulad nito ay mga cardio exercise na pinapalakas ang buong katawan. Nakakatulong din ang mga ito sa pagbabawas ng timbang. Iwasan lamang ang labis na harot sa paglalaro upang walang magkasakitan.

 

Bukod sa mga natalakay, marami pang paraan upang maitaguyod ang magandang family health. Ayusin lamang ang inyong mga schedule at alamin ang pangangailangan ng bawat kapamilya sa larangan ng kalusugan. Magdudulot ng mga makabuluhang karanasan ang pagiging healthy at siyang magtutulay sa mas masayang pagsasamahan.

 

Sources: