Art Activities Para sa Pamilya

August 26, 2020

Dahil sa pumutok na pandemya, inabisuhan ang publiko na manatili lamang sa loob ng bahay upang makaiwas sa sakit. Nagsara rin ang mga paraalan, at iba pang mga pampublikong pasyalan kaya siguradong maiinip ang mga bata sa bahay.

Mabuti na lamang ay maraming mga recreational activities upang sila ay malibang kahit nasa loob lang ng tahanan. Higit sa lahat, magagamit din ang oras na ito upang malinang ang kanilang pagiging malikhain sa pamamagitan ng mga art activities for kids at home.

 


Habang pinapalakas ang kanilang resistensiya, palabasin ang creativity ng iyong mga anak kasama ang buong pamilya sa mga indoor recreational activities na ito:


Bumuo ng mosaic pictures

Madaling mabighani ang mga bata sa mga kulay. Madaling magawa simpleng aktibidad na ito dahil hindi marami ang materyales na kakailanganin. Kumuha lamang ng colored na papel, gunting, at pandikit. Maaari rin na gumamit ng mga lumang magazine at gupitin ito sa iba’t-ibang mga hugis. Buuhin ang mga ito ayon sa inyong sariling disenyo. Siguradong malilibang ang mga ito sa pagkabit at pagsasama ng mga materyales.

Maghulma ng dinosaur fossils gamit ang play dough

Napakasimple gawin nito ngunit tiyak na mapapagana nito ang pagiging malikhain ng mga anak. Kumuha lamang ng clay, dinosaur na laruan, at gumawa ng sariling fossil. Kung wala namang laruang dinosaur, maaari rin na gumamit ibang mga laruan o gamit sa bahay na maaaring mapagmukhang fossil ang luwad.

Magpaint gamit ang daliri

Ito ang pinakamadali at pinakasimpleng aktibidad na siguradong kaaaliwan ng pamilya. Kailangan lamang dito ay iba-ibang kulay ng pintura. Magpagandahan ng inyong obra maestro gamit ang inyong mga daliri. Huwag mangamba kung magiging madumi at makalat, dahil tiyak namang mailalabas ng aktibidad na ito ang creativity ng mga anak.


Gumawa ng salt dough na mga ornamento

Gusto niyo ba na bumuo ng craft subalit nangangamba na walang mga materyales na magagamit? Ito ang aktibidad na maaari mong subukan. Ang kailangan lamang para makagawa ng salt dough ay harina, asin at tubig. Maaari rin gumamit ng mga food coloring o  tinta ng bolpen na pangdisenyo rito. Matapos paghaluhaluin, ihulma o gupitin na ito sa kahit anong paraang nais ninyo. Kung handa na, maaari na itong i-bake sa oven.

Gumawa ng sariling sabon

Maraming paraan upang makagawa ng sariling sabon sa bahay. Subalit minsan, kailangan dito ng mga partikular na sangkap o materyales. Gayunman, may mga nabibiling soap-making-kit na handa nang magawa at may mga malinaw na instruksyon kung paano gawin. Siguradong maaaliw ang mga bata sa paggawa nito.

Magpintura ng palayok at taniman ito

Isa ito sa pinakamadali at pinakamasayang gawin kasama ang mga anak. Bukod pa rito, matuturo rin sa kanila ang importansya ng pagtatanim. Tiyak na masisiyahan ang mga ito na mag-alaga ng mga halaman. Upang mag-umpisa, kumuha ng ng maliit na mga palayok na maaaring kulayan o disenyuhan. Huwag kalimutan na lagyan ito ng barnis matapos nila itong pinturahan upang mapreserba ang kanilang mga ginawa. Matapos patuyuin, lagyan na ito ng lupa at ng binhi. Turuan sila ng tamang pagdidilig at pag-aalaga ng halaman, at tiyak na araw-araw nila itong babantayan.

Mag-aral ng origami

Ang origami ay isang crafting technique mula sa bansang Japan. Ito ay pagbuo ng iba-ibang hugis gamit ang pagtutupi ng papel. Maraming iba’t-ibang mga tutorial ng origami sa internet na puwedeng gayahin ng inyong mga anak. Iba-iba rin ang lebel ng kahirapan nito, kung kaya siguraduhin na ang ipagagawa sa kanila ay angkop sa kanilang kakayahan upang sila ay maaliw.

Hindi kinakailangan na kumpleto at marami ang mga materyales para makabuo ng magagandang mga obra maestro ang inyong mga anak. Bilang mga magulang, gabayan sila na linangin ang kanilang pagiging malikhain maski sa simpleng pamamaraan lamang. Samahan din sila sa paggawa ng mga ito at purihin ang kanilang mga nilikha. Tiyak na hindi na sila maiinip sa loob ng tahanan.

 

Source:

https://www.gathered.how/arts-crafts/fun-craft-ideas-for-kids-to-make-at-home/ https://artfulparent.com/top-10-art-activities-for-kids/