Photo from Shutterstock
Hindi maikakaila na mas maraming panahon na nakakasama ng mga anak ang kanilang mga nanay dahil sila ang madalas na nasa bahay, samantalang ang mga tatay naman ang madalas na nasa labas dahil sa responsibilidad na nakaatang sa kanila.
Totoong kinakailangang magtrabaho ng mga tatay para mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya, ngunit hindi dahilan ang trabaho para hindi makapagbigay ng sapat na oras at atensyon para sa pamilya, lalo na sa mga anak. Hindi rin maganda para sa isang ama ang masyadong lulong sa trabaho. Nararapat lamang na magkaroon ng mapaglilibangan upang mabawasan ang stress sa trabaho.
Bakit kaya hindi ito gawin kasama ang mga anak? Narito ang ilang bonding activities sigurdaong maeenjoy gawin ng mga ama kasama ang kanilang mga anak, babae man o lalaki.
Makipaglaro at ituro ang mga larong Pinoy.
Dahil sa kasalukuyang kasikatan ng electronic gadgets at sa dami ng iba’t ibang programa sa telebisyon, siguradong mas madalas na nakaupo o nakahiga na lamang mga bata. At bilang palaging nasa trabaho ang ama,, marahil ay tamad na tamad na rin silang gumalaw-galaw. Ito ang pinakasimpleng paraan para magkasama ang mag-aama at maigalaw-galaw ang mga natutulog na buto. Hindi lamang ito nakakatulong na mabanat ang iyong mga buto at kalamnan, nakakatulong din ito para mas makilala ng mga bata ang mga larong Pilipino.
Ilan sa mga masasayang laro na pwedeng laruin ng mag-aama ang tumbang preso, luksong baka, luksong tinik, sipa at trumpo. Kung ang magkakapatid ay tatlo o higit pa, masaya rin laruin ang bang-sak, tagu-taguan at ice ice water. Ang maganda sa aktibidad na ito, hindi lamang napawisan ang pamilya, may natutunan pa silang mga laro na maaari din nilang ituro sa kanilang mga kaibigan, o sa kanilang mga magiging anak. Tandaan, mainam ang pagpapawis dahil nailalabas nito mga bakas ng toxins o dumi sa katawan.
Magbisikleta kasama ang mga anak.
Photo from Safety Center
Isa sa pinakamainam na ehersisyo ang pagbibisikleta. Ilan sa mga benepisyo nito ay napapalakas nito ang puso, napatatag ang kasu-kasuan at mga buto, nababawasan ang fat levels sa katawan, at napapalakas ang kabuuang resistensiya ng tao. Kung hindi pa marunong magbisikleta ang mga bata, ito ang magandang pagkakataon na maturuan sila. Magandang pagkakataon din ito para magkakawentuhan ang ama at mga anak dahil mas relaxing ito kumpara sa ibang cardiovascular sports.
Mag-jogging kasama ang mga anak.
Katulad ng pagbibisikleta, ang pag-takbo ay nakakatulong mapalakas ng puso, mga buto at kasu-kasuan ng tao. PInagtitibay din nito ang mga paa at binti upang maging ready sa mga hindi inaasahang mahahabang lakaran. Masayang gawin ito lalo na kapag ang pinagtatakbuhan ay isang malinis na parke o kahit saan na mapuno. Hindi kinakailangan ng kahit anong equipent sa ehersisyong ito. Pinakamainam na gawin ito sa umaga para maihanda ang katawan at isipan sa mga susunod pang gawain sa araw na iyon.
Magluto ng masustansiyang pagkain kasama ang anak.
Photo from Shutterstock
Dahil hindi palaging nasa bahay ang tatay, magandang pagkakataon ito para maexplore niya ang kusina at malaman kung hanggang saan siya kayang dalahin ng kanyang cooking skills. Magandang pagkakataon din ito na maituro sa mga anak ang iba’t ibang ingredients na magiging bahagi ng healthy meal na kanilang lulutuin. Sa pamamagitan nito, matututunan ng mga bata na ang masasarap na pagkain pala ay posibleng magawa sa pamamagitan ng healthy ingredients. Kung hindi magaling o hindi talaga marunong magluto, pwede namang mag-eksperimento at sabay matutuong magluto kasama ang mga anak. Ang imprtante lamang sa activity na ito ay makagawa ng malusog na pagkain na pinaghirapan ng mag-aama.
Mag-camping.
Isa ito sa mga pinakamasayang ginagawa ng mag-aama. Hindi na man kinakailangan mamundok o pumunta sa liblib na probinsiya para magawa ito. Maaari din kasi itong gawin kahit sa labas lang ng bahay. Kinakailangan lang naman ng tent at ng ilang camping paraphernalia. Maaaring hindi maintindihan ng mga anak ang kagandahan ng camping sa umpisa, pero maeenjoy din nila ito habang tumatagal. Kinakailangan lamang maghanda ng ilang masasayang activities gaya ng iba’t ibang mga laro at mga kuwento. Kung medyo may edad na ang anak, maaaring ituro ng tatay ang kanyang exercise routines sa camping na ito o ‘di kaya ay ang mga larong Pinoy na natatandaan niya pang laruin. Maganda rin na dito nila ibaon o gawin ang healthy meal na kanilang inimbento o pinag-aralan.
Ilan lamang ito sa mga paraan na maaaring gawin para magkaroon ng healthy bonding with the kids. Marami pang ibang paraan na pwedeng gawin para mas maenjy ang bonding,, kinakailangan lamang na maging creative ng kaunt si tatay.
Sources: