Work From Home Eye Care Tips

September 21, 2020

Ang ating mga mata ay nagtatrabaho ng husto araw-araw, kaya ito ay lubos ding napapagod. Mahalagang alagaan ang mga ito nang mabuti upang maiwasan ang anumang kondisyon o karamdaman na may kaugnayan sa mata tulad ng dry eyes, itchy eyes, at panlalabo ng paningin.

 

Ngayong ang karamihan sa mga tao ay nagtatrabaho sa bahay o may home-based jobs dahil sa pandemya, mainam na magkaroon ng wastong paraan ng pag-aalaga sa ating mga mata. Mahalaga ito upang mapanatili ag malinaw na paningin. Siguraduhin hugasan ang kamay o gumamit ng alcohol upang mapanatili itong malinis bago hawakan ang mata.

Narito ang ilang work from home tips at ehersisyo upang maalagaan ang mga mata:

Ehersisyo Para sa Mata

May mga routine na maaaring gawin anumang oras at kahit saan upang ma-relax ang mga mata. Maglaan lamang ng ilang minuto at gawin ang mga sumusunod na ehersisyo:

  1. Eye Socket Massage

Ang banayad na masahe ay nakatutulong upang ma-relax ang mga mata.  Gamit ang hinlalaki, i-massage ang ilalim na bahagi ng kilay (mula sa itaas na bahagi ng ilong patungo sa dulo ng eyelid – sa paikot na direksyon).

 

  1. Four-Direction Exercise

Umupo nang kumportable at hawakan ang iyong ulo nang tuwid. Tumingin sa malayo, sa loob ng 2 o 3 segundo, pagkatapos ay tumingin sa apat na direksyon: taas, baba, kanan, at kaliwa. Ulitin ito ng 3 beses na mata lamang ang gumagalaw at hindi ang ulo.

 

  1. Palming

Umupo nang maayos, pumikit, at ilagay ang palad sa iyong mga mata. Siguraduhing walang nakikitang liwanag. Huminga nang mabagal sa loob ng dalawa o tatlong minuto. Pagkatapos nito ay dahan-dahang alisin ang mga kamay at buksan muli ang mga mata.

 

  1. Eye Relaxation Exercise

Umupo nang tuwid. Sa harap ng ilong, ibuka ang isang kamay na nakaturo ang hinlalaki pataas. Pumili ng limang bagay: ang dulo ng ilong, ang nakabukang kamay, ang hinlalaki, at dalawa pang bagay sa loob ng kwarto na nasa medyo malayo.

 

Titigan ang bawat bagay ng paulit ulit sa loob ng ilang sandal habang humihinga.  Sa huli, gamitin ang parehong mata at hayaang lumihis ang tingin sa dulo ng ilong, kamay, hintuturo, at dalawa pang bagay.

 

  1. Accomodation Exercise

Ilagay ang kanang hintuturo sa tapat ng mata na may layong katumbas ng kalahati ng braso. Sa likod nito, ilagay ang kaliwang hintuturo na may may layong 15 sentimetro. Paglipat lipatin ang tingin sa bawat hintuturo nang hindi gumagalaw ang katawan. Gawin ito sa loob ng isang minuto.

 

  1. Butterfly Exercise (Upang Maiwasan ang Dry Eyes)

Humarap sa unahan habang nakatuwid ang ulo at i-relax ang face muscles at ang lower jaw. Pagkatapos, buksan at isara ang mga talukap ng mata nang 20 beses. Igalaw ang mga talukap nang marahan at banayad, katulad ng pakpak ng paru-paro, habang pinananatiling relax ang mga muscles sa buong oras na ginagawa ito.

 

Ang mga ehersisyong ito ay mabisa upang mapanatiling malusog ang ating mga mata. Mainam na samahan ito ng wastong nutrisyon at regular na pagkonsulta sa doktor upang makasigurong magkakaroon ng malinaw na paningin hanggang sa pagtanda. Kung ang iyong trabaho ay may kaugnayan sa paggamit ng computer, makabubuting kumunsulta sa isang optometrist upang maresetahan ng tamang eyeglass frames na magpoprotekta sa iyong mata laban sa radiation at glare na nagiging sanhi ng maagang paglabo ng paningin.