Tamang Pag-Alaga sa Mata

August 17, 2018

Ang malinaw na paningin o perfect vision ay isang biyaya ng mabuting kalusugan. Ngunit madalas ay hindi natin ito binibigyang-pansin, maliban na lang kapag siya ay nawala na sa atin. Dahil ang Agosto ay Sight Saving Month, alamin natin ang mga iba’t ibang paraan upang maalagaang mabuti ang ating mga mata.

 

Karamihan sa atin ay makakaranas ng pagkalabo ng mata pagdating ng 40 years old pataas. Ang tawag dito ay presbyopia, o ang pagkawala ng ating focusing ability dahil sa pagtigas ng lens sa loob ng mata. Ito ay isang natural na bahagi ng pagtanda ng isang tao.

 

Ngunit kahit kasama ito sa aging process, hindi ibig sabihin ay pababayaan na lang natin ang ating eye health. Kapag hindi natin inalagaan ang ating mga mata habang ine-enjoy pa natin ang ating 20/20 vision, maaaring mapaaga ang paglabo nito. Ang poor eye care ay maaari ring magdulot ng iba’t ibang sakit sa mata, katulad ng glaucoma, cataract, at pati na ang pagkabulag. Walang pinipiling edad ang mga eye disease na ito.

 

Huwag nang hintaying humina ang ating paningin. Perfect vision man o hindi, umiwas sa problema sa pamamagitan nitong mga simpleng eye care tips:

 

Simple Eye Care Tips

 

  1. Kumain ng pagkaing mayaman sa bitamina

 

Ang Vitamin A ay importante sa kalusugan ng mata. Hindi sapat ang kumain lang ng masaganang pagkain. Dapat alamin natin kung anu-ano ang mga pagkain na mayaman sa Vitamin A. Kasama rito ang dark green leafy vegetables na katulad ng spinach, malunggay, kangkong, saluyot, at pechay; ang dilaw at makulay na vegetables gaya ng kalabasa, carrot, kamote, at kamatis; at mga seafood katulad ng isda, tulya, at tahong.

 

Isama rin dapat sa inyong regular diet ang mga pagkaing mayaman sa Vitamin C, katulad ng orange, calamansi, at iba pang citrus fruits, at ang may omega-3 fatty acids na mahahanap sa mga oily na isda katulad ng tuna, salmon, at mackerel.

 

  1. Panatilihin ang tamang timbang

 

Katuwang ng healthy diet na mayaman sa bitamina ay ang pag-maintain ng tamang timbang para sa ating height at laki. Ang pagiging sobrang mataba o obese ay maaaring maging sanhi ng diabetes na kung saan ay pwedeng magka-glaucoma, diabetic eye disease, o pagkabulag. Bukod sa tamang pag-kain, ang active lifestyle at regular exercise ay kasama rin sa pagpapanatili ng magandang eye health.

 

  1. Huwag tumingin sa computer screen nang matagal

 

Ang matagal na pagtitig sa computer screen ay nagdudulot ng eye strain. Napapagod din ang ating mga mata sa matagal na exposure sa ilaw ng screen. Kapag nakakaranas na tayo ng dry eyes o blurred vision habang gumagamit ng computer, dapat ay tumigil muna tayo ng sandali. Ipikit ang mga mata ng ilang minuto. Hayaang makapahinga ang inyong mga mata. Ilayo ang tingin sa screen ng mga 20 minutes tuwing pahinga. Gumamit ng anti-glare screen kung kailangan.

 

Kung ang paggamit ng computer ay kasama sa inyong araw-araw na trabaho, ugaliing mag-take ng break paminsan-minsan. Huwag pumarada sa harap ng screen at tumitig dito buong araw. Tumayo sa upuan at maglakad-lakad muna sa ibang lugar bago bumalik sa pwesto. Mag-stretch ng mga binti at braso. Bukod sa ikabubuti ito ng inyong mga mata, mainam din ito para sa ating spine, circulatory system, at muscles.

 

Para sa mga magulang: Huwag hayaan ang inyong mga anak na magbabad sa harap ng computer o gadgets maghapon. Hindi ito nakabubuti sa mga mata at buong kalusugan ng mga bata. Bigyan sila ng limit sa oras na pwede silang humarap sa computer o maglaro ng video games.

 

undefined

Image by Pexels

 

 

  1. Huwag pahirapan ang mga mata

 

Inaabuso na natin ang ating mga mata kapag tayo ay nagbabasa sa dilim o low light, o sa umaandar na sasakyan. Katulad ng sa computer screen, iwasan ang dire-diretsong paggawa nito. Madalas nating ipahinga ang ating mga mata.

 

  1. Tumigil sa paninigarilyo

 

Ang paninigarilyo ay maraming dulot na panganib sa katawan. Bukod sa sakit sa baga at puso, ito ay nakakaapekto rin sa ating blood circulation. Kapag ito’y apektado, humihina ang daloy ng dugo sa buong katawan, pati na rin sa mga mata. Tumataas ang risk ng eye damage kapag tayo ay naninigarilyo, at maaaring maging sanhi ng cataracts at macular degeneration, na siyang leading cause ng panlalabo at pagkabulag ng mata.

 

 

  1. Iwasan ang mga traditional remedies sa mata

 

Maselan ang ating mga mata, kaya ang paggamit ng mga makaluma o traditional na remedies para sa mata ay hindi nirerekomenda ng mga doktor. Isa rito ay ang paglagay ng herbal extracts at ihi sa loob ng mata kapag ito ay may infection. Ang ihi ay maaring may bacteria na sanhi ng gonorrhea, habang ang herbal extracts naman ay maaring may fungi na lalong makakasama sa kalagayan ng mata.

 

  1. Magsuot ng sunglasses

 

Mula sa pagkabata, sinasabihan na tayo na huwag tumingin ng diretso sa araw. Ang sobrang lakas ng liwanag nito ay hindi ito kaya ng ating mga mata; nakakasunog din ito ng retina.

 

Kahit hindi tayo nakatingin sa araw, ang matagal na exposure ng mata sa liwanag ng araw at maaaring sanhi rin ng damage at eye problems katulad ng cataract na kailangan ng surgery. Para makaiwas dito, magsuot ng UV (ultraviolet)-protected sunglasses tuwing lalabas sa matinding liwanag ng araw. Hindi ka lang protektado, maporma ka pa!

 

undefined

Image by Pixabay

 

  1. Magkaroon ng regular na eye exam

 

Bata man o matanda, may sakit man sa mata o wala, ang lahat ay dapat magpatingin sa eye doctor. Ang diseases ng mata ay pwedeng magsimula ng kahit anong edad at mas maganda kung magpapa-check up ng isa o dalawang beses sa isang taon. Katulad ng ibang sakit, mas madaling i-treat ang eye diseases kapag naagapan ng maaga. Ang glaucoma, halimbawa, ay maaaring walang sintomas. Isang eye exam lamang ang makaka-detect sa kanya.

 

Ano ang ginagawa sa isang eye exam?

 

  • Maaaring magtanong ang doktor tungkol sa inyong family history, lalo na kung may ibang miyembro ng pamilya na may problema sa mata;
  • Mayroon ding dilated eye exam, kung saan ida-dilate ang mata sa pamamagitan ng eye drops upang pumasok ang ilaw at mas makita ang optic nerve, retina, hanggang sa likod ng mata; at
  • Vision test, para makita ng doktor kung ikaw ay may astigmatism, presbyopia, o kung ikaw ay nearsighted o farsighted.

 

Dalawang uri ng doktor ang pwedeng tumingin sa ating mata, depende sa pangangailangan. Ang ophthalmologist ang kinokonsulta para sa overall eye care. Siya ang gumagawa ng comprehensive eye exam, nagrerekomenda ng treatment, at nagpe-perform ng eye surgery. Ang optometrist naman ay hindi medical doctor, kundi health professional na nagsasagawa ng basic eye exam at vision test, at nag pe-prescribe ng salamin o corrective lenses to improve eyesight.

 

Dahil maselan ang ating mga mata, hindi dapat ito inaabuso o pinababayaan. Habang buhay natin kakailanganin ito. Karamihan ng sakit sa mata ay irreversible o hindi naibabalik sa dating kalusugan. Kaya’t habang maayos pa ang ating paningin, sundin na ang mga simpleng eye care tips na ito para sa mabuti at matagal na kalusugan ng ating mga mata.

 

 

Sources:

 

https://www.webmd.com/eye-health/good-eyesight#1

https://www.allaboutvision.com/over60/vision-changes.htm

https://nei.nih.gov/healthyeyes/eyehealthtips

https://www.livestrong.com/article/468566-what-foods-should-you-eat-to-make-your-vision-better/

http://www.pchrd.dost.gov.ph/index.php/2012-05-23-07-46-36/2012-05-24-00-03-06/1465-early-detection-of-anaphylaxis-with-immunocap

http://www.fnri.dost.gov.ph/index.php/publications/writers-pool-corner/57-food-and-nutrition/213-bitamina-a-pampalinaw-ng-mata-panlaban-sa-impeksiyon-pa

https://visionmd.org/2012/09/10/urine-and-other-things-you-shouldnt-put-into-your-eye/

https://www.scientificamerican.com/article/science-says-why-we-cant-look-at-the-sun/

https://aapos.org/terms/conditions/132

https://www.brightfocus.org/glaucoma/article/dilated-eye-exam-why-its-so-important