Pagkabulag: Paano Ito Maiiwasan?

October 29, 2018

Noong 2017, nasa mahigit dalawang milyong Pilipino ang bulag o ‘di kaya naman ay mayroong eyesight problems ayon sa Department of Health. Bukod sa poor vision care o kapabayaan sa tamang pag-aalaga sa mata dahil sa lifestyle at diet, may mga health conditions din na nagdadala ng maagang pagkabulag.

 

Taun-taong ipinagdiriwang ng World Health Organization ang World Sight Day na nagsusulong ng pagbibigay ng atensyon at i-engage ang mga kapamilya ng bulag, mga indibidwal na hindi regular na sumasailalim sa eye check-up at exam, at maging ang mga diabetic. Ngayong 2018, ang layunin ay Eye Care Everywhere – ang pag-expose sa lahat ng mga mamamayan sa mga datos tungkol sa pagkabulag, pati na rin plano ng bansa sa pagpuksa sa vision loss.

 

Ano nga ba ang pagkabulag?

 

Ang blindness o vision loss ay ang kawalan ng abilidad na makakita ng kahit ano, maging liwanag. Complete blindness ang tawag sa kondisyong ito. Para sa kondisyong partial blindness naman, ito ang pagkabulag na limitado lamang ang nakikita. Maaaring malabo ang paningin o nahihirapan sa pagtukoy ng hugis ng mga gabay. Kasama na rin dito ang tila maulap na vision, mala-aninong mga hugis lamang ang nakikita, poor night vision, at tunnel vision.

 

Mayroon ding tinatawag na legal blindness, o ang pagiging labis na apektado ng paningin kumpara sa taong may maayos na eyesight. Halimbawa, ang taong may healthy na paningin ay kayang makakita hanggang 200 feet papalayo sa kanya. Ang legally blind na tao naman ay nakakakita lamang hanggang 20 feet.

 

Anu-ano ang mga posibleng maging sanhi ng vision loss at iba pang eyesight problems?

 

  1. Glaucoma

 

Ang glaucoma ay isang eye disease na nakakasira ng optic nerve na nagsu-supply ng visual information mula sa mga mata papuntang brain. Kadalasan, resulta ito ng abnormal na taas ng level ng pressure sa loob ng mata. Pag nagtagal, ang pressure na ito ang nakakasira sa optic nerve tissue, sanhi para sa vision loss o pagkabulag. Kapag naagapan, maaaring maiwasan ang malalang kawalan ng paningin.

 

  1. Cataracts

 

Ang katarata ay isang tila maulap na area na namumuo sa lens ng mata. Nagsisimula ito kapag ang protein sa mata ay nagpapatong-patong, dahilan para hindi makapagpadala ng malilinaw na images ang lens sa retina – ang parte ng mata na nagpapadala ng signal sa optic nerve. Ito ang nangungunang kondisyon na nagsasanhi ng pagkabulag sa buong mundo sunod sa glaucoma.

 

  1. Diabetic Retinopathy

 

Ito naman ay isang kondisyon na resulta ng pagkasira ng blood vessels ng retina ng mga taong may diabetes. Ito ay maaaring ma-develop ng mga pasyenteng may type 1 o 2 diebetes at may mahabang history ng hindi makontrol na pagtaas ng blood sugar levels. Bagama’t nagsisimula lamang ito sa pagkakaroon ng minor eyesight problems, kapag hindi naagapan, mauuwi ito sa pagkabulag.

 

  1. Eye Emergencies

 

undefined

Photo from Pixabay

 

Matatawag na eye emergency ang isang pangyayari kung may nakapasok na foreign object o kemikal sa loob ng mata, o kaya naman ay kapag nagtamo ng injury na nakaapekto sa eye area. Kadalasan itong sinasamahan ng pamamaga, pamumula, at labis na pananakit ng mga mata. Kapag hindi agad na-treat ang ganitong mga kaso, bagama’t minor lang ang injury ay maaari itong humantong sa pansamantalang vision loss.

 

  1. Head Injury

 

Kapag mayroong malubhang pinsala sa ulo, maaari nitong maapektuhan ang paningin dahil sa mga ugat na nakakonekta sa brain papunta sa mga mata. Ang malulubhang kaso ng pagkabagok ng ulo ay nagdadala ng kawalan ng abilidad ng mga mata na mag-focus sa isang bagay at abnormal na paggalaw ng mga ito.

 

Paano makakaiwas sa mga nasabing kondisyon at pangyayari?

 

Gaya ng sa kahit anong usaping pangkalusugan, importante ang tamang nutrisyon at sapat na pahinga sa pagkakaroon ng healthy eyes. Narito pa ang ilan sa mga specific na paraan na pwedeng gawin araw-araw para hindi kumaharap sa eyesight problems:

 

  1. Kumain ng masusustansyang pagkain.

 

Ayon sa mga eye specialists o opthalmologists, ang healthy diet ang pinakamabisang paraan para maiwasan ang mga problema sa paningin. Samahan ng green leafy vegetables ang inyong diet para sa sapat na dami ng lutein, o ang nutrient na naninigurong mababa ang inyong risk sa eye diseases. Magdagdag din ng mga pagkaing mayaman sa Vitamin A gaya ng carrots at sweet potatoes para sa good overall eye health. Nalalabanan naman ng Vitamin C  at antioxidants mula sa mga prutas gaya ng oranges, mangoes, at strawberries ang mga eye disease. Ang omega 3 fatty acids naman ng mga isda gaya ng tuna at sardinas ay mainam para sa tear production, na nagre-relieve ng dryness ng mata.

 

Sa pagkain din ng healthy food, maiiwasan ang mga sakit na nagsasanhi ng pagkabulag gaya ng diabetes, glaucoma, at sakit sa puso na nagdadala ng stroke – ito ay isa ring dahilan para magkaroon ng vision loss.

 

  1. Ipahinga ang mga mata at protektahan ang mga ito.

 

undefined

Photo from Pixabay

 

Ang paggamit ng computer o gadgets sa loob ng mahahabang oras ay isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng dry eyes. Dahil sa pagtitig sa screens, nagkakaroon ng malu-luhang mga mata dahiil sa pag-breakdown ng mucuous layers ng mga mata na pumipigil sa pag-evaporate ng mga luha – dahilan para balansehin ng mga mata ang kakulangan sa pagpo-produce ng tubig. Kada 20 minutes, tumingin ng may 20 feet palayo sa screen sa loob ng 20 seconds para maipahinga ang mga mata.

 

  1. Itigil ang paninigarilyo at exposure sa polusyon.

 

Ang usok mula sa sigarilyo at maging sa polusyon ay pumapasok sa bloodstream at nakakasira sa cells ng mata. Napapataas ng paninigarilyo ang risk ng pagkakaroon ng katarata. Ugaliing magsuot ng sunglasses kung lalabas at itigil ang bisyo nang sa gayon ay makaiwas sa masasamang epekto ng mga ito sa overall health.

 

  1. Mag-schedule ng regular eye check-ups at exams.

 

Mahirap tukuyin kung may problema na ba sa paningin kung hindi sasailalim sa mga eye check-up. Paraan din ito para maiwasan ang paglala ng eyesight problems na maaaring mayroon. Siguraduhing kumonsulta sa ophthalmologist at least isang beses sa isang taon lalo na kung may family history ng eye diseases.

 

Mahalaga ang role ng mga mata sa pang araw-araw na buhay. Gaya ng anumang parte ng katawan, laging bantayan ang kalusugan nito at hiuwag abusuhin ang ngayon ay tila maayos na function at kondisyon nito.

 

 

Sources:

 

https://www.iapb.org/advocacy/world-sight-day/world-sight-day-2018/

https://www.everydayhealth.com/news/10-essential-facts-about-your-eyes/

https://www.philstar.com/headlines/2017/08/06/1726085/over-2-million-pinoys-blind-sight-impaired

https://www.healthline.com/health/glaucoma

https://www.healthline.com/health/cataract#causes

https://www.healthline.com/health/type-2-diabetes/retinopathy

https://www.healthline.com/health/eye-emergencies

https://www.healthline.com/health/head-injury#symptoms