Mga Karaniwang Impeksyon sa Mata

September 21, 2020

Ang mga mata ay may malaking tungkuling ginagampanan sa ating katawan. Karamihan sa atin ay ipinanganak na may malusog na mga mata, subalit sa iba’t ibang kadahilanan ay maaari tayong magkaroon ng problema sa ating paningin.

Ang pagkakaroon ng sakit o impeksyon sa mata ang isa sa mga dahilan ng paglabo o pagkawala ng paningin ng isang tao. Mayroon ding mga nakararanas ng iba pang kondisyon tulad ng dry eyes at itchy eyes.

 

Narito ang mga karaniwang dahilan ng pagkasira ng mata na maaaring maging sanhi ng pagkabulag:

 

  1. Strabismus

Ang Strabismus ay isang kondisyon na kung saan ay hindi pantay ang posisyon ng mga mata kapag tumitingin sa isang bagay. Nagiging dahilan ito upang maduling o maging banlag ang isang tao. Ang kawalan ng koordinasyon sa parehong mata ang nagiging sanhi ng sakit na ito, dahilan upang sa magkaibang direksyon tumingin ang mga mata at hindi magkaroon ng pokus sa isang bagay lamang.

 

Kapag ang parehong mata ay hindi magawang tumingin nang sabay sa isang bagay, maaaring mabawasan o mawala ang “depth perception” ng isang mata na magiging dahilan upang tuluyan na itong hindi makakita.

 

  1. Amblyopia

Ang kondisyong ito ay kilala sa tawag na “Lazy Eye” na karaniwang sanhi ng kapansanan sa paningin ng mga bata.

 

Ang Amblyopia ay ang kalagayan kung saan humihina ang paningin ng isang mata dahil ang mga mata at utak ay hindi nagtutulungan. Kung titingnan, normal lamang ang mga mata ngunit hindi ito nagagamit nang maayos dahil isa lamang ang pinapaboran ng utak. Ang strabismus, pagiging farsighted o nearsighted, at pagkakaroon ng katarata ay mga kondisyong nagiging sanhi ng pagkakaroon ng Amblyopia.

 

  1. Refractive Error

Ito ang madalas na problema sa mata na nararanasan sa Estados Unidos, Pilipinas, at iba pang mga bansa. 

 

Ang mga halimbawa ng refractive errors ay ang mga sumusunod;

  • Myopia o nearsightedness,
  • Hyperopia o farsightedness,
  • Astigmatism o panlalabo ng paningin; at
  • Presbyopia o ang kawalan ng kakayahang makakita nang malapitan. Karaniwang nakararanas nito ang mga nasa edad 40-50 taon. Maaari itong maitama sa pamamagitan ng paggamit ng salamin sa mata, contact lens, o sa pamamagitan ng operasyon.

 

  1. Glaucoma

Ang Glaucoma ay isang kondisyon na sumisira sa optic nerves ng mga mata na nagiging dahilan ng paglabo ng paningin o tuluyang pagkabulag. Nangyayari ito kapag tumataas ang presyon ng normal na likido sa loob ng mata.

 

Dalawang Uri ng Glaucoma

1.Open angle - Ito ang pinakatalamak na uri ng glaucoma. Tinatawag itong “sneak thief of sight” dahil sa pagiging normal ng mga mata kahit hindi maayos ang daloy ng likido nito.

 2.Closed angle – Lumalabas kaagad ang sintomas ng kondisyong ito. Dahil sa sakit na nararamdaman, agad itong nabibigyan ng lunas bago pa man makapagdulot ng pinsala.

  1. Cataract o Katarata

Ang katarata ang pangunahing dahilan ng pagkabulag sa buong mundo. Ito ang panlalabo ng lente ng mga mata. Lahat ay maaaring magkaroon nito kahit ang mga bagong panganak pa lamang na sanggol. Madalas ay hindi agad ito nalulunasan dahil sa kakulangan sa kaalaman o impormasyon, kawalan ng pantustos, at  malaking gastos sa pagpapagamot.

  1. Diabetic Retinopathy

Ang kondisyong ito ay karaniwang komplikasyon ng sakit na diabetes. Pinipinsala nito ang blood vessels ng retina, ang tissue sa likod ng mata na sensitibo sa liwanag na kailangan upang magkaroon ng malinaw na paningin. Naaapektuhan ng Diabetic Retinopathy ang parehong  mata ng pasyente.

 

Ang panganib na dala ng DR ay maiiwasan sa pamamagitan ng pagkontrol ng blood sugar, blood pressure, at abnormalid ng lipids. Ang agarang paglapat ng lunas sa sakit na ito ay makatutulong upang maiwasan ang pagkawala ng paningin.

 

  1. Age-Related Macular Degeneration

Ang Macular Degeneration ay kadalasang tinatawag na age-ralated macular degeneration (AMD). Ito ay isang kondisyon sa mata na may kaugnayan sa pagtanda at pagkasira ng sharp at central vision.

 

Ang central vision ay kailangan sa pang araw-araw na gawain tulad ng pagbabasa at pagmamaneho. Naaapektuhan ng AMD ang macula, ang gitnang bahagi ng retina na ginagamit upang makita nang maayos ang mga maliliit na detalye.

Ang wastong pag-aalaga ay mahalaga upang maiwasan ang mga karamdaman sa mata na maaaring magdulot ng paglabo o pagkawala ng paningin. Ugaliing uminom ng mga supplements na nakakapagpalakas ng resistensiya. Mainam din na palagiang kumonsulta sa doktor lalo na kung nakararanas o nakararamdam ng mga sintomas ng eye problems.

 

reference:

https://paojournal.com/wp-content/uploads/2019/06/Vol30-No3.pdf https://www.cdc.gov/visionhealth/basics/ced/index.html