Photo from Open Access BPO
Ang pagtatrabaho ay parte ng araw-araw na pamumuhay ng isang tao. May mga taong on-the-dot kung pumasok at umalis ng trabaho, at may mga tao namang talagang lampasan ang dedikasyon sa kanilang ginagawa. Hindi naman masamang mag-overtime paminsan-minsan, ngunit mayroon talagang ibang tao na halos inaaraw araw na ang pag-oovertime.
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga taong nagtatrabaho ng 55 oras sa isang linggo ay mas prone na magkaroon ng heart disease kumpara sa mga taong nagtatrabaho lamang ng 40 oras sa isang linggo. Nalaman din ng mga researcher na ang klase at dami ng workload ay karaniwang nakakaapekto sa ugali at habit ng mga empleyado.
Photo from Hardware Zone
Ibahin ng kaunti ang sistema at subukan ang mabilisang workout na ito para mapanatiling aktibo ang katawan kahit nasa bingit ng madaming deadline.
Step Aerobics - 60 sec
Mabababang upuan o hagdanan lang ang kinalailangang gamit sa exercise na ito. Simple lang ang exercise na ito dahil paghakbang lamang pataas at pababa ang kailangang gawin. Importante lamang na imaintain ang mabilis na pacing para pagpawisan at magamit ng husto ang mga muscles sa binti, hita at balakang. Isa itong cardio exercise na hindi kasing intense at time consuming ng pagtakbo, pagbibisikleta o pag-langoy.
Jumping Jack - 30 sec.
Maraming nag-aakala na ang jumping jack ay pang-warm up lamang. Maaari din itong maging parte ng totoong workout routine dahil isa rin itong cardio exercise. Ang kagandahan nito ay hindi lamang mga binti ang nababanat, kung hindi pati na rin ang gitnang parte ng katawan at mga balikat.
Push-ups - 90 sec.
Sa workout na ito, tatlong klase ng push up ang kinakailangang gawin ng mga workaholic para naman may kaunting challenge.
- Desk Push-Up. Tumayo ng medyo malayo sa desk o mesa at ilagay ang dalawang kamay ibabaw nito. Itingkayad ng kaunti ang mga paa at itulak papalayo ang katawan sa mesa. Siguraduhing deretso ang likod at batok habang ginagawa ito upang mas maramdaaman ang epekto ng ehersisyo.
- Standard Push-Up. Dumapa at ilapat ang mga palad sa sahig. Itingkayad ng kaunti ang mga paa at itulak papalayo ang katawan sa sahig.
- Diamond Push-Up. Gawin ang posisyon ng standard push-up pero sa pagkakataong ito, pagsamahin ang mga kamay at gumawa ng diamond shape katapat ng dibdib. Itingkayad ng kaunti ang mga paa at itulak papalayo ang katawan sa sahig. Mainam na ehersisyo ito para sa mga gustong mapalaki at mapatibay ang kanilang dibdib at braso.
Crunches - 30 sec.
Ang matagalang pag-upo ay isa sa mga kilalang sanhi ng pag-laki ng tiyan. Iwasan ito sa pamamagitan ng crunches. Ang crunches ay katulad ng sit-ups dahil pareho silang nagpapatibay ng abdomen, pero mas madali ang crunches dahil kalahating version lang ito ng sit-ups. Ibig sabihin, hindi kinakailangang talagang makabangon at makaupo gaya ng sit-ups. Ang mahalaga ay maexercise ang abdominal area o ang bahagi ng tiyan.
Squats - 30 sec.
Ang exercise na ito ay pwedeng pwedeng gawin kahit saanman. Dahil isa ito sa pinakamadaling exercise sa buong routine, mainam na gawin ito ng may kaunting challenge.
Punuin and dalawang isang litrong bote ng buhangin, hawakan ang mga ito sa magkabilang kamay at saka gawin ang squats. Ang squats ay mainam na ehersisyo upang magising ang mga muscles sa may balakang at hita.
Kung susundin ang mga nakalaang oras ng ehersisyo, makakabuo na ito ng isang four-minute workout. Mas mabuti kung madodoble ang pag-gawa ng routine na ito para mas pagpawisan ang katawan. Makakatulong din ito para mapagaan ang mood at mabawasan ang mataas na stress level na nararanasan tuwing madaming trabaho.
Paalala, kaakibat ng pag-eehersisyo ang tamang pagkain at sapat na tulog. Importante din ang dalawang ito upang maiwasan ang fatigue at mapanatiling malusog ang pangangatawan.
Sources: