Photo courtesy of picography.co via Pexel
Ang regular na pag-eehersisyo ay makatutulong upang makaiwas tayo sa iba’t ibang uri ng sakit tulad ng diabetes, cardiovascular diseases o ang mga sakit sa puso, at chronic respiratory diseases o mga sakit sa baga.
Maaari rin itong maging isang stress reliever na makapagdudulot ng pagkakaroon natin positibong disposisyon sa buhay. Bukod sa nakadadagdag ito ng ating self-confidence, nakapagbibigay din ito sa atin ng isang malusog at physically fit na pangangatawan.
Paglalakad o Pagtakbo
Bukod sa malaking tulong ang paglalakad sa may high blood pressure, nagagawa rin nitong maitaas ang level ng good cholesterol. Maglaan ng 30 minuto para sa gawaing ito araw-araw. Kung wala ka namang oras para pagtuunan ito ng pansin, subukang maghagdan sa halip na escalator, o maglakad sa halip na sumakay kung hindi naman kalayuan ang iyong opisina.
Pagtakbo o Pag-jogging
Maraming benepisyong dulot ang pagtakbo o pag-jogging sa umaga, isa na rito ang mas maliit na posibilidad ng pagkakaroon ng kanser. Habang tumatakbo, maayos na naikakalat ang oxygen sa ating katawan na siyang nagpapabagal ng pagkalat ng cancer cells.
Kung wala kang oras upang mag jogging sa labas, maaari rin namang subukan ang pag jo- jogging in place habang nanonood ng tv o nakikinig ng kanta.
Jumping Jack
Malimit gawin ang jumping jack sa pag-eehersisyo, lalo na sa mga warm-up exercises. Tulad ng push up, nakatutulong ito sa ating puso at nakababawas din ng timbang. Ang paghinga ng malalim habang tumatalon ay nagdudulot sa oxygen upang dumaloy ng maayos sa ating bloodstream at sa ating mga muscles.
Photo courtesy of brenkee via Pixabay
Meditation
Bagamat hindi nito ginagamit ang pisikal na lakas, ang meditation ay ang pag eehersisyo gamit ang ating isipan. Nakatatanggal ito ng stress at naghahatid ito ng positibong pakiramdam. Nakapagdudulot ito ng maayos na konsentrasyon at kapayapaan ng isip.
Push up
Ang simpleng exercise tulad ng push up ay makakatulong upang mapalakas ang mga kalamnan sa braso, balikat, at dibdib. Mabisa ito bilang isang cardiovascular exercise na sumusuporta sa kalusugan ng ating puso at nakababawas ng body fat.
Planking
Halos magkatulad ang posisyon ng push up at planking, magkakaiba lamang sa hakbang kung paano ito gagawin. Sa halip na ibaluktot ang braso at ibaba ang katawan, gawin ang push up position ng naka-extend ang iyong braso. I-hold ang posisyon sa loob ng tatlumpung segundo at unti-unting magdagdag ng 10 second bawat araw depende sa kaya mong gawin.
Squats
Mabisa ang squats sa pagpapatibay ng ating hita, binti, at balakang. Isa rin ito sa mga pangunahing ehersisyo na nagbibigay sa atin ng isang magandang body figure dahil tumutulong itong bigyang hugis ang ating katawan at pagbabawas ng taba.
Photo courtesy of Keifit via Pixabay
Lunges
Upang magawa ang lunges, ihakbang ng malaki ang isang binti habang nag le-lean paharap. Isa itong uri ng simpleng pag-eehersisyo na kung maaari mong gawin kahit saan. Makatutulong ang lunges upang ma-tone at ma-shape ang iyong mga binti.
Crunches at Sit up
Kung nais mong magkaroon ng malakas na abdominal muscles, crunches ang mabisang ehersisyo para sa iyo.
Kung sa sit-up ay inaangat ang ulo at balikat papunta sa tiyan, hindi naman inaangat ang baba ng likod o lower back sa crunches. Sinasabing epektibo ito sa pagpapaliit ng tiyan dahil nagiging sanhi ito ng pagkakaroon ng abs, mababatak ang mga taba at hindi lololobo ang taba sa iyong tiyan.
Bicep Curls
Ang pagsasagawa ng bicep curls ay makatutulong upang palakasin ang ating kalamnan sa braso o biceps. Isa itong simpleng ehersisyo na maaari mong gawin habang nasa bahay at nanonood ng telebisyon.
Ang mga ehersisyong ito ay maaaring gawin sa umaga o kaya sa gabi, depende sa iyong ninanais. Mas makabubuting gawing regular ang pag-eehersisyo dahil sa magandang dulot nito sa ating kalusugan at sa ating pangangatawan.
Tandaan na ilan lang ang mga ito sa mga exercises na pwede mong gawin sa araw-araw. Ang paboritong sport na malimit mong ginagawa o ang simpleng gawaing bahay na nakasanayan mo ng gawin ay maituturing din na exercise. Huwag ding kalimutan na maghinay-hinay sa pag-eehersisyo sapagkat maaaring makasama ito sa ating katawan kapag nasobrahan.