Mga Kabutihang Dulot ng Stretching

August 26, 2020

Hindi alam ng nakararami na maraming dalang benepisyo ang regular na stretching. Nakakatulong itong ma-develop ang flexibility, na isa sa limang pangunahing aspeto ng fitness. Kaya naman karaniwang may stretching before workout, exercise, o anumang pisikal na gawain.

Bukod diyan, ang basic stretching ay nakakapagpabuti rin ng posture at nakakabawas ng stress at pananakit ng katawan. Marami pang ibang magandang epekto ang stretching sa ating katawan. Narito ang ilan sa kanila:

Nakakabawas ng paninigas ng muscles

Ang stretching exercises ay nakakatulong upang maiwasan ang muscle stiffness. Dahil dito may kakayahan ang katawan na kumilos nang mas maayos. Ito ang dahilan kung bakit karamihan sa mga  exercises at physical activities ay nagsisimula sa stretching o warm up. Kumbaga, inihahanda nito ang mga muscles at ang iba pang bahagi ng katawan para sa gagawin nito. Kaugnay nito, nababawasan din ang pag-degenerate ng mga kasu-kasuan o joints.

Nakakabawas ng risk ng injury

Dahil nga nadadagdagan ang flexibility ng iyong mga muscle groups kapag ikaw ay nagstretching, mas maliit din ang tyansa na ma-injure ang mga ito. Dahil mas malawak din ang range ng galaw, mababawasan ang resistance ng katawan tuwing kumukilos.

Nakakagaling sa mga sumasakit na parte ng katawan

Karaniwang nakakaranas ng pananakit sa ilang bahagi ng katawan pagkatapos ng exercise o workout. Nakakatulong din ang stretching upang maging maluwag ang mga muscles sa mga ganitong sitwasyon. Nababawasan nito ang pagkakapos at paghigpit ng mga muscles. Bilang resulta, mababawasan ang mga sakit na nararamdaman at giginhawa ang pakiramdam mo.

Nakakatulong i-improve ang posture

Ang stretching ay mabisa rin upang mapabuti ang iyong posture. Ang wastong pag-uunat ng muscles sa bandang ibabang bahagi ng likod, sa balikat, at dibdib ay tumutulong na ilagay sa wastong posisyon at hanay ang iyong likod. Dahil dito, magiging mas kaaya-aya ang iyong tindig at tikas. Kaugnay din nito, maaring makaiwas sa pananakit ng lower back kung gagawing regular ang stretching.

Nakakabawas ng stress

Nababawasan ang tension sa muscle kapag na-stretch ito nang maayos. Sa madaling salita, nare-relax ang muscles na kadalasan ay nagiging tense bilang response sa physical at emotional stress. Nakakapagpabuti rin ito ng daloy ng dugo. Kapag may maayos na sirkulasyon ng dugo sa mga msucles at joints, mabilis at mabisa rin ang pag-ikot ng mga nutrients na kailangan ng mga ito. Nababawsan rin nito ang recovery time at pananakit ng ibang mga kalamnan.

Nakakapag-boost ng performance

undefined

(https://www.shutterstock.com/image-photo/attractive-young-man-stretching-park-before-684709789)

Ikaw man ay isang atleta o mahilig lamang mag-ehersisyo, ang wastong stretching ay maaaring makatulong upang pagandahin ang iyong performance. Laro man ito o workout, mapapakinabangan mo ang dagdag na flexibility at mas malawak na pagkilos. Bukod dito, ang pagiging flexible sa pamamagitan ng madalas na pag-stretching ay nakakabawas ng posibilidad ng reduced mobility na dala ng pagtanda.

Nakakapagpakalma ng isip

Ang gawaing ito ay hindi lamang mainam sa katawan kundi maging sa isip. Sa tuwing ikaw ay mag-stretch, ituon ang iyong atensyon sa ginagawa at maaaring samahan dito ito ng meditation. Nahahasa dito ang iyong mindfulness kung saan nakakalimutan mo ang lahat ng mga bagay na bumabagabag sa iyong isipan.

Nakakawala ng sakit sa ulo

Ang sakit sa ulo na dulot ng stress at tension ay maaaring makaapekto sa iyong gawain at sa iyong pang-araw-araw na buhay. Bukod sa wastong diet at sapat na pahinga, ang stretching ay isang paraan din para maibsan ang kirot na dala ng headache.

 

Ang mga nabanggit ay ang mga dahilan kung bakit dapat mong matutunan at ugaliin ang stretching. Bagaman tila napakasimpleng gawin, maraming palang magandang naidudulot ang stretching sa iyong kalusugan. Subukan mo ang basic stretching bago mag-ehersisyo o gumawa ng anumang pisikal na gawain at obserbahan kung paano ka nito matutulungan.

 

Sources:

https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/fitness/in-depth/stretching/art-20047931

https://www.healthline.com/health/benefits-of-stretching

https://www.acefitness.org/education-and-resources/lifestyle/blog/5107/top-10-benefits-of-stretching/

https://www.verywellfit.com/stretching-101-2696342