Padating na naman ang summer kaya marami sa atin ang nagpaplano ng mga travel destinations na puwedeng puntahan. Kung binabalak mong umakyat ng Sagada o maglakbay pa-Timog, tiyak na kailangan mong bunuin ang mahabang oras ng pagkakaupo. Ang sitwasyong ito ay maaaring maging isang hamon para sa mga taong diabetic.
Para sa kaalaman ng nakararami, ang diabetes o diabetes mellitus ay isang karamdaman kung saan ang blood glucose, o sugar levels ay masyadong mataas. Kalimitan natin itong nakukuha sa mga matatamis na pagkain at soft drinks. Ilan sa mga sintomas nito ay ang inom ng inom ng tubig, madalas na pag-ihi, malakas kumain at palaging gutom, panlalabo ng mata, at mabagal na paggaling ng sugat.
Ang mga hindi nag-eehersisyo at may labis na timbang ay may mas mataas na risk magkaroon ng diabetes.
Ang pag-eehersisyo ay nakatutulong upang mabawasan ang glucose sa ating katawan. Kung regular itong ginagawa, malaking dahilan ito upang bumaba ang ating blood sugar levels.
Photo courtesy of ben_kerckx via Pixabay
Warm-up Exercise
Ang mga simpleng warm-up exercises ay makatutulong upang i-kondisyon muli ang katawan matapos ang matagal na pagkakaupo. Maaaring tumakbo ng ilang minuto sa lugar malapit sa bus stop area upang magpapawis o kaya nama’y mag brisk walking.
Maaari ring maituring na warm-up exercise ang jumping jack. Ito ay nakatutulong para sa kalamnan ng hita at pati na sa ating balikat. Tumalon kasabay ng pagbuka ng mga hita at paglapit ng mga kamay habang nakataas. Ulitin ito ng ilang beses depende sa iyong nais o sa tagal ng pagtigil ng bus.
Puwede ring mag stretching ng ilang minuto at tiyaking huminga ng maayos. Makatutulong ito upang mabanat ang ating mga muscles. Tandaan na gawin ito ng dahan-dahan upang hindi mabigla ang katawan.
Mahalaga ang pag eehersisyo lalo na sa mga taong may diabetic neuropathy kung saan nakararanas sila ng nerve pains dahil sa sakit na diabetes.
Sinasabing ang ehersisyo ay naglalabas ng natural na pamatay ng sakit na tinatawag na endorphins. Nag-aayos ito ng mga blood vessels sa paa at pinangangalagaan na maibalik sa dati ang mga nasirang nerves.
Push up, Leg squats, Lunges, atbp.
Photo courtesy of Keifit via Pixabay
Bagamat merong mga gamot na makakapagbaba ng blood sugar level, hindi pa rin maipagkakaila na malaki ang tulong ng pag-eehersisyo upang ma-kontrol ang ating asukal.
Maaaring gawin ang push up kahit saan basta’t may malawak lamang na sahig na pwedeng pag-ehersisyuhan. Makatutulong ito upang mapalakas ang ating braso, balikat, at dibdib.
Sa kabilang banda, ang leg squats naman ay nakapagpapatibay ng hita, binti, at balakang. Ibaba at iangat ang katawan sa pamamagitan ng pagbabaluktot ng tuhod, pataas at pababa. Maaari itong gawin nang 12 hanggang 15 limang ulit, ngunit depende pa rin ito sa itatagal ng pagtigil ng iyong sinasakyan.
Simpleng ehersisyo lang din ang lunges na pwedeng gawin kahit saan. Ihahakbang lamang nang malaki ang isang binti habang dumadahilig paharap (leaning forward). Pinapanatili ang posisyon ng ilang segundo bago isunod ang kabilang binti.
Konklusyon
Naglalakbay ka man o nasa tahanan, huwag kalimutan na hindi sapat ang mga gamot lamang. Kailangan din natin ng tamang diet at sapat na panahon para mag-ehersisyo (kahit 3 beses kada ehersisyo sa loob ng 30 minuto kada ehersisyo). Maari mong gawin ang mga halimbawa ng mga ehersisyong nabanggit sa itaas habang nasa biyahe.
Tandaan na marami tayong magagawa upang mapabuti ang ating katawan ng hindi gumagamit ng mga gym o exercise equipments. Ang mahalaga ay panatilihin nating aktibo ang pangangatawan kahit saan magpunta.