Hindi pa huli na simulan ang active lifestyle o aktibong pamumuhay. Maraming pag-aaral na ginawa ng mga dalubhasa ang nagpapatunay sa mga magandang naidudulot ng tamang ehersisyo araw-araw, lalo na sa kalusugan at pangangatawan.
Hindi mo kailangang bumili ng mga mamahaling exercise machine at damit na pang-workout dahil maraming pang-araw-araw na gawain ang pwedeng maging simula ng iyong aktibong pamumuhay. Narito ang ilang mga tips upang magkaroon ng masiglang katawan.
Piliin ang tamang ehersisyo
Ang active lifestyle ay para sa lahat, ngunit ang uri ng mga gawain tungo dito ay nababase sa pisikal na kakayanan ng isang tao at sa estado ng kalusugan. Karaniwan, ang pag-eeherisyo nang hindi bababa sa 30 minutes kada araw ay mainam sa pagpapalakas ng muscles at resistensya. Kung ikaw ay hiyang sa sports at pagwo-workout, maaaring itaas sa isang oras o higit pa ang iyong pang-araw-araw na rehimen.
Para naman sa mga hindi sigurado sa kanilang pangangatawan, magpa-general check up muna sa pagamutan, lalong lalo na sa mga taong na-operahan kailan lang, may history ng heart o respiratory illness, at may injuries sa katawan na maaaring lumala.
Magsimula sa low impact exercises
Ang low impact exercises ay mga uri ng ehersisyo o gawain kung saan hindi lubos na mahihirapan ang katawan. Maganda ang mga ito para sa mga taong nagsisimula pa lang o nanunumbalik sa pagkakaroon ng aktibong pamumuhay. Maraming simpleng gawain ang matatawag na low impact exercise gaya ng walking, jogging, at pagbibisikleta. Kung may malapit na lugar kung saan pwede at ligtas mag-ehersisyo, maglaan ng araw at oras para sa gawain ito.
Gamitin ang mga karaniwang gawain upang makapag-ehersisyo
Maraming simpleng gawain ang maaaring ituring na ehersisyo; ang ilang halimbawa ay ang paglalaba, paglilinis ng bahay, at pagpanhik sa hagdanan. Ang pagkukusot, pagbubuhat, at pagbabanlaw ng labada ay nangangailangan ng pwersa na maaaring magsilbing workout. Kung malapit ang iyong pupuntahan, maglakad sa halip na gumamit ng sasakyan. Kung mayroong bisikleta sa bahay, maaari din itong gamitin. Huwag ding kakalimutang gamitin ang hagdan imbis na sumakay sa elevator o escalator.
Bago ka pa man pormal na mag-ehersisyo, marami nang nasunog na calories ang iyong katawan.
Magpunta sa gym
Ang pagpunta sa gym ay magandang panimula sa isang aktibong pamumuhay. Piliin ang gym na may magaling na instructor o fitness coach, para mayroong magpapayo sa iyo sa kung anong uri ng ehersisyo ang nararapat sa iyong pangangatawan. Kanya ring babantayan ang pamamaraan ng iyong pag-eehersisyo at sisiguraduhing tama ang lahat ng iyong ginagawa.
Mag-stretching bago mag-ehersisyo
Laging mag-stretching para maiwasan ang injury. Kung hindi mo ito gagawin lalo na kung sasabak sa mabigat na ehersisyo, maaaring mabigla ang iyong joints at muscles. Pinapatibay at dinadagdagan ng flexibility ng stretching ang iyong katawan, kaya rehimen ito ng mga atleta bago sila mag-ehersisyo o lumahok sa sports.
Maghanap ng kasama sa pag-eehersisyo
Katamaran ang isa sa mga pangunahing katunggali sa pagkakaroon ng aktibong pamumuhay. Hindi naman dapat maging boring ang pag-eehersisyo. Maaari mong hikayatin ang pamilya at kaibigan na mag-ehersisyo. Kadalasan, kapag mas marami kayo, mas masaya.
Bukod pa sa mga natalakay na tips, sabayan ang aktibong pamumuhay ng pagkain nang tama, lalo na kung balak mong magbawas ng timbang. Dinadagdagan ng wastong diet ang magagandang epekto na dala ng pag-eehersisyo. Kung may mga sakit sa katawan na naramdaman pagkatapos ng ehersisyo, isangguni ito agad sa doktor upang makaiwas sa maaaring injury o komplikasyon.
Sources: